Isang taon na ang nakalipas para matapos mo ang iyong 2015 bucket list, kaya umpisahan na ang pagkamit sa ilang beses nang naudlot na pagpapapayat na iyong ipinangako sa taong ito. Sa nagdaang Media Noche, naging handa ka ba para maiwasan ang pagkapal ng taba sa iyong tiyan, kasabay ng pagdami ng hugasing plato tuwing bagong taon? Kung hindi at ika’y nabigla sa dami ng handa sa nagdaang Media Noche, narito ang ilang tips upang makaiwas sa pagtaba na dulot ng malalaking kainan sa loob ng isang masaganang taon!
Ang pinagmulan: Nasaan ka na, second tiyans?
Kasabay ng pagpatok ng pelikulang A Second Chance, patok na rin ang pagdaragdag ng ikalawang tiyan sa nakararami. Ito ay maaaring dahil sa marami ang iyong subcutaneous fat, o ang taba na nasa ilalim lamang ng balat o ‘di kaya’y ang visceral fat na siyang bumabalot sa ating mahiyaing abs at nakapalibot sa ating internal organs. Ang atin ding taba ay dahil sa maling pangangalaga ng ating katawan o kaya naman ay dahil nasa lahi na ng inyong pamilya ang pagkakaroon ng malaking katawan.
Masaganang taon, masaganang tubig!
Bukod sa pag-inom ng 8-10 na baso ng tubig sa isang araw, bakit hindi mo subukang uminom na kaagad ng isang basong tubig, 30 minuto bago kumain ng agahan, tanghalian at hapunan? Ayon sa mga mananaliksik mula sa University of Birmingham sa UK, ang pag-inom ng tubig bago ang ating main meals ay makatutulong sa pagbabawas ng timbang. Subukan ito sa mga susunod na handaan o di kaya’y sa mga simpleng kainan upang makaiwas sa paglusog na dulot ng lechon at hamon sa hapagkainan.
Busugin ang mata, iwasan ang pata
Sa dagat ng mabangong handa, magpigil at bagalan ang nguya. Pigilan ang sarili na kumuha ng pagkarami-raming pagkain na iyong nakikita. Mabuti nang kumain na ng mga prutas imbis na ang mga high fat appetizers o ‘di kaya’y ang pagkain ng high-fiber na pagkain tulad ng oatmeal, o whole-grain sandwich, bago sumabak sa malaking handaan. Ang mga paborito mong karne at iba pang high-calorie na pagkain ay kainin lamang sa maliliit na hiwa. Nguyain ito nang mabuti para namnamin ang sarap at mabusog sa isang serving. Pagkatapos ng isang meal, uminom na kaagad ng tubig at iwasan ang pagtitig sa desserts table at sa kinalalagyan ng beer nang maiwasang ma-achieve ang bangungot ng beer belly at karagdagang layer ng taba.
Ehersisyo ang gawing bisyo!
Isa sa mga sanhi ng pagkakaroon ng malaking tiyan ay ang pagtatamad-tamaran sa pag-ehersisyo. Ang healthy body na iyong inaasam-asam ay saglit lamang na makakamit kung ito ay iyong tiya-tiyagain sa pamamagitan ng sapat at regular na exercise. Tandaan, iwasan ang mga linyang “next week ko na itutuloy ang exercise ko” dahil malaki ang tiyansa na hindi mo na ito matuloy pa. Mainam nang gawing consistent ang pagbabanat ng buto at pagtutunaw ng taba, nang madaling makita ang pagpayat na pinapangarap.
Nabigla ka man sa dami ng handa sa nagdaang Media Noche, bawiin na lamang ito ngayong taon sa pagbabawas ng fats na naipon sa buong 2015. Kung handa na ang iyong new year’s resolution, mabuti na ring ihanda ang iyong sarili para sa darating na pagsubok na dulot ng masaganang handa sa bagong taon. Tandaan na ang resulta ng mga tips na ito ay hindi makakamit kaagad. Unti-unti, ang pagti-tiyaga mo upang makaiwas sa karagdagang taba ay magbubunga rin. Basta’t salubungin ang 2016 nang may ngiti sa ating labi kasama ang ating mga pamilya at maging masaya sa panibago na namang paglalakbay para sa isang buong taon!
Dibuho ni Francis Tadeo