Taong bundok: ito ang karaniwang bansag sa mga taong mahilig umakyat ng bundok o masasabing suki na sa nasabing libangan. Hindi alintala ang anumang tirik ng dadaanan, rumaragasang daloy ng ilog, o maging ang walang pinipiling init ng araw o lamig ng tag-ulan, upang masilayan ang natatanging ganda ni Inang Kalikasan. Dagdag pa rito ang inspirasyon na nagmumula sa luntiang tanawin at panandaliang pagkalimot sa mga problemang hinaharap sa buhay sa tuwing nasasaksihan ang panibagong pag-asang dala ng pagsikat ng araw.
Ngayon, hatid ng ating panibagong serye, ang dalawang kabundukang dadagdag sa inyong listahan at magbibigay ng mga impormasyong kakailanganin upang maging handa. Tara’t simulan na ang paglalakbay.
Dibuho ni Rae Ronquillo
Mt. Balagbag, Rodriguez, Rizal
Simula: Sitio Karahume, Brgy. Macabud, Rodriguez
Taas: 700 MASL (meters above sea level)
Araw na kakailanganin: 1 Araw
Oras patungo sa tuktok: 1-2 oras
Uri: Minor Climb
Klase: Trail Class
Hirap: 3/10
Matatagpuan ang Mt. Balagbag sa Rodriguez, Rizal, Parte ito ng Siera Madre Range. Ayon sa mga sanay nang umakyat ng bundok, ang Mt. Balagbag ay isa sa mga pinaka madaling akyatin. Masasaksihan din dito ang gandang dala ng Maranat Falls. Dahil malapit ito sa Metro Manila, sapat na ang taas nito para makita ang Ortigas at ibang parte ng siyudad. Hindi lang ‘yan ang maari mong gawin mula sa Mt. Balagbag: maaari ring akyatin ang Mt. Maranat mula rito at masasaksihan ang rumaragasa nitong ilog kaya pinapayuhang huwag lusungin ito kung hindi bihasa sa pag langoy.
Gayon pa man, ang kabuuang budyet para sa pag-akyat na ito ay nagsisimula sa dalawang daang (200) piso. Isa ito sa mga rason kung bakit ang mga kabundukan sa Rizal ay nababagay para sa mga nagsisimula pa lamang sa hiking.
Maaring ang katanungang “Paano ako/kami makakarating dito mula sa Metro Manila?” ay sasagi sa inyong isipan. Simple lang naman, subalit, depende pa rin ito kung saang parte ka ng Metro Manila galing.
Gabay patungo
Mula sa Cubao sumakay ng bus na patungong Tungko (Php 38). Mula sa Tungko, sumakay ng jeep na patungong Licao-Licao (Php 28). Pag dating sa istasyon ng mga jeep sa Licao-Licao, maari ka nang kumain sa mga malalapit na karinderya at bumili ng mga samut-saring mirienda sa malalapit na sari-sari stores.
Biyaheng Karilyon Tips: Ang huling biyahe ng mga jeep mula sa terminal ng Licao-Licao ay alas-sais ng gabi. Kakailanganin ninyong mag bayad ng bente pesos (Php 20) para sa rehistrasyon at limang daan (Php 500) para sa inyong magiging gabay paakyat ng bundok. Gaya ng naka sabi sa difficulty ng bundok, ito ay 3/10 at matuturing isang minor climb. Ngunit, ibang usapan na ito kapag masama ang panahon. Kung maari, piliin ang magagandang panahon sa pag-akyat ng bundok.
Upang makatawid sa kabilang bundok (Mt. Maranat), kakailanganin tumawid sa isang ilog na rumaragasa. Mula rito, maari nang tahakin ang landas patungo sa Maranat Falls, aabutin ng isa hanggang dalawang oras sa paglalakad. Gayun pa man, hindi kayo bibiguin sa gandang dala ng talon na ito. Pagdating sa Maranat Falls, maari na kayong magtampisaw sa malamig na tubig, maari na rin kayong kumain ng tanghalian dito.
