Bilang pag-aalala sa mga namatay sa ilalim ng Oplan Tokhang, Oplan Kapayapaan, at batas militar sa Mindanao, pormal na inilunsad ng mga mag-aaral mula sa mga Lasalyanong institusyon tulad ng De La Salle-College of Saint Benilde at De La Salle University ang People’s Struggles Week sa pamamagitan ng pagsindi ng mga kandila sa harap ng McDonald’s Vito Cruz kahapon, Nobyembre 6.
Nagkaisa upang manindigan ang iba’t ibang mga grupo tulad ng One La Salle for Human Rights and Democracy, Youth Act Now Against Tyranny, Diwa ng Kabataang Lasalyano, Anakbayan Vito Cruz, at maging ang Kabataan Partylist, para sa iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng minoryang grupo, mga magsasaka, mga manggagawa, at iba pa. Tinalakay sa maikling programa ang maraming social issues tulad ng kontraktwalisasyon, pagtaas ng presyong bilihin, patuloy na pambabastos sa kababaihan, at pagtaas ng matrikula.
Sinimulan ni Iana de Castro mula sa One La Salle for Human Rights and Democracy ang kilos-protesta patungkol sa sitwasyon ng mga minorya. Ito’y kanya namang binigyang-diin sa pagkwento ng isang sampung taong gulang na batang Lumad na si Aboy Mandaget mula Bukidnon na nabaril sa paa noong Lunes, Nobyembre 5. Aniya, sinubukang pasukin ng mga pribadong security forces ang lupang tinataniman nila at nabaril ang bata habang pinoprotektahan ang kanilang tanim na bigas.
Para naman kay Reeya Magtalas mula sa Anakbayan Vito Cruz, patuloy pa rin ang kontraktwalisasyon sa mga kumpanya at paglala na estado ng buhay ng mga mamamayan na pinabigat pa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Ayon kay Magtalas, lumalaban ang mga manggagawa para sa karapatang ipinagkait sa kanila, ngunit dahas ang sagot ng pamahalaan dahil kinukulong at pinapatay sila. Tinapos niya ang kanyang pahayag sa paghikayat na makiisa sa laban ng mga manggagawa.
Kinondena rin sa pagkakaisa ang pananamantala ng estado sa iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular ang pambabastos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kababaihan.
“Paulit-ulit nagbitiw ng mga salita ang ating pangulo na mapagmaliit sa kababaihan at ito ay isang salamin sa ating macho-pyudal na sistema. Ngunit sa kabila ng lahat, nandito kami ngayon upang ipaglaban ang aming mga karapatan, upang isulong ang pagkapantay ng mga kasarian,” ani Gizelle Menia mula sa Youth Act Now Against Tyranny.
Huling nagbigay ng pahayag si Raphael Sale mula sa Kabataan Partylist at tinalakay naman niya ang komersalisasyon ng edukasyon sa patuloy na pagtaas ng matrikula at dagdag pang mga bayarin. Aniya, imbes na makamit ang edukasyon para lumawak lalo ang pag-iisip, pagtaas lamang ng presyo ng matrikula ang nagaganap.
Sa pagtatapos ng programa, nagsindi ng mga kandila ang mga dumalo upang bigyang respeto at mag-alay ng panalagin para sa mga biktima ng extrajudicial killings.
Hanggang Nobyembre 15 ang mga aktibidad ng People’s Struggles Week tulad ng mga forums, film screenings, at pakikipagsalamuha sa mga miyembro ng iba’t ibang sektor.
Mga kuha ni Raphael Amparo