Kupas na ang kulay ng matatandang kaugalian sa kasalukuyang henerasyon. May kaugaliang patuloy na nabubuhay at nakiki-ayon sa pagbabago ngunit marami na ang nabago. Hindi lamang ang mga lungsod ang tuluyang binago ng panahon, kundi pati ang mga mamamayan nito.
Pilipino noon at ngayon
Bagama’t marami nang pagbabago ang nagaganap sa ating lipunan ay marami ring maliliit na bagay ang unti-unti nang namamatay dulot ng pagsasawalang bahala ng mga tao. Isa na rito ang mga kaugaliang Pilipino na kung tutuusin ay malaki ang maitutulong para sa progreso; kaugalian na katulad na lamang ng bayanihan, pagtangkilik sa mga lokal na produkto, at pagiging maka-Diyos.
Ngunit tuluyan na nga bang nawala ang mga naturang lumang ugali o tila nag-iba lamang ng anyo sa kasalukuyan?
Noon, ang bayanihan, o ang kusang pagtulong ng mga mamamayan sa may nangangailangan, ay mas nakikita sa pisikal na pagtulong tuwing may maglilipat ng tahanan. Sa dating bayanihan, ang mga tao mismo ang bubuhat sa bahay ng pamilyang maglilipat. Kung tutuusin, buhay pa rin naman ang diwa ng bayanihan ngunit hindi na nakakulong sa paglilipat lamang ng bahay. Sa kasalukuyan, kadalasan itong matutunghayan kapag may sakuna, may nasunugan, o ‘di kaya naman ay kapag may isyung nais labanan ang mga tao. Ang pagtugon sa mga napapanahong isyu’y maituturing na bahagi ng progresong patungkol sa pagiging mulat ng bawat Pilipino sa katotohanang nagkukubli. Maaaring maging ugat ito upang ipakilala ang katotohanan sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.
Samantala, pagdating naman sa usaping produkto, mayroong mga dayuhang produkto na siyang mas tinatangkilik ng karamihan at mayroon din namang mga lokal na produkto na siyang nanghihingi ng atensyon sa ating mga mamamayan. Mga produktong tulad ng Auro, isang uri ng tsokolateng gawa ng pinoy; Mushroom Chicharon na sinasabing maaaring panghalili sa mga karne, at ang Nanay Pacing Peanut Butter na gawang bahay mula sa Baler.
Pamilyar man o hindi sa mga nabanggit na produkto, iilan lamang ang mga ito sa napakaraming produktong Pilipino na nasa merkado na hindi maitatangging nakukubli nang dahil sa mga dayuhang produkto. Nakatutuwang isipin na dahil sa dumaraming adbokasiya patungkol sa pagtangkilik sa mga lokal na produkto ay unti-unti na rin ang mga itong nakikilala hindi lamang sa bansa, kundi pati na rin sa ibang mga bayan.
Sa kabila ng napakaraming isyung nagpapahati sa mga Pilipino, ang isa sa mga dahilan ng pagkakaisa ay ang pagkakaroon ng paniniwalang patungkol sa Panginoon. Pamana ng mga Espanyol ang katolisismo ngunit sa pagdaan ng panahon ay dumami na rin ang samu’t saring relihiyon. Bagama’t magkakaiba sa isatraktura, nagkakaisa pa rin ang mga tao para sa mas ikabubuti ng lahat.
Halimbawa na rito tuwing may sakunang sumira sa isang lalawigan at nabiktima halos ang buong bansa; tiyak na magtutulungan pa rin ang mga taong may iba’t ibang relihiyon dahil sa layuning matulungang muling makabangon ang nasalanta ng bagyo.
Maliban dito, kadalasan ding mayroong sariling programa at proyekto sa loob ng bawat relihiyon na patungkol sa bolunterismo na ang layunin ay tumulong sa mga Pilipinong nasa laylayin ng lipunan. Kung minsan pa nga’y nang dahil sa pagkawanggawa ng mga miyembro nito ay maraming tao ang siyang naiimpluwensiyahan at natulungang magbago at ituwid ang kanilang buhay.
Hindi maitatanggi na ninanais ng bawat mamamayan ang pagiging progresibo, ngunit hindi rin maitatagong kakaunti lamang ang kumikilos upang makamit ito. Ang pagpapanatili ng mga positibong kaugalian at pagsasabuhay ng mga ito ay maaaring magdulot ng unti-unting pagbabago, hindi lamang sa ekonomiya, kundi pati na rin sa ating araw-araw na pamumuhay.
Mabagal man bago maramdaman ang ninanais na pag-unlad ay dapat magumpisa na ngayon. Huwag lamang gawing anino ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ng mga nakatatanda, kundi ay gawin ang mga itong inspirasyon upang mahubog nang maayos ang makabagong Pilipino.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 3: Aftermath.