Sa hirap ng buhay, bakit pa nating ipagkakait sa ating mga sarili ang katatawanan? Ika nga ni Horace Walpole, “The world is a tragedy to those who feel, but a comedy to those who think.” Dito pumapasok ang dark humor o ang paggawa ng katatawanan partikular na sa mga masasaklap o seryosong paksa tulad ng kahirapan, trahedya, at kamatayan. Mapatakilya man o simpleng biruan sa kanto, ang ganitong klaseng komedya ay matagal nang nagbibigay halakhak sa gitna ng unos sa buhay ng mga Pilipino.
Ayon sa panayam ng The Benildean kay Bebang Siy, isang manunulat, tagapagsalin at copyright advocate na siya ring may akda ng “It’s A Mens World” at “It’s Raining Mens,” ang paggamit ng dark humor sa mga problema at isyu sa kahirapan ay tipikal lamang sa Pilipinas, sapagkat malaking bahagdan ng ating populasyon ay namumuhay sa kahirapan.
“Bakit may humor in spite of being poor? Kasi it’s a way of survival. Isa [itong] coping mechanism ng mga taong nakababad sa hirap. Parang [pagkakaroon ng mentalidad na] ‘we’re just making the most out of it,” ani Siy.
Gayunpaman, ‘ika ni Siy, ang kadalasang kinahihinatnan ng pagtalakay sa mabibigat na paksa gamit ang katatawanan ay ang pagkalimot sa totoong problema. Kumbaga ay natatabunan ng mga punchlines at biro ang isyu sa binitawang linya. Matapos ang pagpapatawa, dapat ding talakayin ang mga isyu upang masolusyunan.
Ayon naman kay Fatrick Tabada, manunulat ng pelikulang “Patay Na Si Hesus” na nakatanggap ng Audience Choice Award at ng Gender Sensitive Film Award mula sa 2016 QCinema International Film Festival, hindi biro ang paggamit ng humor sa mga pelikula. Aniya, “Tricky din siya kasi kapag may tinalakay kang importante na subject tapos ginawa mo siyang comedy or dark humor, ‘yung audience natatawa pero did you send your message across? O baka tumawa lang sila at paglabas nila ng sinehan wala na silang nakuha [na mensahe].”
Dagdag pa niya, “Innate [ito sa mga Pilipino]; may trait tayo na kaya nating pagtawanan ‘yung pagkukulang natin.” Hindi man alintana ng karamihan, ngunit madali na ring nakakakonekta ang mga Pinoy sa panunuod ng ganitong klaseng mga pelikula, dahil tulad ng nabanggit ni Siy, nagiging mekanismo ang pagpapatawa o pagbibiro upang takasan ang mapait na reyalidad ng kasalukuyan.
Ang paggamit ng dark humor sa takilya ay mas karaniwang lumalabas sa indie films. Nariyan ang iba’t ibang pelikulang tumatalakay sa mapait na karanasan o kalunos-lunos na kaganapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas magaan at mas natural na pagbabatuhan ng linya, na siya namang pinapaunlakan ng masigabong tawanan. Ilang halimbawa pa ay Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005) at Ded na si Lolo (2009).
Ngunit hindi lahat ng biro ay nakapaghahatid ng purong katatawanan dahil napakanipis lamang ng linya sa pagitan ng pangaalipusta at pagbibiro.
“Ang gumagawa lang nito ay ‘yung [may] maláy o ‘yung aware sa sitwasyon ng pinagtatawanan niya…’Yung dark humor, nakakatawa lang [ito] kapag parte ka nung pinagtatawanan. ‘Yung nagde-deliver [ng joke] at ‘yung audience, dapat pareho sila ng sitwasyon. Kapag nag-joke [ang tagapaghatid ng joke] nang magkaiba [sila], hindi dark humor ‘yan, pambabastos ‘yan,” paliwanag ni Siy.
Bilang tagapaghatid ng biro, mayroon silang responsibilidad na alamin ang kalagayan ng kaniyang mga tagapakinig at ang bagay na iniikutan ng biruan. Samantala, ang mas bukas na pag-iisip at kamalayan naman ng mga tagapanuod ay mas makatutulong upang makakuha ng koneksyon sa birong nakapaloob sa isang paksa.
Buo ang pag-asa ni Tabada na lubusan pang magagamit sa hinaharap ang komedya sa pangmasang takilya upang matalakay at maihayag ang mga kakaibang paksa ng buhay. Isa na rito ang pelikula niya kasama si Rae Red na “Si Chedeng at Si Apple.” Ginamit sa nasabing pelikula ang humor upang pagusapan ang mga taboo na isyu tulad ng paglalantad ng totoong sekswalidad ng isang 66 anyos na babae at ng pagtakas mula sa isang krimen.
Patuloy ang pakikipagtunggali ng mga Pilipino sa kani-kanilang hamong dala ng buhay. Kung minsan, mas pipiliin na lamang na pakinggan ang ingay na dala ng halakhakan kaysa ang pagkulo ng tiyan dahil sa gutom, pagsabog ng bomba, o pagputok ng baril sa karatig-bayan. Sa pamamagitan ng dark humor, kalauna’y maaari din itong magbuhat ng kamalayan na magiging tulay upang maiangat ang talakayan sa pagresolba ng mga problema sa bayan.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 1: Exploitation.