Tila alingawngaw na bumasag sa katahimikan ng mga katutubong Pilipino ang kaliwa’t kanang suliraning nag-udyok sa kanila upang iparinig ang kanilang tinig. Kahit sila pa ang kaunaunahang humubog sa ating kasaysayan at kultura, mistulang kulang pa rin iyon upang ang sitwasyon ng mga ethnic minorities ay bigyang pansin ng lipunan at pamahalaan.
Natatanging pagkakakilanlan
Ang katutubo o minorities ay salitang ginagamit upang ilarawan ang mga pangkat etniko na naninirahan sa isang rehiyon o lugar na samasama. Sila ay may koneksyong pangkasaysayan, mga bagay na nag-uugnay at nagbubuklod sa kanila na ipinapamalas nila sa gawi ng kanilang pamumuhay. Matatagpuan sila sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at may tinatayang 14 hanggang 17 milyong Indigenous Peoples na kabilang sa 110 grupo ng ethno-linguistic; ang mga ito ay pangunahing nakatuon sa Mindanao (61%) at Hilagang Luzon (Cordillera Administrative Region, 33%), kasama ang ilang mga grupo sa Visayas, ayon sa datos ng United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples, isang organisasyong nagsusulong na itaguyod at protektahan ang mga karapatan ng mga katutubong mamamayan.
Kabilang na ang mga Mansaka ng Compostela Valley, Mangyan ng Mindoro, Lumad ng Mindanao, mga Aeta ng Sierra Madre, at Tau’t Bato ng Palawan sa maraming uri ng katutubong etniko o minorya sa ating bansa sa bilang ng mga pangkat na hindi nakakatanggap ng karampatang pagkakakilanlan. Hindi maikakaila ang ambag ng mga katutubo sa ating kultura at tradisyon; isa na rito ang sistema ng paglikha ng mga Ifugao sa Banaue Rice Terraces dahil sa natatanging istruktura nito, mga ipinamanang kasuotan na sumasalamin sa sinaunang kultura, at marami pang iba. Maging sa paglipas ng panahon ay kamanghamangha na napanatili nila ang natatanging katutubong kultura ng sinaunang Pilipino.
Ayon sa pananaliksik ng United Nations Development Program noong Marso, isang organisasyong sumusuporta sa kaunlaran ng bansa’t pagtupad ng Millennium Development Goals nito, kadalasa’y mga minorya ang biktima ng diskriminasyon sa benepisyong pampubliko dahil karamihan sa kanila’y nakatira sa malalayong lugar na hindi gaanong abot ng kabihasnan. Kabilang sa mga problema ay kulang na suplay ng malinis na tubig, tulong medikal gaya ng mga health centers, mga kagamitan at pasilidad para sa edukasyon, at iba pa.
“A stronger focus on those excluded groups, and on actions to dismantle these barriers is urgently needed to ensure sustainable human development for all,” ayon sa naturang ulat.
Pagsubok ngayon, pagsubok pa rin bukas?
Kasama rin sa pagsubok ng mga katutubo ang paglaban nila para sa kanilang lupaing ninuno (ancestral domains) at likas na yaman sa kamay ng mga kapitalista at mga dayuhan. Ayon sa Human Rights Watch Organization, isang organisasyon na naglalayong protektahan ang mga minorya, marami ang nakasaksi sa pagpatay ng mga hinihinalang paramilitar sa mga Lumad, sinundan pa ng madugong pagtugon ng kapulisan sa protestang ginanap ng mga katutubo sa harap ng embahada ng Amerika at marami pang iba. Idagdag pa dito ang pahayag ng mga katutubo ukol sa pag-usbong ng mga corporate extractive industries na pumapasok sa kanilang lupaing ninuno (na tinatago sa tawag na development projects), tulad ng mga minahan, pagtotroso, quarrying, proyektong pang-enerhiya, at iba pang malawakang plantasyon at proyektong pangturismo na hindi angkop sa kanilang kultura.
Mayroong panukalang batas para sa mga minorya gaya ng Republic Act 8371 o Indigenous People Rights Act, na naglalayong protektahan at pangalagaan ang mga katutubo at ang pinagmumulan ng kanilang kabuhayan at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na nagraraos ng National Indigenous Peoples Conference, isang taunang pagpupulong upang paigtingin ang pagtanggap sa mga minorities (kaakibat nito ang kamakailan lang na paglagda sa isang kasunduan ng NCIP at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagsulong at pakikiisa nila sa mga minorities at mga Indigenous Cultural Communities). Sa kabila ng mga nasabing pamamaraan ng gobyerno, hindi pa rin maiiwasan ang katotohanan na kulang ang mga ito upang masigurado ang epektibong tugon ng pamahalaan.
Sa patuloy na pagabante ng ating bayan sa kinabukasan, hindi dapat talikuran ang kultura at ang mga palatandaan ng ating kasaysayan. Ang ating bayan ay hindi lamang para sa mga taong nasa kabihasnan kundi para sa lahat, minorya man o hindi.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 1: Exploitation.