Dibuho ni Mj Ronquillo
Dibuho ni Mj Ronquillo.

Harurot ng bagong henerasyon


Sa agos ng ating kasaysayan, may isang pampasaherong sasakyang pampubliko na naging bahagi na rin ng pang araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Mula noon hanggang ngayon, hahatid ka nito kung saan ka man paroroon. Ngunit dahil sa pagpasok ng makabagong panahon, ang makalumang sasakyan na pilit isinasabay sa modernong panahon ay lipas na ang pagkakataon na maging malaya sa lansangan. Balikan ang nakaraan at pakinggan ang panawagan ng kalikasan para sa nalalapit na pagbabago ng kasayasayan.


By Benildean Press Corps | Monday, 8 May 2017

Andar pabalik sa nakaraan

Sa lansangan sila karaniwang matatagpuan; may apat na gulong, kaliwa’t kanan na upuan ng mga pasahero, at isang upuan para sa nagmamaneho. Sa loob nito ay paulit-ulit ang senaryo na kahit siksikan na ay pinipilit pa rin ng drayber na “isa pa.” Ilan lamang ang mga ito sa bumubuo sa sasakyan na kung tawagi’y jeepney.

Mayroong kuro-kuro na ang salitang ito ay nagmula raw sa mga salitang-ugat na “jeep” at “knee” dahil sa loob nito ay literal na magkakadikit ang mga pasahero partikular na ang kanilang mga tuhod.

Murang pamasahe, libreng sulyap sa lansangan, at kakaibang karanasan ay ilan lamang sa mga maaring mong matamasa habang ika’y nasa loob ng isang pampasaherong sasakyang ito. Sariling atin kung maituturing, ngunit ito’y hiram lamang. Nagmula sa lumang mga sasakyang pangmilitar ng mga Amerikano noong World War II. Sa tulong ng malilikhaing isip, ang dating lumang sasakyang pangmilitar na ginagamit sa bakbakan ay naging isang sikat at tinatangkilik na simbolismo sa bansa, noon hanggang ngayon.

Ngunit, papaano kapag nagbago ang ihip ng hangin at pilitin ang sasakyan na maki-ayon sa bagong henerasyon? Marami ang magbabago, marami ang makikinabang sa magiging bagong kultura na hatid ng makabagong sasakyan ngunit marami ring mawawalan.

1 E Jeep  Harurot Ng Bagong Henerasyon Web Rae Ronquillo
Dibuho ni Mj Ronquillo

Panawagan ng kalikasan

Sa bawat sulok ng Pilipinas, lalo na ang siyudad, punong-puno ng usok ang kapaligiran. Wala nang sariwang hangin na maaring langhapin dahil sa mga lumang sasakyang patuloy na ginagamit hanggang ngayon, kabilang na dito ang jeepney. Malaking tulong para sa mga mamamayan ang pagkakaroon ng ganitong uri ng sasakyang pangtransportasyon dahil nakatitipid sa pamasahe, ngunit dahil sa kalabisan, kalikasan ang ngayo’y nangagailangan ng tulong.

Upang maisalba ang kalikasan, ang panukalang pagpapatanggal sa lansangan ng mga bus at jeepney na may edad 15 pataas ay nilatag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board noong 2013 sa Resolution No 2013-01.

Ang makabagong teknolohiya sana ang sagot para malutas ang malawakang polusyon lalong-lalo na dito sa Metro Manila, ngunit marami ang mawawalan ng kabuhayan tulad na lamang ng jeepney drayber. Ayon sa Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), mahigit 600,000 na drayber at 200,000 na operators sa buong bansa ang maapektuhan sa pinaplanong “jeepney phaseout.”

Dagdag pa rito, kailangan ng mga nagpapatakbo ng prangkisa ng minimum na 7 milyon na pesos na kapital at sampung unit ng jeep upang payagan ang naturang prangkisa. Kaya naman naging talamak ang transport strikes kung saan nagtigil pasada ang mga jeep hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa Baguio, Laguna, Albay, Iloilo, Aklan, Cebu, Leyte, at General Santos City, at sa iba pang mga lugar.

Ayon sa inalatag na panukala ng gobyerno, magkakaroon lamang ng makabagong sistema na kung saan ay hindi na mahihirapan ang drayber sa paghahanap ng mga pasahero dahil magkakaroon na rin istasyon para sa babaan. Maliban doon ay madadagdagan at sigurado ang benipisyo na makukuha ng mga drayber, katulad na lamang ng PAG-IBIG, SSS at iba pa.

2 E Jeep  Harurot Ng Bagong Henerasyon Web Rae RonquilloDibuho ni Mj Ronquillo

Huling harurot ng jeepney

Bahagi na ng kulturang Pinoy ang pagkakaroon ng jeepney na sa loob ay maraming eksena ang nangyayari. Halimbawa na lamang ay ang pagtutulungan kung iisipin; Iniaabot ng katabi at ng katabi pa nito ang pamasahe ng isang tao hanggang sa makarating ito sa unahan na kung saan ay pinagsasama ng drayber ang mga bayad. Gayun din kapag mayroong sukli, “paki-abot po sa nagbayad” karaniwang bigkas ng mga drayber.

Kapag naaprubahan na ang batas na makapagtatanggal sa mga lumang jeepney, ang ganitong uri at eksena ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan. Ang bagong jeepney ng henerasyon ay ayon sa pangangailangan ng mga pasahero. Kung sa ngayon ay mano mano ang uri ng pagbabayad sa loob ng jeepney, ang makabagong jeep na ilalabas ay mayroong sariling sistema na kung saan ay ilalapat na lamang ang kard na kung tawagi’y beep card sa isang automatic na makinarya na pagbabayad. Magiging sistematiko na rin ang lahat sapagkat magkakaroon na ng terminal o hintuan ang bawat jeep na mas ligtas para sa mga naglalakbay.

Isa ang jeepney sa mga simbolo ng pagiging malikhain ng mga Pilipino. Amerikano ang may dala, na binago ng mga Pilipino. Pinatatag ng kasaysayan ngunit bubuwagin ng bagong henerasyon.

“Sumigaw ng ‘Darna!’ kung kayo’y papara” isang plakard na halimbawa ng sining na nilikha ng mga Pinoy. Kasiyahan ang dulot nito lalong-lalo na para sa mga pasahero. Marami ang mawawala na magiging bahagi ng kasaysayan ngunit marami ang papasok na bagong oportunidad, para sa mamayan at para sa kinabukasan. Maaring huli na ngunit maari ring mabago pa.

 

 

 

Last updated: Wednesday, 9 June 2021
Tags: art, benildean