Pag Ibig Feat
Pag Ibig Feat.

Pag-ibig, Himig at Tinig


Sinasabing baduy na raw ang harana. Nasaan na ang sining ng pag-ibig, himig, at tinig?


By Benildean Press Corps | Tuesday, 16 February 2016

Hindi lang ang makasaksi ng isang aktwal na harana ang aking pinangarap. Sa katunayan nga’y pangarap ko rin ang maranasan na haranahin ng isang binatilyong akin ding tinatangi. Isang bagay na sa ngayon ay tila malabo nang mangyari dahil kahit na saan ko pa ibaling ang aking paningin, samu’t saring makabagong pakulo na ang aking nakikita. Gayunpaman, aking alintanang maaaring nariyan lang ito sa aking paligid kasama ng gitara; umiibig, humihimig at sumasamong mapakinggan ang tinig.

 

Pag Ibig Feat

Nota ng Tagasuri: Ang artikulong ito ay mahahanap sa pang-limang isyu ng The Benildean, mahahanap sa tatlong kampus ng Benilde habang may natitira pang panustos.

 

Sa dinami-rami ng aking mga babaeng kaibigan, ni isa’y hindi ko nakitaan ng manliligaw na magtyatyagang umawit sa tapat ng kanilang bintana upang siya’y suyuin. Puros sa kuwento at sa mga teleserye ko na lamang nalalaman at napapanuod ang tungkol sa nakakakilig na tradisyong ito. Nariyang may mga parody pa sa pagkanta ng “O Ilaw” tuwing isasalarawan ang harana. Tantsa ko pa nga ay marami pang taon na pabalik ang kailangan kong takbuhin para masilayan ito—isang bagay na imposibleng mangyari. Ngunit nakakalungkot isipin na natigil na lamang ang tradisyong ito sa ating mga nanay at tatay, kundi man ay sa ating mga lolo at lola.

 

Tayo ngayon ay namumuhay sa isang panahong mas pinipilahan ang mas mabilis at mas madali. Magpasa ka lamang ng link para sa isang kanta na nais mong iparinig sa iyong hinahangaan nang hindi kayo nagkikita, maaari mo nang maiparating ang mensaheng ninanais mong ipabatid. Sa aking hinuha ay laos ang harana sa ganitong aspeto—olats, ‘ika nga nila. Ngunit sa isang banda ay naabot ng aking hiraya ang napakagandang dahilan kung bakit dapat na masilayang muli ang tunay na harana—ang makita ang pagpapalitan ng matatamis na sulyapan ng dalawang taong nagsusuyuan. Sa pagtitig pa lamang sa mata ng isa’t isa’y agad mo nang masasabi ang nararamdaman ng iyong tinatangi. Ito ang isang bagay na hindi maibibigay ng teknolohiya. Hindi nito maipaparirinig at maipadarama ang bawat tibok ng pusong sumasabay sa himig ng pusong nanunuyo’t umaawit.

 

Paborito ko ang parte sa ilang makalumang pelikula kung saan ay nararamdaman ko na ang kilig, pagkasabik at pagkabitin ng isang manliligaw na naghihintay sa sagot ng kaniyang iniirog. Bukod sa sinseridad na ipinapakita ng mga ganitong eksena, nasa likod ang thrill na mararamdaman mo dahil sa panghihinayang sa bawat pagkakataong muntik nang sambitin ang oo na pinakahihintay ng isang binatilyo. Ang harana ay isang napakagandang paraan upang mapanatili ang ganitong damdamin. Sa dami ng paraan ng panliligaw na nakapagbibigay ng panandaliang kilig, sa harana mo na lamang yata mararanasan ang pagkasabik, kilig at kasiyahang may halong pawis na malagkit dahil sa pagharap sa kiming dilag na iyong tunay na tinatangi. Sa aking wari’y hindi matatawaran ang sikap na iniaaalay ng binatilyo sa pamamagitan ng harana.

 

Natutulog lamang ang harana sa isang natatanging bahagi ng ating pagkatao bilang Pilipino. Sa ganitong sitwasyon maiisip na maaari itong gisingin nang muling maririnig ang himig ng isang pusong sumusuyo sa isang dilag na kay ganda. Dito mararamdaman ang haplos sa bawat kalabit sa gitarang siya na ring humahabi sa dalawang pusong unti-unting nagsasanib sa ngalan ng pag-ibig.

 

 

 

Last updated: Wednesday, 30 June 2021
Tags: Pag-ibig