“Ang tunay na kalayaan ay nakamtan sa panahon ng tokhang.”
Ito ang sigaw ng nakararaming Pilipino ngayong unang Araw ng Kalayaan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Giit nila, patuloy na nadarama ang paglaya ng mga Pinoy sa pang-aalipin ng pinagbabawal na gamot na ugat sa pagkasira ng ating lipunan. Pero dapat alalahanin na ang hilagyo ng araw na ito’y may iba’t ibang interpresyon sa bawat panahon.
Nagbabago-bago ang ating kahulugan ng ideyang kalayaan lalo na’t sa konteksto ng maraming yugto ng ating kasaysayan. Mula sa himagsikan sa panahon ng pananakop, mga nakagigimbal na polisiya ng mga nakaraang pangulo, hanggang sa hinagpis ng kasalukuyang pakikibaka upang makamtan muli ang malayang lipunan.
Ngayong 2017, ano na nga ba talaga ang tunay na kahulugan ng salitang “kalayaan,” lalo na ngayong ika-12 ng Hunyo?
Kasarinlan sa panahon ng bala’t sandata
Matapos ang tatlong siglong pang-aalipin ng Espanya sa pamamagitan ng relihiyon at pamumulitika, sumiklab ang rebolusyon sa isla ng Luzon.
Sa kabila ng pagnanais makawala sa kadena ng mananakop, nanaig ang pangsariling interest sa liderato ng Rebolusyon na nagresulta sa pagkakawatak-watak ng puwersa ng mga rehiyon. Ang kawalan ng pagkakaisa ang naging sanhi ng unti-unting pagbawi sa mga napalayang lupain ng rebulusyon.
Kaya naman noong ika-1 ng Mayo, 1898, nakipagkasunduan si dating pangulong Emilio Aguinaldo sa Estados Unidos. Pagkaraan ng anim na buwan, ang nagpresentang kalasag-laban sa katiwalian ay siya rin palang magpapatuloy ng pang-aalipin sa kapuluan. Ang Pilipinas at mga lupain nito’y sagana sa likas na yaman na kinakailangan ng Estados Unidos para lalong yumabong ang kanilang komersyo.
Inalis ng Amerika ang mga establisyimentong pang-Katoliko at pinalitan ito ng doktrina ng kolonyalismo’t konsumerismo gamit ang sentralisadong sistemang pang-edukasyon. Nang tayo’y palayain noong ika-4 ng Hulyo 1946, ang kanilang mga base-militar ay nanatil sa ating bayan—ang mga atraso ng Amerika sa Pilipinas, maging ang indirektang imperyalismo nila, ay nanatili hanggang sa nakaraang administrasyon.
Kaugnay nito, ang sintemiyentong ni Pangulong Duterte kontra sa Estados Unidos nga ba ang hudya’t ng tunay na paglaya natin sa imperyo ng mga Amerikano?
Sangkap ng kalayaang tinatamasa
Ngayong nakamit na natin ang inaasam na pinaghirapang kasarinlan, nasundan pa ito ng iilang mga hakbang upang mapanatili at mapagtibay ito.
Matapos ang pormal na pagdeklara upang maging daan sa taunang paggunita ng Araw ng Kalayaan ng ating Inang Bayan, nabaling na rin ang atensyon ng mamamayan sa iba’t ibang paraan upang ipahayag ang kanilang pagiging malaya.
Malinaw na nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 4, ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na “hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.”
Ang kalayaan sa pagpapahayag ay isang karapatang pantao. Kung kaya naman tulad ng pagdiriwang natin sa kalayaan, kailangan nating ipagdiwang ang mga kasangkapan na sumusuporta at nagpapanatili sa kalayaan.
Ang isang malayang lipunan ay nakasalalay sa malayang pamamahayag na taglay ng mga taong binubuo nito. Tinutulungan ng malayang pagdaloy at palitan ng mga impormasyon at ideya sa internet ang mga komunidad at bansa na umunlad. Ngunit ang kalayaang pang-indibwal ay hindi kailanman maaring maging lubusan, dahil mag dudulot ito ng tiyak na kaguluhan.
Ayon kay Thomas Hobbes isang pilosopong pangpolitikal, kailangan nating isuko ang parte ng ating kalayaan para magkaroon ng magkasuwatong sibilisasyon dahil ang orihinal inklinasyon ng tao ay mapangalipusta sa kanyang kapwa.
Kung kaya’t na ipasa ang Batas Republika Bilang 10175, o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act ng 2012, ang batas na nagpaparusa sa mga krimeng nagaganap gamit ang internet (o cybercrimes) tulad ng pandaraya, spamming, identity theft at child pornography. Ang batas na ito ay naisagawa upang ganap na maiwasan ang maling paggamit at pag-abuso sa ating kalayaan sa pamamahayag sa pamamagitan ng internet.
Kasalukuyang gunita
Ang internet din ang naging daan upang mapagbigay alam sa nakararami ang mga paglabag ng kasalukuyang administrasyon sa karapatang pangtao.
Ang kakaibang istilo ni Pangulong Duterte sa pagresolba sa problema sa pagkakalulon ng Pilipino sa droga ay kagimbalgimbal. Ang kampanyang Gyera Kontra Droga (War on Drugs) at tokhang na kung saang umabot na ang datos ng Philippine National Police sa lagpas 7,000 na bilang ng namatay. Ayon kay Duterte, ito ang tanging solusyon upang mapuksa ang mga adik, ngunit hindi kailanman mababayaran ang buhay na nasayang kahit makamit nito ang kalayaan ng Pilipino sa tanikala ng droga.
Maliban sa pakikipagdima ng pamahalaan sa droga, kasalukuyang din nakikipaglaban sa siyudad ng Marawi sa Mindanao, kontra sa mga mararahas na bandidong nagnanais magpalaganap ng pundamentalismong ideolohiya.
Marami pang mga balakid upang makamit ang kalayaang pangkalahatan; ang panganib na nagtatayo ng bakuran sa bawat isa at dibisyon sa lipunan. Sa kasalukuyang panahon, huwag nating hayaang maapakaan ang pansariling kalayaan upang makamit ng iilan ang kanilang balikong mithiin. Tila malayo pa nga ang lalakbayin ni Juan dela Cruz para makamtan ito, ngunit patuloy siyang titindig at sisilyaban ang sulo upang sabay-sabay natin itong makamtan.
Mabuhay at maligayang ika-119 taon ng Kalayaan, Inang Bayan!