Isa sa mga pinaka-stressful na araw sa buhay ng isang Pilipino ay ang pagtanggap ng electric bill mula sa Meralco. Totoo ‘yan, lalo na para sa ating mga magulang—s’yempre, dahil madalas sila ang nagbabayad nito. Dalawa lang iyan: either kayo ang sisisihin ng mga magulang n’yo sa pagtaas ng bill o ang gobyerno sa pangkalahatang kapabayaan nito. Kaya naman narito ang mga simpleng tips para makatipid sa at maiwasan ang altapresyong dulot ng mataas na Meralco bill.
Aircon
Umaraw man o umulan, mainit talaga sa Pilipinas—yung tipo ng init na nakakairita na dahil mabilis matunaw ang makapal mong foundation sa mukha. Dahil d’yan, hulog talaga ng langit ang aircon sa ating bansa. Kaya naman:
- panatilihing malinis ang air filter nito. Ang makapal na mga alikabok sa filter ay maaaring makabawas sa lamig na ibinubuga nito;
- iwasto ang air capacity ng aircon sa laki ng inyong kwarto;
- sa pagbili nito, siguraduhing piliin ang modelong may mas mataas na Energy EfficiencyRatio o EER na makikitang nakatatak sa box o package ng unit. Kapag mataas ang EER, mas okay ang takbo, mas makakatipid kayo sa kuryente;
- huwag hayaang pumasok ang mainit na hangin sa air conditioned na kwarto; at
- tanggalin mula sa saksakan ang aircon kapag hindi ginagamit.
Oh Ilaw!
Bukod sa tubig, bahay, at pagkain, isa ring essential para sa ating pang araw-araw ay ang ating ilaw. Mahirap kayang mabuhay sa dilim— e, mag-brownout nga lang, e, parang lantang lanta na tayo. Kaya ating pahalagahan ang supply ng ating ilaw— ang liwanag ng ating mga pamamahay:
- laging gumamit ng compact fluorescent o kaya’y fluorescent lamp;
- palitan agad ang mga pundido at mahihinang mga bumbilya; at
- linisin ang mismong light bulb mula sa sa mga alikabok at dumi dahil ito’y nakakabawas sa hatid na liwanag nang halos 50%.
Tele(babad)bisyon
Halos lahat naman nang tao ay mahilig manood ng telebisyon. S’yempre, sa pamamagitan nito, nasusubaybayan natin ang ating mga paboritong palabas at ang mga balita. Isa man ito sa pinakapaborito nating appliances, isa rin ito sa pinakamalakas kumunsumo ng kuryente. Kung kaya’t:
- patayin (o i-switch off) ang TV kapag walang nanonood;
- huwag gamitin ang stand by mode, dahil nakaka konsumo rin ito ng kuryente; at
- tanggalin sa saksakan kapag tapos nang gamitin ang telebisyon.
Refrigerator
Sana ang buong Pilipinas ay nasa loob ng isang malaking refrigerator—biro lang, s’yempre. Bukod sa air conditioner, paborito rin nating gamitin ang ating mga ref dahil dito nakaimbak ang ating mga inumin at pagkain—bonus ang winter effect sa tuwing pagbubukas nito. Dapat lamang na:
- linisin ang ref sa pamamagitan ng defrosting. Huwag hayaang kumapal ang yelo ng freezer ng halos ¼ na pulgada;
- gumamit ng vacuum at condenser sa paglilinis nito;
- siguraduhing walang butas o singaw ang pinto ng refrigerator; at
- huwag ilagay sa mainit na bahagi ng bahay ang ref dahil makakaapekto ito sa sirkulasyon ng hangin.
Electric fan
Malaki ang tulong ng electric fan sa pang-araw-araw na pamamalakad lalo na kung nagtitipid tayo sa paggamit ng aircon. Hindi man ito kasing lamig ng aircon, pwedeng pwede na itong pampa-presko mula sa mainit na panahon. Kung kaya’t:
- panatilihing malinis ang elesi ng inyong electric fan; at
- panatilihing sa iisang direksyon lamang ang buhos ng hangin. I-lock ang oscillator upang maging steady ang fan.
Iyan ang ilan sa mga basic tips para makatipid sa bayarin sa kuryente. Pamilyar tayo sa mga katagang “Money don’t grow on trees.” Kaya naman, pera, pag-aaral, o pag-ibig man yan’, kailangan hindi tayo nag-aaksaya nang pagkakataon. Nararapat lang na pahalagahan ang mga importanteng bagay, gaya ng kuryente, na paniguradong makakatulong sa pag-asenso ng buhay natin.
Disenyo at dibuho ni Sam Natividad