Sa tulong ng teknolohiya, hindi makakaila na maraming tao ngayon—lalo na sa kabataan—ang mulat sa mga mahahalagang isyung nangyayari sa kasalukuyan; dahil dito, tinatawag sila na ‘woke’ dahil sa kanilang ‘social awareness.’ Ngunit talaga nga bang sila’y mulat sa mga nangyayari o sadyang nagmumulat-mulatan lamang dahil patok ito sa social media?
Sa isang bansa kung saan ang karamihan ng populasyon ay exposed sa social media, hindi maikakailang malaki ang impluwensiya nito sa kultura ng bansa. Sa katunayan, sa tatlong magkakasunod na taon, lumabas sa pag-aaral ng pangmidya na kumpanyang we are social na mga Pilipino ang pinakamadalas gumamit ng social media sa buong mundo. Dahil sa lawak at dami ng impormasyon na agad-agarang hatid nito, nagbibigay ito ng malaking oportunidad na maging mulat ang mga mamamayan sa mga isyung panlipunan na kanilang kinabibilangan.
Kamulatan sa kabila ng kamalayan
Ang pagiging ‘woke,’ isang salitang nagmula sa African American Vernacular English, o “mulat” ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaalaman at kamalayan sa mga isyung panlipunan na kadalasang may kinalaman sa social justice. Sa kasalukuyan, madalas ginagamit ang terminong ito sa social media upang tukuyin ang pagiging mapagmasid o mapagmatyag sa mga pangyayaring politikal, panlipunan, ekonomikal, at iba pa. Sa madaling salita, tinutukoy nito ang pagiging ‘enlightened’ diumano ng mga tao sa mga pangyayari sa kanilang sariling komunidad at maging sa buong daigdig.
Ngunit, hindi nagtatapos ang pagiging woke sa ating kamalayan lamang dahil ang pagiging mulat ay isang paraan din ng aktibismo.
Ginagamit ng ilang mga socio-civic at aktibistang grupo ang social media sa pagpapahayag ng kanilang mga hinaing at pag-aanyaya sa publiko upang makilahok sa kanilang mga pagkikilos. Kabilang dito ang Anakbayan, BAYAN, Gabriela, PISTON, League of Filipino Students, College Editors Guild of the Philippines, National Union of Journalists of the Philippines, Youth Act Now, maging ang Commission on Human Rights at Amnesty International Philippines, at marami pang iba.
Ayon sa Amnesty International, isang international na non-governmental organization (NGO) na nakapokus sa mga karapatang pantao, “Social media is a powerful tool for social change. It’s never been easier for good ideas to catch on and spark a movement.”
Para sa mga naturang grupo, magandang instrumento at plataporma para sa aktibismo ang social media dahil ito’y walang bayad, taliwas sa nakasanayang tradisyunal na midya, tulad ng telebisyon, radyo, dyaryo, atbp., na kadalasang pagmamay-ari ng mga malalaking pribadong kumpanya. Ang paggamit ng alternatibong midya tulad ng internet at social media ay nagtitiyak ng malayang pagpapahayag ng mga adbokasiya at hinaing na walang kahit na anumang limitasyon o sensor.
Para kay Chai Fonacier, isang aktres na kilala sa mga pelikulang Respeto at Patay Na Si Hesus at maituturing na impluwensiyal sa social media dahil sa kanyang pagbubuhos ng mga saloobin sa Twitter, epektibong plataporma ang social media sa pagsimula ng diskurso.
“Social media to me before was just a place to rant, place to connect to people, place to air out your opinions. [Now,] thinking about creative ways to talk about certain issues that instead of “[ranting],” I want to bring it up to the level of a conversation starter. It reaches a lot of people,” ani Fonacier sa pakikipanayam ng The Benildean.
Sa tulong ng social media, tila mas malayo’t malawak na ang nararating ng impormasyon. Sa ganito, totoong mulat nga ang iilang Pilipino sa mga napapanahon na isyu, ngunit ano nga ba ang gagawin pa aksyunan ang mga isyung ito?
Kamalayan sa likod ng kamulatan
Para sa iba, hindi isang konkretong aksyon upang makapagsimula ng tunay na pagbabago sa lipunan ang aktibismo sa social media. Ang salitang slacktivism ay isang katagang madalas ginagamit sa internet para tukuyin ito.
Ang slacktivism ay kumbinasyon ng mga salitang slack o katamaran at activism o aktibismo at pagaalsa. Batay sa Oxford English Dictionary, ang slacktivism ay ang pagsuporta sa mga adbokasiyang politikal o panlipunan sa pamamaraan ng internet at social media ngunit nagbibigay lamang ng kaunti—kung mayroon—na aktwal na pagkilos o pagsisikap. Tinutukoy din nito ang mga taong sumusuporta sa isang adbokasiya sa paggawa lamang ng mga maliit at simpleng bagay na hindi sapat upang makamit ng aktwal na pagbabago.
Halimbawa ng slacktivism ay ang simpleng pag “like” at “share” lamang ng mga post sa Facebook o Twitter sa halip na umaksyon, makipagkawanggawa, o sumali sa mga aktibidad na may kinalaman sa aktwal na pagkilos.
Ngunit hindi sang-ayon si Fonacier na walang kahihinatnan ang pagiging woke sa social media.
“Itong social media is, for me, a good platform to still participate even when time does not allow you anymore. I disagree with ‘yung sinasabi nilang walang nagagawa ang pagiging vocal on social media about issues, about things that matter to you. They use it to inform and educate people. I disagree na wala siyang nagagawa. It’s still discourse, and discourse is important,” giit ni Fonacier.
Sa panahon ngayon, mabuti ang pagiging mulat at may pakialam sa mga nangyayari sa lipunan, ngunit dapat hindi hayaang makulong ang mga adbokasiya sa social media lamang. Totoo ngang nakatutulong ang social media sa pagpapalaganap ng mga balita, opinyon, at ideya, paghahanap ng tulong, pagsisilbing libangan, at daluyan ng komunikasyon, ngunit nararapat din na tumayo at umaksyon.
Kahit ilan mang dami ng likes at shares sa social media, ito’y hindi sapat para maging epektibong ahente ng aktibismo’t pagbabago; kinakailangan pa ring lumabas sa lansangan at kumilos upang makamit ng tunay na pagbabago.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 3: Aftermath.