Illustration By Kaila Mendoza
Illustration By Kaila Mendoza.

Ang theme song natin noon


Wala nang makakatalo pa sa alaalang dala ng ating kabataan.


By Benildean Press Corps | Wednesday, 5 October 2016

Wala nang makakatalo pa sa alaalang dala ng ating kabataan. May mga panahong ating nagugunita nang malinaw ang hele sa atin noong tayo’y nag-aaral pa lamang na maglakad. Sa saliw ng awit ng ating mga magulang ay ang mga awiting pambata o mga nursery rhymes na bahagi ng ating paglaki. Maaaring minamaliit natin ang kahalagahan ng mga ito, ngunit ang mga awiting ating kinalakihan ay naghatid ng higit pa sa ating inaakala. Mula rito ay ating muling silipin ang ugat ng kung saan tayo nakatayo at kung ano tayo ngayon at ang pundasyon ng ating pagkatao—mga awitin ng ating pagkabata.

Tb8 Pulse Ang Theme Song Natin Noon
Illustration by Kaila Mendoza

Biglang sumulpot ang kantang “May Tatlong Bibe” na isang awiting pambata, na ‘di ko inasahang papatok sa mga kabataan at sa mga ‘di katandaan. May aspeto pa rin namang nakakainis sa dahil sa paulit-ulit na pakikinig sa mga ito, pero dito natin makikita na mas tumatatak sa ating isipan ang mga bagay na ating kinaiinisan. Akin lamang napagtanto na ang mga nursery rhymes na tulad nito ay maaaring may mas malalim na naidulot sa pagkabuo ng ating katauhan at personalidad. Maliitin man natin ang mga ito at isantabi, hindi mo maikakailang mapapatango ka sa katotohanang ang mga ito ay nailipat sa atin, henerasyon mula sa henerasyon, tradisyon mula sa tradisyon. Halimbawa na lamang ang kantang “Twinkle, Twinkle, Little Star” nina Ann at Jane Taylor na inilabas noong 1806, pati na ang pang iba pang awiting nailabas noong ika-13 siglo at mga sumunod pa. Ganito katatag at kalakas ang impluwensya sa atin ng musika, lalo na bilang tayo’y mga musmos na noo’y unti-unting nag-aaral na humakbang.

Alam din natin na ang mga awiting pambata ay ginagamit sa mga paaralan, lalo na sa mga mag-aaral sa preschool. Kung mapapansin natin, karamihan sa mga ito ay mayroong tugma na madaling tandaan, lalo pa’t hindi ito kahabaan at madalas na inuulit. Pati ang pagkakabuo at ang aspekto ng pandiwa ng mga tulang pambata na nagiging nursery rhymes ay binigyang-pokus ni Kirsti Schellenberger noong 1996 sa kaniyang pag-aaral tungkol sa mga tulang pambata. May mga nagsasabi rin naman katulad nila Halliwell-Phillipps at Goldthwaite na ang mga interpretasyon sa mga awiting pambata ay may kinalaman sa kasaysayan nito at ang mga bagay at pangyayari na nakapaloob sa mga awiting ito ay matutunton sa orihinal na pinagmulan ng mga ito.

Ang early literacy o ang maagang yugto ng pagkatuto ng mga sanggol o mga bata ay konektado sa mga awiting kanilang naririnig. Iba’t ibang mga pag-aaral ang tumukoy sa mga senyales ng pagkatuto ng bata mula rito; ito ay batay sa pagsabay sa pagkanta o pagbigkas sa mga awiting ito o ang pagbigkas ng huling salita lamang mula sa mga kantang ito. Sinasabing nakapaluob ang literacy skills ng isang bata sa phonological skills katulad ng pagbigkas ng mga salitang magkakatugma at ang pagtukoy sa mga magkakaparehas at ‘di magkakatugma ng salita, pati na rin ang pagtukoy ng mga pantig ng isang salita at ang pag-uulit sa mga distinct na letra o pantig sa mga salita.

Isipin mo na lang na kung mga makabagong kanta ang pundasyon ng ating paglaki, mas kumplikado ang ating pagkatuto sa mga salitang ating makakatagpo sa ating pag-aaral. Ang masusing paglalapat ng mga salita para sa isang awiting pambata ay talagang eksepsyonal. Hindi basta-bastang mapapalitan ng mga makayugyog-ulong awitin sa ating panahon ngayon ang karunungang maihahatid sa mga bata ng mga nursery rhymes na ito. Sina Humpty Dumpty, Jack at Jill, pati si Mother Goose at ang tatlong bibe ay mainam na patuloy na maging bahagi sa paghubog sa pangunahing baitang ng pagkatuto ng isang musmos na nangangalap ng kaalaman sa mundong umiikot sa buhay na idinudulot ng musika.



Last updated: Friday, 18 June 2021