Cover Photo By The Benildean Press Corps
Cover Photo By The Benildean Press Corps.

Byaheng Karilyon: Tara sa Vigan, kai-Vigan


Tara’t sumama sa ating byaheng Ilocos at tunghayan ang katangi-tanging ganda ng ating unang destinasyon.


By Benildean Press Corps | Saturday, 12 November 2016

Ang Byaheng Karilyon ay isang serye ng lathala na tumatalakay sa obra, sining, katangian, kaugalian, kilalang putahe, tanawin, produkto, kasaysayan at maging wika o dayalekto sa iba’t ibang rehiyon sa ating bansa. Sumama sa banayad na pag-agos habang unti-unting binubuksan ang tunay na yaman ng Pilipinas.

Tinaguriang “Land of Beautiful Places and Faces” ang Pilipinas dahil sa mga taglay nitong likas yaman habang “The Best of Culture and Nature” naman ang Rehiyon ng Ilocos. Halina’t patotohanan ang gandang taglay ng Ilocandia sa ating unang byahe. Halika na, kaiVigan!

Tulak ng bibig

Ang Unang Rehiyon ng Pilipinas o mas kilala bilang Rehiyon ng Ilocos ay binubuo ng apat na lalawigan—Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Dagupan City. Ilocano ang tawag sa pangunahing salitang ginagamit sa rehiyong ito na ikatlo sa pinaka-ginagamit na lengguwahe sa bansa. Bukod sa Ilocano, marami-rami rin ang gumagamit ng Pangasinense dito.

Tipikal na gawi

Ilocano rin ang tawag sa mga taong nakatira sa rehiyon ng Ilocos, maging sa mga mamamayan ng karatig-lugar nito tulad ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at ilang bahagi ng Central Luzon. Lingid sa kaalaman ng marami, likas sa ugali ng mga tubong Ilocos ang pagiging madiskarte, matipid, masipag at matiisin sa kabila ng kahirapan sa buhay dahil sa kadahilanang mahirap humanap ng pagkakakitaan sa kanilang lugar, bukod sa agrikultura. Sabi nga nila, kapag nagmahal ka ng Ilocano, hinding-hindi ka susukuan sa hirap man o ginhawa!

Panitikan at panulaan

Pagdating naman sa musika at literatura, may kakaibang atake at pambato rin palang ipinagmamalaki ang mga Ilocano. Likas sa mga Pilipino ang pagkahilig sa mga musical instruments, kung kaya hindi maipagkakailang andiyan ang Kutibeng at Kudyapi ng Ilocos. Ang dalawang ito ay mga katutubong instrumento nila na nahahawig sa tipikal gitara at ukelele. Kadalasan namang inihahayag nila ang kanilang mga nararamdaman sa pamamagitan ng pag-awit at pagsulat ng mga epiko. Ilan sa mga kilalang gawa mula sa Ilocos ay ang Pamulinawen na isang awit ng pag-ibig (harana) at ang tanyag na epikong Biag Ni Lam-ang.

Likas yaman

Ilan naman sa mga ‘di magpapahuling natural highlights ng rehiyon ng Ilocos ay ang Hundred Islands National Park na patok sa mga mahilig mag-island hopping at Pagudpud beach para sa mga naghahanap ng pinung-pinong buhangin na may kasamang Vitamin Sea. Para naman sa mga naghahanap ng kaunting thrill sa kanilang Ilocos expedition, hindi maaaring palagpasin ang mga surfing areas na matatagpuan sa San Juan, La Union kung saan iba’t ibang lakas at hampas ng alon ang naghihintay sa iyo.

Tawag ng kasaysayan

Bukod sa mga nabanggit na natural highlights, hindi maaaring mawala ang mga ipinagmamalaki nitong architectural masterpieces kapag pinag-usapan ang rehiyon ng Ilocos. Kung hilig mong maki-throwback, sa Vigan, Ilocos Sur pa lamang ay mayroong humigit kumulang 187 halimbawa ng mga period architectures at mga lumang simbahan na ihahatid ka pabalik sa alaala ng nakaraan.

Tawid gutom

Bagamat mayroon na rin nito sa Maynila, iba pa rin ang sarap kapag ang putahe ay mismong inihanda at inihain kung saan ito tunay na nagmula. Isa raw malaking pagsisisi kung ika’y mangyaring magawi sa Ilocos at hindi nakatikim ng pinakapinagmamalaki nilang putaheng gulay, ang Pinakbet at Dinengdeng. Kung kutkutin at meryenda naman ang pag-uusapan, nariyan ang kanilang Chichacorn, ang walang kakupas-kupas na Empanada de Longganisa at ang pamatay na Bagnet!

Kaya simulan nang mag-impake at ayusin ang inyong itinerary mga kaiVigan! Kalimutan muna ang mga problema at pansamantalang tumakas sa stress buhat ng trabaho at mga problema. Subukan ang iba’t ibang klaseng food trip, bisitahin ang mga makasaysayang architectural escapade at tumuklas ng bago at kakaibang adventure hatid ng rehiyon ng Ilocos. Mag-relax sa piling ng karagatan, makihalubilo sa ilang mga katutubong mamamayan at HUWAG NA HUWAG KALILIMUTANG mag-ENJOY kasama ang iyong kaiVIGAN!

Dibuho ni Nash Cruz

 

 

 

 

Last updated: Sunday, 18 July 2021