Isang paham na nagngangalang Apolinario Mabini ang naging utak ng pamahalaang rebolusyonaryo at siya ay ibinida ng Tanghalang Pilipino sa kanilang pagsasa-entablado ng “Mabining Mandirigma”, isang musical, tampok ang katapangan at katalinuhang ipinamalas ni Mabini noong panahon ng pagpasok ng mga Amerikano sa bansa. Nasaksihan ang palabas sa Tanghalang Aurelio Tolentino (Little Theater) ng Cultural Center of the Philippines simula ng ika-19 ng Pebrero hanggang ika-12 ng Marso.
Walang maliit o malaking ambag pagdating sa pagtulong sa bayan. Lahat ng iyong ginagawa para sa bansa, basta galing sa puso ay sapat nang pagpapakita ng pagmamahal sa lupang tinubuan. Isa sa mga hindi matatawarang kagitingan ang ipinamalas noong mahigit isang siglo na ang nakalikpas nang ang mga dayuhan ay pinagbantaang agawin muli ang kalayaan ng ating bansa. Ating balikan ang kanyang kabayanihan at alalahanin ang mga gawang hindi matatawaran.
Paglingon sa Nakaraan
Sa orihinal na panunulat ni Nicanor Tiongson, ang dula ay nahati sa dalawang parte na nakapokus sa pakikibaka ni Mabini bilang tagapayo ng unang pangulong Emilio Aguinaldo. Ang unang tagpo ng dula ay nagsimula sa pagwagayway ng watawat ni pangulong Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo, 1898. Dito itinatag ang unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng estadong rebolusyonaryo at pinakilala si Mabini bilang punong tagapagpayo at punong ministro ng pamahalaan. Pinangunahan naman ni Mabini ang pagmumungkahi na magtatag ng isang kongreso at bumuo ng isang konstitusyon para sa bagong pamahalaan. Nang dumating sa bansa ang tropang Amerikano naghatid ito ng banta sa kalayaan ng bansa.
Ang ikalawang tagpo naman ay nagpatuloy sa pagsasalaysay ng hindi pagsang-ayon ni Mabini sa mga panukala ng kongreso sa pamumuno ng mga ilustrado. Ani niya na panig lamang sa mayayaman ang mga ito at kinompromiso ang kalayaan sa nais na pagtanggap ng otonomiya sa ilalim ng Amerikano. Hindi ikinatuwa ni Mabini ang pagsang-ayon ni Aguinaldo sa kongreso, kaya matapos ng pagpatay kay Heneral Antonio Luna ay nagpasya si Mabini na bumaba sa kanyang puwesto. Kahit na siya ay simpleng mamamayan na ay pinagpatuloy pa rin niya ang pagsisiwalat ng imperyalismong Amerikano sa pamamagitan ng kanyang panulat.
Ang dula ay nagtapos sa pagtatag ni Mabini ng Partido Nacionalista, isang samahan na nagnanasa sa mabilisang pag-abot sa tunay na kalayaan. Matapos ang tatlong buwan ay pumanaw ang bayani at makikita sa dula sa kinilala ng maraming Pilipino ang kanyang kagitingan.
Masining na Pagsasadula
Sa direksyon ni G. Chris Millado, ang “Mabining Mandirigma” ay binigyan ng makabagong kulay nang isinalaysay ang buhay ng bayaning si Mabini. Sa pagganap ni Bb. Liesl Batucan bilang Mabini, ito ay ang una beses na makakakita na isang binibini ang magsasabuhay ng karakter ng isang lalaking bayani. Wika ni G. Millado, kinailangan na maging mabisa ang pagsasa-musika ng dula at dapat mas nangingibabaw ang tinig ni Mabini kaya’t pinili nila na babae ang gumanap para rito dahil sa soprano nitong tinig. Mahusay naman na ginampanan ni Bb. Batucan ang kanyang papel kasama nisa David Ezra bilang Emilio Aguinaldo at Paw Castillo bilang batang Mabini. Si Castillo ay isang alumni ng Multimedia Arts sa De La Salle-College of Saint Benilde at dati ring miyembro ng Dulaang Filipino.
Ang paglapat ng musika sa dulang ito ay nakatulong upang epektibong mailahad ang mensahe ng piyesa sa kawi-wili at komprehensibong produksyon. Sinabayan pa ng mga sayaw na nakalilibang, pati na rin ng mahusay na pag-arte, ang kabuuan ng dula ay hindi dapat palampasin na masaksihan. Mula sa disenyo ng tanghalan hanggang sa costumes at prop, makikitang hindi ito ang tipikal na musical na iyong napanood na. Ang mga kasuotan ay makalumang binigyan ng bagong timpla—mga filipiniana, barong at tuxedo, na nilagyan ng mga makabagong disenyo. Ang kulay ng may ito ay mula sa itim, at tanging si Mabini lang ang nakaputi. Ang entablado naman ay ginayakan ng mga bilog na metal na wari’y mga turnilyo ng orasan.
Pag-ugnay sa Kasalukuyan
Ang dula ay nagpamalas din ng mga nakawiwiwling paksa na naiintindihan ng henerasyon ngayon. May isang eksena sa dula na matapos magpakuha ng litrato ang mga kasapi ng pamahalaan sa makalumang pamamaraan ay biglang may inilabas na selfie stick si Aguinaldo at sila ay nag-selfie. Isa lamang ito sa mga nakakatawang eksena sa dula. May mga parte rin na ang mga gumanap na Amerikanong heneral ay mga babae, tulad nila Douglas McArthur at James Franklin Bell. Nakatutuwa dahil ang kanilang paraan ng pagsasalita ay may arte at lambot na hindi karaniwan dahil hindi matatanda ang mga aktor na gumanap. Sa huling parte naman ng dula matapos ang pagkamatay ni Mabini ay lumabas ang mga aktor na may suot na makabagong mga kasuotan, gaya ng mga jeans, t-shirt at rubber shoes. Dito ay pinakilala ang katumbas ng ginampanan nilang karakter sa makabagong panahon.
Isiniwalat ng mga ilustrado na sila marahil ang mga kongresista ngayon na sarili lamang ang iniisip at hindi serbisyong bayan ang prayoridad. Ang kanilang huling pag-awit ay ng “Mahalin ang Pilipinas nang higit sa iyong sarili”, ay naglahad ng pagmamahal sa bayan at paglilingkod dito gaya ng ipinamalas ni Mabini.
Sa ating pagbabasa ng kasaysayan, malalaman natin na hindi naging hadlang ang kapansanan ni Apolinario Mabini upang mapaglikuran ang kanyang bayan sa oras ng kagipitan. Sa halip ay ibinigay pa niya ang kabuuan ng kanyang kakayahan at talento para makamtan ng bayan ang inaasam na kalayaan. Ang pagsasa-entablado ng “Mabining Mandirigma” na handog ng Tanghalang Pilipino ay isang tagumpay sa industriya at sining ng teatro. Nailantad ang kuwento ng isang bayani na hindi masyadong kinikilala sa kanyang mga naiambag. Ang dulang ito ay magandang halimbawa ng piyesa na hindi takot gumamit ng mga makabagong elemento sa teatro. Ito ay mukha ng makabagong dulang Filipino na dapat lamang natin ipagmalaki bilang yaman at sining ng ating lahi.
Photo courtesy of Tanghalang Pilipino