Kasabay ng balik eskwela ng mga tsikiting, inaasahan ang malakas at matinding pagbuhos ng ulan. Ito ay hindi lamang maghahatid ng mga biyaya at oportunidad, ngunit magdadala rin ng mga sitwasyong susubok sa ating katatagan. Kaya’t nararapat na iyong marinig ang mga salitang magsisilbing gabay sa iyong mga nalalapit na desisyon. Halina at alamin ang inyong kapalaran ngayong buwan ng Hunyo.
Aries (March 21 – April 19)

Huwag magalinlangang umamin sa nagawang kasalanan. Samahan ng dalangin ang gagawing pagtatapat upang makamit mo ang inaasahang kaayusan. Laging tandaan na isa rin itong pagkakataon upang itama ang pagkakamali.
Swerteng Numero: 9, 6, 3, at 5
Swerteng OPM: Sorry Na ng Parokya Ni Edgar
Taurus (April 20 – May 20)

Napapansin ng lahat ng taong nakapaligid sa iyo ang iyong katahimikan kaya subukan mong makihalubilo sa mga taong nakapaligid sa’yo upang makilala mo sila at makilala ka pa nila nang lubos. Paraan na rin ito sa pagkakaroon mo ng tunay na mga kaibigan.
Swerteng Numero: 1, 7, 8, at 6
Swerteng OPM: Gising na Kaibigan ng Asin
Gemini (May 21 – June 20)

Kahit na may dalawang mata ka, tila bulag ka pa rin sa pag-ibig. Saludo ang lahat sa’yo sa ginintuang puso mo kaya dapat ay ipagpatuloy mo lang ang ganyang gawain at siguradong tuloytuloy ang pagdating ng swerte sa buhay mo.
Swerteng Numero: 1, 2, 3, at 4
Swerteng OPM: Ang Mabait na Bata ni Tarzan at Baby Jane
Cancer (June 21 – July 22)
Karapatdapat lamang na natatanggap mo ang pagmamahal at kasaganahan dahil sa mabuti mong pagkatao. Nawa’y huwag kang magbago at patuloy kang maging magandang ehemplo sa iyong mga kaibigan.
Swerteng Numero: 6, 4, 16, at 15
Swerteng OPM: Tanging Ikaw ni Vehnee Saturno
Leo (July 23 – August 22)
Makatatagpo ka ng kaibigang tiyak na makasusundo mo. Ingatan mo siya at pangalagaan dahil sabay niyong makakamit ang kaginhawaan sa buhay kapag kayong dalawa ay magtutulungan.
Swerteng Numero: 11, 12, 14, at 15
Swerteng OPM: Tunay na Kaibigan ng 14-K
Virgo (August 23 – September 22)
Napakatalas ng iyong pagiisip at napakasipag mong mag-aral kaya naman sa’yo tumatakbo ang iyong mga kamagaral sa tuwing may paksang mahirap intindihin. Huwag ka sanang magsawang tumulong dahil may kaakibat itong bwenas para sa’yo.
Swerteng Numero: 12, 21, 14, at 17
Swerteng OPM: Huwag Ka Sanang Magbago ni Mike Hanopol
Libra (September 23 – October 22)
May mga suliranin kang pagdadaanan sa mga susunod na araw ngunit huwag panghinaan ng loob dahil ito’y magiging daan upang maging matagumpay ka sa iyong buhay. Magsilbing aral at inspirasyon sana sa’yo ito.
Swerteng Numero: 54, 24, 72, at 57
Swerteng OPM: Kapit Lang ni Maricar Riesgo
Scorpio (October 23 – November 21)
Mabuti kang kaibigan ngunit mag-ingat sa mga binibitawang salita dahil kahit ito’y biro para sa’yo, maaari ka pa ring makasakit ng ibang tao. Marapat lang na pagisipan ang iyong sinasabi bago pa man ito lumabas sa iyong bibig.
Swerteng Numero: 4, 11, 20, at 23
Swerteng OPM: Hindi Ko Na Kayang Masaktan Pa ni Ogie Alcasid
Sagittarius (November 22 – December 21)
Wala nang makapipigil pa sa sinisigaw ng puso mo at siguradong magkakatuluyan na kayo ng iyong iniirog. Tiyakin lamang na iingatan at iintindihin ninyo ang isa’t isa upang hindi magsibol ang suliranin na pagmumulan ng inyong hindi pagkakaunawaan.
Swerteng Numero: 11, 22, 23, at 27
Swerteng OPM: Bakit Ngayon Ka Lang ni Ogie Alcasid
Capricorn (December 22 – January 19)
Walang pinipiling panahon para sa iyo ang pagtulong sa kapwa kahit na minsa’y naaabuso na kaya’t saludo kami sa’yo! Ipagpatuloy mo ang pagtulong lalo na sa mga karapatdapat na nilalang at tiyak na bubuhos pa ang swerte mo.
Swerteng Numero: 9, 11, 33, at 31
Swerteng OPM: Salamat ni Yeng Constantino
Aquarius (January 20 – February 18)
Makatatagpo ka ng bagong kaibigan sa iyong paroroonan at magkakaroon kayo ng maganda’t tapat na relasyon. Ngunit darating ang panahon na magkakalayo kayo ng landas pero sana’y hindi ito maging hadlang sa inyong pagkakaibigan.
Swerteng Numero: 2, 15, 18, at 20
Swerteng OPM: Salamat, Kaibigan ni Jeck Pilpil
Pisces (February 19 – March 20)
Napakaswerte mo dahil may mga taong nakapaligid sa’yo na walang sawang tumutulong at sumusuporta sa kahit anong tahakin mo. Huwag mo silang kalimutang pasalamatan dahil kung wala sila, hindi mahuhubog nang husto ang iyong pagkatao.
Swerteng Numero: 7, 15, 99 at 4
Swerteng OPM: Pasasalamat ni Joey Ayala
Ngayong buwan ng Hunyo, opisyal na ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan. Marapat lang na maging handa tayo sa kahit anumang maging kalagayan ng panahon sa araw-araw. Katulad ng buhos ng ulan, kailangan handa rin tayo sa parehong swerte at suliraning ating matatanggap ngayong buwan.
Lagi nating tatandaan na ang kapalaran natin ay nasa ating mga kamay; nasa sa atin kung paano natin papatakbuhin ang ating kapalaran kaya’t magsilbi lamang itong gabay para sa ating pamumuhay.
