Photo By Kel Santos
Photo By Kel Santos.

Water Globe


What are we but words, written for the stage, with trembling and doubt, eternal, limitless unbound, just another soul from a page.


By Benildean Press Corps | Wednesday, 28 November 2018

THE PLAY:

 

[ALICE, a 23-year-old young lady, enters, pacing around the stage as though she is lost. She stands more than five-feet tall barefoot. She walks around, as if trying to look for something in the distance. A sound, like that of a mall’s paging alert, plays.]

 

OPERATOR: [Off-stage] Calling the attention of Ms. Arlene Langan. Ms. Arlene Langan, please proceed to Aisle A. To Aisle A, now. Thank you.

 

ZENAIDA: ‘Yung sinasabi ko nga sa’yo, ‘yung kapatid ko. Naku, hindi na nakapaghintay. Kaya nu’ng isang beses, nagtatatahol ‘yung aso namin, ‘di mapakali. Para bang may gustong sabihin…

 

[ALICE finds ZENAIDA who is sitting center stage. ALICE stands next to her, as she combs her shoulder-length hair behind her ears, where a minuscule, scintillating pair of earrings is nestled. On her slender neck, a round, golden pendant, not larger than the size of a 25-centavo coin, rests perfectly between her collarbones. Her eyes are like coin bank slits against her tight, yellow skin.]

 

ALICE: Excuse me po? Pwedeng magtanong?

 

[ZENAIDA, a 40-year-old woman, ignores her, uninterrupted with her story. She is framed in a petite but plump, brown body, with a small nose, dark, round eyes, and an incomplete set of discoloring teeth.]

 

ZENAIDA: Eh ‘di sinundan ko nga. Dumiretso sa may parang lawa. Nagtatatahol. Tapos naaninag ko parang may tao sa ilalim. Sumisid ako. Siya nga. ‘Yung kapatid ko. May nakataling lubid sa baywang at ‘yung lubid nakatali sa malaking bato.

 

ALICE: Ate, wala po kayong kausap.

 

ZENAIDA: Ha? Sino ba ‘to? [ZENAIDA reaches to her side; her pudgy arm dances in the thin air. Nobody is there, only a piece of cardboard is present.] Saan na nagpunta ‘yon? Aba, iniwan ako ah—

 

ALICE: Ate, pwede magtanong? Paano ko ho malalaman kung ako na ‘yung susunod?

 

ZENAIDA: Ano? Hm, depende.

 

ALICE: Po? May number po ba? Saan po kukuha ng ticket?

 

ZENAIDA: Wala, hihintayin mo lang na tawagin ka.

 

[ALICE picks up the cardboard. Written on it are the words, “RIP Justice.” ALICE inspects it and then sets it aside so she can sit down beside ZENAIDA.]

 

ALICE: Kayo ho, kararating niyo lang? Kanina pa ho ba kayo dito?

 

ZENAIDA: Zenaida Romano. Anak ng isang magsasaka. Binaril sa isang rally noong 1987 sa Mendiola. Hay, diyos ko, uulitin ko nanaman ‘tong kwento ko!

 

ALICE: 1987 pa ho kayo dito? [ALICE nears ZENAIDA.] Halos 30 years na ho ‘yon ah? Bakit—

 

ZENAIDA: Anong pangalan mo?

 

ALICE: [ALICE nears ZENAIDA, offering her hand.] Alice po.

 

ZENAIDA: [ZENAIDA ignores Alice’s hand.] Alis? Aalis ka na agad? Hindi ka man lang nagpakilala.

 

ALICE: Hindi po. Ibig ko pong sabihin, Alice po ang pangalan ko.

 

ZENAIDA: Ah, Ellise. Paano ka namatay, Ellise?

 

ALICE: Alice…

 

[Pause.]

 

ZENAIDA: Ellise? Ellise, nandyan ka pa ba? [ALICE waves her hand in front of Zenaida’s face. ZENAIDA remains still. ALICE learns that ZENAIDA is blind.]

 

ALICE: Uhm, opo. Uh, over– [ALICE clears her throat.] Overdose… Uh, ano nga po ‘yung… Bakit nga po pala kayo nag-rarally no’n?

 

ZENAIDA: Hindi mo na naabutan ‘yon no? Sa boses mo pa lang, alam kong bata ka. Alam mo, Ednis, kahit naman sabihin ko sa’yo—

 

[The familiar sound interrupts.]

 

OPERATOR: [Off-stage] Calling the attention of Mr. Adam Mingalam. Mr. Adam Mingalam, please proceed to Aisle A. To Aisle A, now. Thank you.

 

[ALICE looks up, trying to find where the voice is coming from.]

 

ALICE: Bakit po pala may ganon? Bakit tinatawag ‘yung mga pangalan?

 

ZENAIDA: Gagawin kang abo.

 

ALICE: Po?

 

ZENAIDA: Lahat ng kaluluwa ng namatay, napupunta at bumabalik dito. Ginagawang abo. Nilalagay sa ulap at sinasama sa mga patak ng ulan.

 

ALICE: Para saan po?

 

ZENAIDA: Malamang para ibalik sa mundo, ‘di ba?

 

ALICE: Parang reincarnation po ba ‘yan?

 

ZENAIDA: Ano ‘yon?

 

ALICE: ‘Yung kapag namatay po kayo, pwede kayong maging kahit anong hayop o insekto depende raw kung ano ‘yung naging buhay niyo.

