Larawan Ni Kyle Bustos
Larawan Ni Kyle Bustos.

Nabubura ba ng globalisasyon ang Pagka-Pilipino?


Dapat bang isakripisyo ang pagkakilanlan upang makasabay sa pandaigdigang merkado?


By Benildean Press Corps | Tuesday, 13 November 2018

Hindi maikakaila ang pagbabago ng Pilipinas sa pagsibol ng globalisasyon sa nakaraang siglo; ang pagiging konektado sa pangkalahatang mundo ang nagbigay daan upang yumabong ang eknomiya, kaisipang pampulitika, at maging sa sosyo-kultural na aspeto ng pamumuhay sa modernong panahon. Ngunit sa pagyakap sa kulturang globalisado, tila unti-unting binibitawan at nakakalimutan ang pambansang pagkakakilanlan.

Tuwing may Pilipinong napupuri, nananalo sa isang kumpetisyon, o nagiging usap usapin sa kung saan man, paniguradong may #PinoyPride na pagbati sa social media. Ngunit, lingid sa kaalaman ng nakararami, ang kultura kung saan lumaki ang isang indibidwal ay mas nakakaepekto sa pagkakakilanlan kumpara sa dugong dumadaloy.

Ayon kay Bret Weinstein, isang professor at espesyalista ng teorya ng ‘evolutionary biology,’ mas nakakaapekto ang kultura ng isang tao kaysa sa ‘genetics’ ng indibidwal. Ang pag-arangkada ng pandaigdigang merkado sa nakaraang limang dekada dahil sa globalisasyon ang siyang nag-akay sa pagbabago nang kulturang maka-Pilipino patungo sa mas globalisadong orientasyon.

Dahil sa natural na heograpiya, ang iba’t ibang mga pamayanan ng sinaunang Pilipinas ay nanatiling magkakahiwalay sa isa’t isa noon pa man. Dahil dito napatibay ng iba’t ibang komunidad ang kanilang pang-etnikong kultura at pagkakakilanlan na hiwalay sa isa’t isa.

Ayon sa pag-aaral noong 2004 ng political analyst na si Dr. Rommel Banlaoi, na Executive Director din ng Board of the Philippine Institute for Peace, Violence, and Terrorism Research ,sa simula’t sapul ang Pilipinas ay mayroong nang mahinang pagkakilanlan bilang isang estado. Dagdag pa niya, ang Pilipinas ay nabuo dahil lamang sa pangkolektibong pag-aaklas kontra sa Espanya, at hindi dahil sa pagbigkis pangkultural.

Ang desparidad ng pagkakaiba ng kultura ng mga lugar sa Pilipinas ay lalong lumayo dahil sa iba’t iba nitong kaosyoso sa pakikipagpalitan o trade. Ang Luzon at Visayas ay madalas na nakikipagkalakakalan sa mga Indyano, Intsik, at mga Hapon, habang ang mga Malay at Arabo naman ang madalas na kapalitan ng mga komunidad sa Mindanao. Hindi lamang produkto galing sa ibang lugar ang naibibigay ng pakikipagkalakal, ngunit pati na rin ang kultura, lenguwahe, at relihiyon na kalakip nito.

Paglipat sa kaisipang hegemonya

Sa modernong panahon, ang pagbagsak ng Soviet Union sa pagtatapos ng dekada nobenta ang nagbigay daan upang lumaganap sa buong mundo ang idelohiya ng imperyo ng Estados Unidos na nakasentro sa demokrasya, liberalismo, at kapitalismo.

Ayon kay Alexis De Tocqueville sa kanyang librong Democracy in America, ang resulta ng paglaganap ng idelohiya ng liberalismo’t kapitalismo ang nagbigay ng balangkas sa kaisipan ng bawat indibidwal na kung saan nasa kamay nila ang direksyon ng kanilang mga buhay, kung kaya naman indirektang nasisira nito ang pagkakakilanlan at kultura ng isang bansang mas binibigyang halaga ang pangkolektibong aspeto ng pamayanan kaysa sa pang-indibidwal na pakinabang.

Ang resulta ng pag-adapt ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado ay may kakaakibat na pag-arangkada nito sa pang ekonomikong aspeto, sa kabilang banda naman nito tila nabubuwag nito ang pagkakilanlan ng isang bansa, lalo na sa aspetong pangpamilya. Sa modernong panahon mas prayoridad ng makabagong Filipino ang kanilang karera sa trabaho kaysa sa paglinang ng pagbuo ng isang pamilya, na malinaw sa pagbaba ng population growth ng bansa ayon sa Philippine Statistic Authority.

Reaksyonaryong pagaksyon

Sinusubukang aksyonan ng gobyernong Pilipino ang problema sa pagkakakilanlan sa modernong panahon. Isang akasyon ay ang pagakda ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Republic Act 10066 (o ang National Cultural Heritage Act of 2009), na layuning ipreserba ang mga artepakto, museo, establisimiyento, at iba pang mga bagay na may importansyang pangkultural.

Sa isang panayam ng Philippine Tatler kay Charles Salazar, puno ng National Commission for Culture and Arts (NCCA) on Cultural Heritage, ang pinakamainam na paraan ng pagbabalik tanaw sa kasaysayan ay ang pakikinig sa naratibo ng nakakatanda sa pamilya at pagbubuklat ng mga dokumento at litrato. Sa ganitong paraan ang pagbabalik tanaw sa pagkakilanlan ay mas subyektibo’t personal upang lubusan maramdaman ang importansya ng kasaysayan.

Bagama’t sinusubukang punan ng gobyerno ang mga puwang sa pagkakilanlan bilang isang bansa, ang kulturang globalisado ay kasama na’t nakahalo sa pagkakakilanlan ng modernong Filipino.

Negatibo man ang resulta ng globalisasyon sa pagkakakilanlan, ito ay kapakipakinabang sa pangkalakhang estado. Ayon sa meme theory ni Charles Dawkins, isang ‘evolutionary biologist,’ ang kultura ay nariyan upang magsilbing tagapangasiwa ng ebolusyon—mula sa etniko at pakikipagkapwa hanggang sa genetiko ng bawat indibidwal. Ang pangkalakhang kultura na sumasaklaw sa ekonomiko, politiko, at etniko ay nariyan upang masiguro ang kaligtasan ng buhay ng isang populasyon. Ang pagkakaangkop nito sa pagiging mas globalisado ay isang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng buhay sa modernong panahon upang makasabay sa kompetisyon ng pandaigdigang malayang merkado.

Hindi na mapipigilan ang pagkiling ng kultura sa pagiging mas globalisado dahil sa pagbabagong nararanasan sa kanyang mga karatigbansa. Negatibo man ang resulta nito sa aspetong pangnasyonalismo, partikular sa prayoridad sa pagbuo at paglinang sa kanya-kanyang pamilya, ito ay kinakailangan upang makaligtas ang mga Pilipino sa modernong panahon ng pandaigdigang merkado.

Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 2: Preservation.

 

 

 

Last updated: Saturday, 19 June 2021