Nakaraos ka na sa midterm grades pero hindi pa rin tapos ang laban. Kung sa tingin mo wala ka nang pag-asa dahil sa mga natanggap mong marka, kapit ka lang at maniwala sa iyong sarili. Sabi nga nila, “Nasa huli ang tagumpay.” Kaya hinga ka muna at relax dahil kayang kaya mong lampasan ang finals. Ito ang ilang payo makaahon sa dagat ng matinding kahapon.

Puyat pa more.

Kung nakagawian mo na ang mag-puyat sa mga bagay na hindi naman talaga nakatutulong sa iyong pag-aaral, aba’y ang payo ko sa’yo kapatid, kapuso, kapamilya, at katropa ay itigil mo na ‘yan. Maiging ipahinga ang utak upang magamit ito sa oras na kailangan mo mag-isip ng mga kritikal na bagay at para hindi mahirapang ituon ang sarili sa klase. Hindi mo na rin kailangan magkunwari na gising at nakikinig sa guro dahil sa sobrang antok na nararanasan. Tandaan, ang pagod na utak ay malabong makakuha ng mga bagong napag-aralan at malabo ring maalala ito muli.
Maging imbentor sa pagkakataong ito. It’s your time to shine!

Mag-imbento ng kakaibang mga methods o paraan kung paano pa lalong maiintindihan ang mga napag-aralan. Alam mo sa iyong sarili na may mga kakaiba kang paraan ng pagkakabisa o pag-iintindi na maaaring makatulong upang maging mabisa at mabilis ang pag-imbak ng kaalaman. Kailangan mo itong gawin dahil minsan sa sabay-sabay na final exams, nagkakahalo-halo na ang mga ideya o data sa utak mo. Mainam ding isulat muli ang mga important notes upang lalo itong maalala.
Ipahinga ang social media accounts.

Isa sa dahilan kung bakit laging naka-online ang isang tao ay dahil sa pakiramdam na laging may message o post para sa kanila. ‘Wag ganun. Feel na feel ‘eh ‘no? Ipahinga muna ang mga accounts at ‘wag maging pilingero. Makakatulong ito upang lalong maging focused sa pag-aaral at upang walang istorbo na matatanggap. Isang oras bago mag-aral i-check mo na ang mga accounts kung may mga importanteng mensahe at saka ay mag-aral nang taimtim. Wag mo na rin lokohin ang iyong sarili at sasabihin sa kalagitnaan ng iyong pag-aaral “saglit lang, 1 minute. May titingnan lang ako.” Nako, ang 1 minute mo ay mapupunta sa 1 hour at baka hindi ka makatapos.
Kung hindi mo sisimulan ngayon? Kailan?

Simulan mo na ibuklat ang mga notes at unti-unting basahin ang mga ito. Makatutulong ang group study kung matitino at talagang pursigido ang mga kasama mo pero kung hindi, wag magdalawang isip na magsumikap mag isa. Manghiram ng notes at punuin pansamantala ang storage ng phone sa mga pictures ng mga lesson nila Ma’am at Sir. Nakasalalay sa iyong kamay ang regalo na maibibigay mo sa iyong magulang kung magsusumikap ka.
Hindi magiging epektibo ang lahat ng tips na ito kung hindi ka kikilos. Maiging simulan ito paunti-unti at sabayan mo ng karagdagan pang pagsisikap. Bawasan na ang paghilata at simulan na ang mga ito. Maniwala sa sariling kayang kayang iahon ang nalalabing linggo sa terminong ito! Tandaan, kung may tiyaga, may nilaga. Kapag dinagdagan ng puso ang tiyaga, baka hindi lang nilaga makuha mo sa huli, kundi letson pa.