Cover Photo By Benildean Press Corps
Cover Photo By Benildean Press Corps.

Ang Traslacion ng Itim na Nazareno


Mahigit 200 taon ang tradisyon at pagpapakita ng debosyon sa Poong Itim na Nazareno, kaya tayo’y magbalik-tanaw sa pinagmulan nito.


By Benildean Press Corps | Saturday, 9 January 2016

 

Nangingibabaw ang sigawang “Viva Señor” habang ikinakaway ang kani-kaniyang mga tuwalya o panyo tuwing ika-9 ng Enero. Siksikan at batuhan ng panyo ang mga pangyayaring bumubungad sa atin tuwing sasapit ang Enero, kasama ang mga debotong nakasuot ng pula o maroon na damit at mga nakayapak na ‘ika’y simbolo ng pagpapakumbaba. Mahigit 200 taon ang gantong tradisyon at pagpapakita ng debosyon sa Poong Itim na Nazareno, kaya tayo’y magbalik-tanaw sa pinagmulan nito.

Halos hindi mahulugang karayom ang dami ng deboto na nakikiisa sa taunang translacion o paglilipat ng imahe ng Poong Itim na Nazareno o Black Nazarene na nakasakay sa karosa para ipakita ang kanilang pananampalataya at pagpapasalamat. Ang prusisyon ay nagsisimula sa Luneta o Quirino Grandstand at muling babalik sa Simabahan ng Quiapo na may layong halos limang kilomentro. Talagang nakadikit na ito sa tradisyon at paniniwala ng karamihan sa mga katolikong Pilipino dahil nga raw sa milagrong dala ng Itim na Nazareno sa mga deboto. Nariyan ang mga kwento na kung saan ay pinapagaling ang kanilang iniindang karamdaman, nililigtas sila sa kamatayan, at mga kwentong nagbibigay umano ito ng swerte sa kanilang mga negosyo at buhay kaya hindi na nakakapagtaka ang pagpupursigi ng mga tao para lamang makalapit sa poon.

Ang ugat o kasaysayan ng Itim na Nazareno ay nagsimula nang dalhin sa Maynila ng mga prayle na kasapi ng Augustinian Recollect noong Mayo 31,1606 ang nasabing poon. Kinilala ito bilang Itim na Nazareno dahil nasunog ang barkong sinasakyan nito kaya bahagyang nasunog din ang imahe. Halos nakaligtas na rin ito sa ibat-ibang delubyo, kalamidad, at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halimbawa na rito ang sunog sa Quiapo church noong taong 1791 at 1929, ang lindol noong 1645 at 1863, at ang pagbomba ng mga Hapon noong digmaan. Una itong inilagay sa Recollect na simbahan sa Bagumbayan at agad inilipat pagkalipas ng dalawang taon sa loob ng Intramuros. Nang sumapit ang 1787, muli itong inilipat sa huling simbahang kilala ngayon bilang Quiapo church. Dahil sa mga natamong pagkasira at pinsala ng poon noong nakalipas na prusisyon, pinagdisisyunan noong 1998 na ang orihinal na krus at ulo ay mananatili sa Altra Mayor ng Minor Basilica at ang orihinal na katawan nito ay siyang sinasama sa taunang prusisyon.

Talagang hindi matatawaran ang uri ng pananampalataya ng mga Pilipino na sumasalamin sa kanilang pangarap at pananaw sa buhay. Ngunit huwag nating kalilimutan ang tunay na kahulugan nito – ang pananampalatayang nagmumula mismo sa ating mga puso.

Kuha ni Joriel Bataan

 

 

 

Last updated: Sunday, 18 July 2021