Dibuho Ni John Carl Aujero
Dibuho Ni John Carl Aujero.

Kapatiran o kamatayan?


Ang tunay na kapatid ay kailanman hindi kayang kumitil ng buhay ng kanyang kapwa kapatid.


By Benildean Press Corps | Wednesday, 12 December 2018

Hindi na bago ang usaping hazing. Bilang pangunahing parte ng “initiation rites” ng mga neophyte sa isang fraternity o ano pang samahan, matagal nang nagkukubli sa anino ng mga abandunadong mga espasyo ang bawat hiyaw sa hampas ng mga ‘master.’ Matapos ang lahat, uulit lang ang siklo pagdating ng bagong mga neophyte. Ang tanong ngayon: kailan mapuputol ang siklo?

 

Noong ika-17 ng Setyembre 2017, nabigyang pansin muli ang hazing sa kamatayan ng law freshman na si Horacio Tomas Castillo III mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Bago ang kamatayan niya, nagpaalam si Horacio sa kanyang mga magulang na magkakaroon ang sinasalihang grupo na Aegis Juris Fraternity ng isang pagtitipon kung saan ipakikilala ang mga bago nitong miyembro. Lingid sa kaalaman ng mag-asawang Castillo, ang pagpapakilala pala na ito ay mauuwi sa pagkamatay ng anak. Ayon sa mga opisyal na ulat, namatay si Horacio sa tindi ng mga palo na kanyang natamo mula sa spanking paddle.

 

Hindi natatangi ang kaso ni Horacio sa bansa. Nariyan ang karumaldumal na sinapit nina Marc Andre Marcos, 22, at Marvin Reglos, 25, mga law student ng San Beda College sa kamay ng mga kasamahan nito sa kanikanilang fraternity noong 2012. Gayundin ang kaso ni Guillo Cesar Servando, 18, isang estudyante ng De La Salle-College of Saint Benilde noong 2014.

 

Sa kabila ng Republic Act 8049 or ang Anti-Hazing Law ng 1995, ang kamatayan ng mga neophyte na nabanggit ay patunay na patuloy ang pagsasagawa ng hazing at mukhang kulang ang batas lang mismo upang tapusin na ang kalupitan.

 

Maraming tanong ang pumapaligid sa usaping hazing. Paano naging sukatan ng katapatan ang pagtatamo ng mga hampas? Paano mapapatunayan ang pagmamahal sa kapatiran sa pagdanak ng dugo? Kung pisikal na pananakit ang paraan upang maging parte ng samahan, ang kamatayan ba pinakamataas na pag-aalay sa kapatiran?

 

Sa mga nangyaring kamatayan, ito na ang panahon upang paigtingin pa ang usapan sa hazing.

 

Sa epektibong pakikipagtulungan ng mga paaralan, kailangan malinaw ang katayuan o polisiya ng mga kolehiyo’t unibersidad tungkol sa pagpapatupad ng kaparusahan sa sinumang mapapatunayang nagsasagawa ng hazing. Hindi dapat pagtakpan ng pamunuan ng mga paaralan ang sinumang indibidwal o organisasyon na may sala. Nararapat nang buwagin ang mga fraternity na gumagawa ng pananakit o panghihiya at palakasin ang mga tradisyunal at accredited na mga organisasyon na huhubog sa kanilang abilidad at pagkatao.

 

Panahon na rin para amyendahan ang Anti-Hazing Law na nagre-regulate lamang ng hazing at hindi ang tuluyang pagpapatigil nito. Dapat bigyan diin ng mga mambabatas ang paglalagay ng matibay na pananagutan sa mga grupong nagsasagawa ng kalupitan gayundin ang sapat na proteksyon sa mga inosenteng mag-aaral; sa madaling salita, isang epektibong ngipin sa naturang batas.

 

Kailanma’y hindi ipinagbawal ang pagkakaroon ng samahan kung ang layunin ay malinis at tunay na brotherhood; isang samahan na nagtutulungan ang mga miyembro upang mapabuti ang isa’t isa. Kailanma’y hindi mapapatanyan ng kamatayan ang katapatan sa kapatiran.

 

Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 1: Exploitation.

Last updated: Tuesday, 8 June 2021