Budget Breakdown: (Mt. Balagbag at Mt. Maranat/Maranat Falls)
Bus mula sa Cubao patungong Tungko – Php 38
Jeep mula sa Tungko patungong Licao-Licao – Php 26
Registration – Php 20
Guide Fee – Php 500 (Maaring paghati-hatian ng buong barkada)
Jeep pabalik ng Tungko mula sa Licao-Licao – Php 26 (Php 40 [Special])
Bus pabalik ng Cubao mula sa Tungko – Php 38
Dibuho ni Rae Ronquillo
Mt. Hapunang Banoi, Rodriguez, Rizal
Simula: Brgy. Wawa, Rodriguez, Rizal
Taas: 517 MASL
Araw na kakailanganin: 1 araw
Hours to summit: 2 – 4 oras
Uri: Minor Climb
Klase: Trail Class
Hirap: 5/10
Kung naghahanap ang barkada ng bundok na pwedeng tahakin at magaan sa bulsa, ito na talaga. Nasa dalawang oras lang ang layo (ngunit depende pa rin kung anong oras kayo aalis) mula sa Metro Manila, at nagsisimula lang sa dalawang daang piso ang gastusin. Hindi mapipigilang mamangha sa gandang dala ng mga bundok sa Rizal dahil masasaksihan din dito ang mga nakabibighaning tanawin ng Sierra Madre at ilang parte ng Rizal.
Gabay patungo
Upang makarating dito, kakailanganin sumakay ng jeep mula Cubao patungo sa Sta. Lucia (Php 15). Mula Sta. Lucia, lilipat ng jeep patungo sa Eastwood (Php 27) at pagbaba ng Eastwood sumakay naman ng tricycle patungo sa Brgy. Wawa (Php 10). Sabihin sa drayber ng tricycle na ika’y aakyat ng Mt. Hapunang Banoi.
Kakailanganing magbayad ng dalawang piso (Php 2) para sa rehistrasyon. Kung gugustuhin, maari ring kumuha ng kubo sa halagang isang daan at limampung piso (Php 150). Para naman sa pagkuha ng gabay, nagsisimula ang bayad para sa serbisyo nila sa apat na daang piso (Php 400) at walang fixed rate para sa kanila.
Magkapareho lang ang ruta patungong Mt. Hapunang Banoi at Mt. Pamitinan kaya naman sikat ito sa mga mahilig mag Trilogy Climbs at Pentalogy Climbs. May makikitang sari-sari store kung saan naghihiwalay ang ruta ng dalawang bundok. Maari kayong kumain ng agahan o tanghalian dito.
Biyaheng Karilyon Tips: Puno ng naglalakihang mga bato ang Mt. Hapunang Banoi kaya’t pinapayuhang mag dala ng mga kakailanganing kagamitan para sa mga ganitong situwasyon (first aid kit, guwantes o gloves, arm/leg sleeves, atbp.).
Kaabang-abang ang kweba na matatagpuan sa Mt. Pamitinan. ngunit sarado pa ang pasukan nito dahil umaapaw ang tubig sa tulay na nagdurugtong ng Mt. Pamitinan at Mt. Binacayan. Inaasahang matatapos ang konstruksyon ngayong taon.
Budget breakdown:
Jeep mula sa Cubao patungong Sta. Lucia – Php 15
Jeep patungong Eastwood patungong Sta. Lucia – Php 27
Registration Fee – Php 2
Kubo/Cottege – Php 150
Guide Fee – Php 400 (Nagsisimula sa 400 ang presyo ngunit wala naman talagang fixed rate para sa mga gabay)
Tricycle pabalik ng Eastwood – Php 10
Jeep mula Eastwood pabalik ng Cubao – Php 38
Ilan lamang ang Mt. Balagbag at Mt. Hapunang Banoi sa mga kabundukan na maaring tahakin ng buong barkada na swak sa bulsa.
Palaging tatandaan na kapag hindi sigurado sa landas na tinatahak sa dinadayong probinsya, manatiling kalmado at mag tanong ng direksyon sa mga lokal ng bayan o baryo.