 

[ZENAIDA laughs.]

 

ALICE: Bakit po?

 

ZENAIDA: Saan mo nakuha ‘yan? Binabalik ‘yung mga kaluluwa sa lupa para maging tao ulit, hindi para maging hayop. Hindi na kailangan ng mundo ng mga hayop. Marami na no’n!

 

ALICE: Eh kayo po, bakit nandito pa ho kayo? 30 years na, hindi man lang kayo natawag?

 

ZENAIDA: Hindi. Kasi hanggang ngayon, hindi pa raw nahahanap ‘yung katawan ko—

 

ALICE: [Aside] Baka naman ‘di niyo lang narinig?

 

ZENAIDA: Tatawagin ka lang kung kahit papaano eh naiburol ka o nailibing man lang nang maayos—at alam mong mga may pera lang ang nakakagawa niyan. Pero ako, sa tagal no’n? Naku! Hindi na ako umaasang matatawag pa. Malamang ngayon, pataba na lang ako sa lupa.

 

ALICE: Purgatoryo po ba ‘to?

 

ZENAIDA: Isa pa ‘yan. [ZENAIDA laughs.] Kung ano-anong tinuturo sa inyo sa eskwela ‘no? Walang purgatoryo. Hindi rin totoo ang langit. Wala ring impyerno. Ang meron lang ay ito. [ZENAIDA gestures, as though referring to the stage.]

 

ALICE: Ano po ba ‘to? [ALICE looks around.]

 

ZENAIDA: Bakit, kailangan ba may pangalan para maging ganap? Basta meron nito. Ang hirap kasi sa tao, lahat pinapangalanan, inaangkin. Kahit ‘yung mga bagay na hindi pa naman nila nakikita. Ikaw, ano nga palang pangalan mo?

 

ALICE: Alice po— Eh para saan—

 

ZENAIDA: Alis? Aalis ka na? Hindi ka man lang nagpakilala.

 

ALICE: Alice po ang pangalan ko. ‘Yung tanong ko po, para saan pa ‘yung mga tinuturo nila kung hindi naman pala totoo ‘di ba? Baka naman purgatoryo ‘to pero ‘di lang natin alam.

 

ZENAIDA: Alam mo, sinasabi lang nila na may langit at impyerno para tumino ang tao. Pero walang talab. Tao lang din ang gumagawa ng langit at impyerno na ‘yan.

 

ALICE: Hindi po ba madaya ‘yon? Kung gano’n, eh ‘di walang napaparusahang masasamang tao. At saan naman napupunta ‘yung mga mabubuti?

 

ZENAIDA: Bakit sa palagay mo ba patas na tatlumpung taon na akong naghihintay na matawag ang pangalan ko? Ang totoo lang ay pinanganganak ang tao. Hindi tayo nagmumula sa luha ng kabibe.

 

[The familiar sound interrupts again.]

 

OPERATOR: [Off-stage] Calling the attention of Ms. Alice Dimaano. Ms. Alice Dimaano, please proceed to Aisle A. To Aisle A, now. Thank you.

 

ALICE: [ALICE looks behind her.] Eh paano naman ‘yung mga ayaw nang mabuhay? Paano kung kaya sila nagpakamatay kasi parang impyerno na ‘yung mundo para sa kanila? [ALICE stands up carefully, then slowly nears the opening, as if to exit the stage.]

 

ZENAIDA: Tinatanong naman nila kung paano ka namatay. Kung nalaman nilang namatay ka dahil pinatay mo ang sarili mo, ilalagay ka nila sa katawan ng isang sanggol na alam nilang magpapakamatay din balang araw.

 

ALICE: [ALICE stops.] Ha?! [She goes near ZENAIDA once more.]

 

ZENAIDA: Wala naman talaga tayong pinagpipilian, kahit mula pagkapanganak mo pa lang. Bakit, napipili mo ba kung sino magiging magulang mo? Hindi mo kasalanan kung impyerno ‘yung mundo. Walang may kasalanan. Dahil nakatakda na ang lahat. Sanggol ka pa lang, alam na ng mundo kung paano ka babawiin. Nabubuhay lang tayo para gumanap…nang paulit-ulit-ulit.

 

ALICE: Pero may mali…kung gano’n, paano ‘yung lahat ng namatay na hindi na nahanap ‘yung katawan, gaya niyo? Kung hindi kayo ibinabalik sa lupa, paanong nangyayari na paulit-ulit na may mga gano’ng kaso?

 

ZENAIDA: Sa tagal ko rito, marami akong nalaman. Pero katulad mo, gumaganap lang din ako. Hindi ako diyos. Wala akong—

 

[The sound plays once more.]

 

OPERATOR: [Off-stage] Calling the attention of Ms. Alice Dimaano. Ms. Alice Dimaano, please proceed to Aisle A. To Aisle A, now. Thank you.

 

ALICE: Tinatawag na ho ako. [ALICE runs behind ZENAIDA, towards an opening, about to exit the stage.]

 

ZENAIDA: Aalis ka na? Hindi ka man lang nagpakilala.

 

[ALICE pauses.]

 

ALICE: Alice po. Alice po ang pangalan ko. [ALICE exits stage.]

 

ZENAIDA: Alice. Hm, Alice… kapangalan mo ‘yung kapatid ko.

 

CURTAIN.

 

This article was originally published in The Benildean Vol. 4 No. 3: Aftermath.

 

 

 

Last updated: Tuesday, 8 June 2021