Mula sa malakristal nitong katubigan hanggang sa mayabong bulubundukin, mapagkakamalang paraiso ang isla ng Puerto Galera. Ngunit nang kami sa The Benildean ay bumisita para matunghayan ang nasabing paraiso, kapansin pansin na mga dayuhan ang naghahari sa isla at hindi mga lokal na mamamayana’t mga katutubo.
Dayuhan sa sariling bayan
Mula Maynila, narating namin ang pantalan ng Muele sa loob lamang ng tatlong oras. Maihahalintulad ko ang itsura ng dalampasigan sa patsada ng Santorini Greece, malayo sa nakakayamot na pareparehong gusali sa Maynila. Pagbaba pa lamang mula sa pantalan, mahuhulaan agad na ang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan ay turismo; kabikabila ang pag-aalok ng tour paikot sa mga tourist destination sa isla, pati na rin ang mga bangkerong nag-aalok ng paghatid papunta sa ipinagmamalaki nilang diving spot.
Kung iikutin at pagmamasdan ang Puerto Galera, mapapansin na pawang mga dayuhan ang madalas na konsyumer sa mga kainan, tindahan, at kung anu-ano pang establisimiyento. Ayon kay “Michael,” trabahador ng isang diving school sa loob ng walong taon, 80% ng mga negosyo at turistang pumupunta sa isla ay mga Intsik, Hapon, o kaya nama’y Koryano. Ang mga manggagawa rin daw ay hindi lumaki sa Puerto Galera kung hindi mga tiga-Visayas.
Kinabukasan, sinuyod namin ang mga kainan ngunit wala kaming nakita ni isang restawran na naghahain ng pagkaing lokal na masasabing galing mismo ng Puerto Galera. Ang mga pinagmamalaking kainan ay pawang naghahain lamang ng mga international dish kaya dinala kami ng aming tour guide sa Luca’s Italiana Lodge.
Pagdating sa kainan na nakapwesto sa may dalampasigan, walang kalatoylatoy ang mga serbidor dito; ngunit nang dumating ang mga banyaga, dalidali silang inasikaso at kagulatgulat na nauna pa ang in-order nila kahit mas marami kumpara sa amin. Binulabog din ng mga banyaga ang mapayapang huni ng mga alon sa pagpapatugtog nang malakas. Noong inireklamo namin ito sa mga namamahala, imbis na pagsabihan nila ang mga dayuhan, kami pa ang sinabihan na tiisin ang ingay dahil wala raw silang magagawa.
Nakakadismayang isipin na sa ilang parte ng Puerto Galera ay “second-class citizen” ang pagturing nila sa kapwa Pilipino. Napagtanto namin na ang kasaysayan ng lugar, na panahon pa lamang ng Kastila ay isa na itong bakasyunan ng mga dayuhang marino, ay indirektang uri ng pagkondisyon ng mga tao sa Puerto Galera bilang mga serbidor—serbidor sa sarili nilang bayan.
Mula sa kainan, nagtungo kami sa Mangyan Village, isang komunidad na permanenteng tirahan ng tribo ng Iraya, isang uri ng Mangyan. Sa lugar na ito nanatiling payak at mapayapa ang kanilang pamumuhay. Nakaasa pa rin sila sa kalikasan bilang pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan, kaya naman nananatili pa rin sila malapit sa masukal na lugar ng Puerto Galera.
“Ganito lang ang buhay dito. Pag wala kang makain, kumuha ka lang sa bundok. Kung walang ani, manghingi ka lang sa kapitbahay mo,” ani Edelyn, isang katutubong Mangyan at katiwala ng pamilyang Ayala sa pag-aalaga ng lugar.
Ang Mangyan Village ay itinayo noong 2010 sa tulong ng mga Ayala, at naging tourist attraction na rin sa isla. Nang aming usisain ang kanilang kultura, mistulang nabura na ito sa panibagong henerasyon, wala nang gumagamit ng Iraya, ang katutubong wika, bilang pangunahing lenguwahe. Nawala na ang kaugaliang arranged marriage, pati na rin ang pagbibihis ng bahag at katutubong damit. Isa sa mga naisalbang ugali ay ang pagpapahalaga sa desisyon at opinyon ng nakakatanda.
Aksyon ng lokal na gobyerno
Ang pagdami ng dayuhan sa Puerto Galera ay hindi isang pagkakataon lamang; ito talaga ang pangunahing plataporma ni Rockey Ilagan, alkalde ng Puerto Galera, para sa lalawigan. Maliban sa tourism, agri-business, o ang pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-aalaga ng hayop, ang sagot ni Ilagan patungkol sa “sustainable growth” ng mga mamamayan ng Puerto Galera.
“What I’m trying to do now is to develop the cooperative, trying to develop ‘yung agri-business. Yung mga malalayong bayan na hindi nag-rerely sa tourism, sila ‘yung [mag-alaga] ng manok, sila ‘yung [magtanim] ng gulay. In that way, magkakaroon ng konting “diversification” ‘yung hanapbuhay dito. Five years ‘yung time frame ko for agri-business, I Just started my first year,” dagdag ni Ilagan, isang biology graduate ng De La Salle University.
Kung susumahin, tila mananatili ang ganitong kalagayan ng Puerto Galera sa mahabang panahon—isang lugar para sa mga banyaga sa gitna ng kapuluan ng Pilipinas; isang lugar na hitik sa likas na yaman ngunit uhaw sa kasarinlan at sariling pagkakakilanlan.
Ang Puerto Galera ay isang salamin na nagsasalarawan sa katayuan ng ating pangkalakhang lipunan kung saan laganap pa rin ang kaisipang kolonyal: ang kaisipang apatetiko’t makasarili, ang pagsisilbi sa dayuhan para sa personal na ikabubuti.
Hanggang kailan natin uunahin ang banyaga bago ang ating kapwa?
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 1: Exploitation.