“Maka-Diyos, Maka-Tao, Makakalikasan, at Makabansa.” Ito ang national motto ng bansang Pilipinas. Ngunit nasaan ang pagiging makabansa sa desisyong panatilihin ang Ingles sa core subjects ng kolehiyo habang ang sariling wika ay ginawang opsyonal?
Noong Nobyembre 9, nagdesisyon ang Korte Suprema na alisin na ang Temporary Restraining Order na nalibas noong 2015 ng Commission on Higher Education na gawing opsyonal na lamang ang Filipino, Panitikan, at Constitution sa kolehiyo bilang mga asignatura. Bilang pagsagot, kinondena ito ng iba’t ibang mga grupo, organisasyon, at mga kilalang personalidad tulad ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika), Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ng University of the Philippines, United Petitioners Against K-12, at lalo na si Virgilio Almario, National Artist for Literature at Chairman ng Komisyon ng Wikang Filipino. Isa lamang ang kanilang paniniwala; ang nagawang desisyon ng hukuman ay isang malaking pagkakamali.
Impluwensya sa pagkakakilanlan
Sa simula pa lamang ng kasaysayan, maaring sabihin na hindi nakapagtataka ang kinahinatnan ng ating wika. Matagal na tayong naghahanap at lumalaban upang tunay na makilala ang ating mga sarili bilang isang lipunang Pilipino.
Ayon kay J. Nicole Stevens sa kanyang sulatin “The History of the Filipino Languages,” samu’t saring mga kultura mula sa 1500 B.C. hanggang sa 1800 siglo ang nakaimpluwensya sa ating sariling wika; mga Malay, Chinese, Espanyol, Amerikano, at Hapon. Subalit nagkaroon tayo ng pag-asang makamtan ang hinahanap na kasagutan kung sino ba talaga tayo bilang Pilipino.
“Nagkaroon ng panahon na tila hindi maaari sa mga Pilipino na pagkasunduan nilang ang isa sa mga katutubong wika ay piliin na maging wikang pambansa, nguni’t sa wakas ay napakilala nating lahat na kung ang isang wikang dayuhan ay matatanggap natin para maging wikang opisyal ng Pilipinas, lalong matuwid namang dapat nating tanggapin ang isa sa mga wikang katutubo natin upang maging wikang pambansa nitong ating bayan,” ani Manuel Quezon, dating pangulo ng Pilipinas at Ama ng Wikang Pambansa, sa isang talumpati na nagdedeklara ng Wikang Pambansa noong Disyembre 30, 1937.
“…[Sa] pagpapatibay sa Tagalog bilang saligan ng wikang pambansa ng Pilipinas, ay naisakatuparan natin ang isa sa pinakamimithing pangarap ni Rizal,” dagdag niya.
Subalit, sa kasamaang palad, hindi napangalagaan ang deklarasyong ito, at tuluyang namamayagpag pa rin ang pagpapahalaga sa wikang Ingles.
Gayunpaman, kulang na kulang pa rin ang kahusayan sa Ingles ng mga Pilipinong mag-aaral na nakapagtapos sa kolehiyo. Mula sa dalawang taong pag-aaral ng Test of English for International Communication, mas mababa ang nakuha ng Pilipinas na grado kaysa mga mag-aaral sa mataas na paaralan ng Thailand at sa mga namamasada ng taxi sa Dubai.
Wika natin, para sa atin
Wala namang masama sa pag-aaral ng Ingles at iba pang dayuhang wika, ngunit bago pa man aralin ang mga ito, mainam na maunawaan muna natin ang sariling wika.
Kung tutuusin ang labing apat na taon sa mababa at mataas na paaralan, kasama na ang K-12, ay hindi sapat upang tuluyang mahubog ang mabisang paggamit ng Wikang Filipino. Bukod pa rito, ang naturang tunay na pagmamahal sa isang wika ay isang patuloy na proseso.
“Kailangan, ang Filipino, as the national language, ginagamit mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas ng edukasyon. Iyon ang paraan para ang language ay ma-cultivate,” ani Almario sa panayam sa isang lokal na palabas.
Naiintindihan ko ang panig ng mga pabor sa desisyon ng Korte Suprema, lalo na’t pinapagtibay pa nito ang ang kakayahan nating makipagsabayan sa paghahanap ng hanapbuhay sa ibang bansa. Ngunit dapat kaakibat ng desisyon ang kasiguraduhan na ang kakayahang gamitin ang wikang Filipino ay matibay na maitatatag sa mababa at mataas na paaralan.
Ngayong opsyonal na lamang ang pag-aaral ng ating wika, papaano kung paunti nang paunti ang mga may nais makilala pa ang wika, lalo na ngayon pa lamang ay hirap na nga tayong makabuo ng isang pangungusap na purong Filipino?
Kailangan nating isaalala na tayo’y Pilipino at hindi nagbabalatkayo bilang ibang lahi. Nagagawa nating ipagmalaki ang pagka-Pilipino, subalit hindi natin tunay na maipagmamayabang ang lahing hindi lubusang nakilala, kasama na rito ang wika.