Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang kababalaghang dala ng mga mythological creatures ay ang maaaring susi sa pagkonserba ng mga natitirang kagubatan sa bansa. Panahon na para malaman ang kanilang papel sa konserbasyon para kung makasalubong mo man ang isa, imbis na ika’y matakot, aba! Magpasalamat ka!
Ayon sa Philippine mythology at folklore, nagsisilbing tagapagbantay ng kagubatan ang iba’t ibang mga nilalang tulad ng tikbalang, dwende, kapre, at iba pa. Ngunit imbes na makita sila bilang mga tagapagbantay, tila naging negatibo ang pananaw patungkol sa kanila dahil sa depiksyon sa mga pelikula, palabas, komiks, at marami pang uri ng midya. Maliban dito, limitado ang kilala ng mga Pilipino dahil paulit ulit lamang na manananggal, tiyanak, at tiktik ang nabibigyang pansin. Ngunit, sa katunayan, maraming rehiyon sa bansa ang may kanikanilang bersyon ng mga mahikal na nilalang.
Mga nilalang ng kagubatan
Ayon sa Aswang Project, isang educational site na nangongolekta ng mga impormasyon ukol sa mga naturang nilalang, ang mga Ilokano ay naniniwala sa ‘mangmangkik,’ isang espiritu na naninirahan sa mga puno ng Ilocos Norte. Noong sinaunang panahon, may kinakantang mga berso ang mga katutubo bago nila putulin ang mga puno: “Bari Bari/ Dika agunget pari / Ta pumukan kami / Iti pabakirda kami.” Sa Tagalog, ang translasyon nito ay “Huwag ka sana masaktan kaibigan, pinuputol lang namin ito dahil kami ay inutusan.” Naniniwala rin ang mga Iloko sa mangmangkit, isang nilalang na tila sumasama ang loob kapag pinutol ng walang pahintulot ang kanilang puno.
Isa pang pinapaniwalaan ng mga Ilokano ay ang ‘batibat,’ isang matanda at matabang nilalang na namamalagi sa mga puno. Naghihiganti sila sa mga pumuputol ng puno kung saan sila nakatira, pati na rin sa mga umuupo sa kanilang kama na gawa sa nasabing puno. Ang parusa nila ay pananakal na maaaring takasan sa malakas na pagpindot sa hinlalaki sa paa ng biktima.
Mula naman sa paglalarawan ng manunulat na si Isabelo delos Reyes sa kanyang libro na El Folk-lore Filipino, ang ‘litao’ ay maliit na lalaking anito sa katubigan na tinuturing na asawa ng sirena. Kadalasang nagpapanggap sila bilang normal na tao ngunit amoy masangsang tulad ng isda. Sa Vigan, naninirahan sila sa mga puno ng kawayan sa tabing ilog tuwing sila’y nagaanyong tao. Ayon sa mga kwento, sinusumpa nila sa pamamagitan ng sakit o karamdaman ang mga pumuputol ng kawayan nila.
Para naman sa mga mamamayan ng Agusan del Norte at Agusan del Sur, ang mga maliliit na nilalang na parang duwende ay tinatawag na ‘dayamdam.’ Bago mamitas ng mga prutas o pumutol ng puno, kinakailangang magpaalam muna sa mga dayamdam.
Samantala sa mga bulubundukin ng Sierra Madre, maaring marining ang espiritu ng ‘palasekan.’ Sila ay naninirahan sa mga mapupunong komunidad. Tinutulungan nila hindi umano ang mga magsasaka at binabalaan ang mga manlalakbay kapag may parating na panganib sa pamamagitan ng pagpito (whistling). Subalit, kapag pinutol ang puno na kanilang tinitirahan, dapat ay maghanda na ng alak mula sa katas ng tubo para sila’y mapayapa.
Dahil sa madalas na negatibong paglalarawan sa mga nilalang, nakakaligtaan ang tunay na rason sa pagkatha ng mga mitolohikal na tauhan; hindi para gambalain ang mga tao kundi para ipaalala na mayroong mga naninirahan, nagbabantay, at nag-aalaga na mga nilalang sa paligid, lalo na sa kagubatan. Mula sa samu’t saring nakabibighaning kwento, sumasalamin ang malalim na pagrespeto ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang parte ng bansa sa mga nasabing nilalang. Marahil ay kinikilala nila na ang mundong kanilang iniikutan ay hindi lamang umiikot para sa kanila, ngunit para sa lahat ng namamalagi sa balat ng lupa.
Sa pamamagitan ng pag-unawa sa ating kultura ng paggalang sa mga ‘di umano’y namamalagi na nilalang, nawa’y maisapuso sana natin ang tunay na ibig sabihin ng pagrespeto sa ating lupang ginagalawan. Buhat nito, madadala ng bawat tao ang likas na pagmamahal, pag-aaruga, at paggalang sa kalikasan.
Dibuho ni Miko Fernando
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 2: Preservation.