Bilang pakikiisa sa malawakang selebrasyong ito, nag-organisa ang Center for Social Action (CSA) ng isang experiential exhibit at open mic event nitong Marso 27-28 na buong puso namang nilahukan ng mga Benildyano.
Pagdanas tungo sa pagtuklas
Sa experiential exhibit, mayroong iba’t ibang mga booths na sabay-sabay pupuntahan at lalahukan ng mga manonood. May booth na nagpapaliwanag sa konsepto ng Babaylan at kung gaano na makapangyarihan ang babae noon bago pa man masakop ang Pilipinas ng mga Kastila.
Mayroon ding mga booths kung saan ipararanas sa mga manunood ang naging pakiramdam at paghihirap ng mga kababaihan noon tulad nang mawalan ng boses sa lipunan, maging bilanggo sa anino ng mga kalalakihan at alipustahin ng mga makakapangyarihan pamamagitan ng ilang interactive plays at participative activities gaya ng paglalakad habang naka-blindfold at pagtawid sa sala-salabat na lubid.
Tungo sa pagbabago at mabuting hangarin
Sa katunayan, mas namulat ang kamalayan ng mga nagsilahok na mag-aaral sa ilang mga importanteng impormasyon tungkol sa kababaihan na hindi naman karaniwang pinag-uusapan o itinuturo sa loob ng silid-aralan sa pamamagitan ng exhibit na ito. Bukod pa rito, nagpakilala rin sila ng sila ng ilang personalidad na tinaguriang “feminist” o mga taong nakikipaglaban para sa karapatan at pantay na pagtingin sa mga kababaihan tulad nina Emma Watson, Barack Obama, Beyonce at iba pa.
Layunin ng CSA na ipaintindi sa lahat na hindi biro ang maging babae at hindi sapat sa hirap at pagtitiis na naramdaman ng mga manonood kumpara sa pasakit na dinanas ng mga kababaihan noong mga panahong patuloy pa lamang silang nakikipaglaban upang makamit ang hinahangad na puwang sa lipunan.
Buong pusong handog, awit at tugtog
Samantala, nagbigay-daan naman ang open mic event na ito upang ipahayag ang paghanga at pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa ginagampanang tungkulin ng mga babae sa sambayanan. Naging maganda rin itong pagkakataon upang ilabas ng ilang mga natatanging mag-aaral ang kanilang natatagong talento sa larangan ng pag-awit at pagtula.
Karamihan sa mga umawit at tumula ay sumulat pa talaga ng sariling mga piyesang itinanghal na kanila namang iniaalay sa tagumpay at kabantugan ng mga kababaihan mula noon hanggang ngayon. May ilan din namang mula sa mga manonood ang nagpresinta at buong galak ding nakisaya sa tugtugan at kasiyahang ito.
Sa kabuuan, naging makabuluhan ang naging pagdiriwang ng International Women’s Month sa paaralan sa tulong na rin ng mainit na pagsuporta at paglahok dito ng Benildean community. Sa pamamagitan ng mga ganitong proyekto, mas naipapakita at naipapahayag ng bawat isa ang paghanga at papuri sa mga kababaihang nanguna at hindi nag-atubili makamit ang hustisya at kapangyarihang matagal ring pinagkait sa kanila.
Isa lamang ang “Her Story: A Day In Her Shoe” sa marami pang mga aktibidad sa buong mundo, na magbubukas ng isip, magpapaunawa at magpapalawak ng kaalaman, hindi lang ng mga mga Benildyano kundi maging sa ibang mamamayan na rin, ng tunay na halaga at katayuan ng mga kababaihan sa lipunan. Magbigay-daan sana ito upang mas lalo pang respetuhin at pahalagahan ang mga kababaihan bilang representasyon din ng tagumpay at kapangyarihan at tratuhin nang higit pa sa libangan at tau-tauhan lamang sa loob ng tahanan.
Photos by Patricia Oliveros