Photos By Fritz Reyes, Kel Santos, Anne Valmeo, and Ricardo Yan II
Photos By Fritz Reyes, Kel Santos, Anne Valmeo, and Ricardo Yan II.

Sa pagpasan ng krus


Sagisag ng Traslacion ang pananampalatayang pinatitibay ng bawat pagsubok.


By Chenelle Navidad, and Marga de Lemos | Wednesday, 9 January 2019

Dumi, pawis, luha, at samu’t saring hindi kaaya-ayang mga eksena at tanawin ang bubungad sa mga nais makaranas ng Traslacion. Sa katunayan, madaling isipin na ang kabanalan ng pagdiriwang ay sadyang walang makabuluhang kahihinatnan. Ngunit, sa hindi madaling maipaliwanag na dahilan, napatunayan ng mga sumusunod na deboto, namamanata, at taos-pusong nananampalataya sa Poon na merong mananaig na pasasalamat ang sinumang nasulyapan ang Poon ng Itim na Nazareno.

 

Bago pa man sumubok sa Traslacion ng Benildean Press Corps, nakuhanan ng panayam ang isang deboto ng Poon, mula mismo sa komunidad ng mga Benildyano. Si Ginoong Xavier Apostol, Campus Minister for Student Formation ng Benilde, ay nagsimulang maging deboto noong siya’y nasa mataas na paaralan pa lamang. Simula noon ay patuloy na siyang dumadayo sa prosesyon. Para sa kanya, pabalik-balik siya dahil lalong pinalalakas nito ang kanyang pananalig.

 

“Lahat ng idinudulog ko sa Kanya ay may kasagutan ng Diyos. Kapag kunyari mayroon akong kahilingan, ‘pag inilapit ko sa kanya natutupad. May sagot ang Diyos,” ani Apostol.

 

Panata sa di kalayuan

Maddie Siwa

“Kagabi pa kami dito…oo, may bumili naman. Kailangan kasing maubos namin itong benta, sayang naman.”

Si Maddie Siwa, 37 taong gulang, ay anim na taon nang nakikibahagi sa Traslacion. Dalawang taon siya sumasama sa prosesyon at apat na taon na siyang nagbebenta ng mga tuwalya kasama ang kanyang asawa. May dalawa siyang anak ngunit hindi niya raw sila isinasama dahil “wala pa silang pake.” Ani Maddie, sasama niya na lang daw sila kapag mas matanda at mas naiintindihan na nila ang halaga ng Panginoon. Nakikibahagi siya rito dahil sa panata niya para gumaling mula sa isang sakit. Wala pa naman raw nangyayari, pero patuloy pa rin ang kanyang pananampalataya at pakikisama sa Traslacion.

 

Habang nagsasalita si Maddie ay pinapaalis sila ng pulis sa kanilang pwesto. Nang maitanong kung bakit, sinabi niya na “Bawal kasi…naglalakad na lang kami kung saan wala sila.”

 

Michael Dasilag

“‘Yung mga nahiling ko…lahat ng kahilingan ko natupad.”

Bitbit ang kanyang anak na si Carl ay ang 33 anyos na si Michael Dasilag, na anim na taong nang nag-aabang sa Itim na Nazareno tuwing Enero 9. Naengganyo siyang sumama sa Traslacion noong napadalas ang lagnat ng kanyang siyam na anyos na panganay. Ang debosyon daw ay nasa loob ng pananampalataya at nasa paniniwala sa Nazareno. Tuwing nasasalubong niya na raw ang Itim na Nazareno ay gumagaan ang kanyang pakiramdam.

 

Stephen Taruc

“Mula noong sinunog ‘yung Quiapo noong 2001, [pero] hindi nasunog ang Nazareno kahit gawa lamang sa kahoy ito,” kanyang sagot nang tanungin tungkol sa milagro ng Nazareno.

Si Stephen Taruc, 35 taong gulang, ay isa sa mga nagbebenta ng sariling-gawa na sticker kung saan nakalagay ang litrato ng Itim na Nazareno. Sinabi niya na 15 na taon na siya nagbebenta tuwing Traslacion. Nagsimula ang kanyang panata noong sampung taong gulang pa lamang siya dahil daw isinasama raw siya ng kanyang ina sa simbahan ng Quiapo.

 

Nang tanungin siya kung ano ang pakiramdam habang nasa presensya ng Itim na Nazareno kanyang isinagot, “Naiiyak po [ako]…nasa puso ko talaga ang Nazareno.”

 

Pangmatagalang debosyon

Lina Guzeral

“Magulo buhay ko noon, [pero] hinandog ko buhay sa Kanya. Sa Taas, wala sa tao [ang kapangyarihan]. Sa akin at sa Kanya lamang [ang mga milagro na nangyari].”

Sa loob ng 30 taon ng pagiging deboto, naniniwala si Lina Guzeral, 58 na taong gulang, na ang imahe ng Itim na Nazareno ay nakasentro sa sakripisyo na may kapalit na biyaya. Ang paraan niya ng pagsasakripisyo ay ang pagluhod sa altar kahit daw nagdudugo na ang kanyang mga tuhod. Kasama na rin dito ang pag-ayuno niya ng isang taon. Sa halip na nagtatanghalian, umiinom na lamang siya ng tubig. Tulad na kanyang unang sinabi, may naghihintay na biyaya ang bawat sakripisyo: ang paggaling niya sa isang sakit, ang pagtatapos ng kanyang tatlong anak, at ang pagiging matatag nila nang mawalan ng trabaho ang kanyang asawa sa loob ng limang taon.

 

Herninia Dumalag

Sa may gilid ng daan kasama ng mga naglalako ng pagkain matatagpuan si Lola Herninia Dumalag, isang 65 na taong gulang at beterano na ng Traslacion. Bata pa lamang siya ng nagawing makilahok sa prosesyon kasama ang kanyang ina. Nang tanungin kung bakit nanatili pa rin ang kanyang debosyon, isang kwento ng pananampalataya at tiwala sa Poon ang isinalaysay ni Lola Dumalag.

 

Nagsimula ang pagtibay ng debosyon at panata noong naging biyuda siya, mahigit tatlong dekada na ang nakalipas. Pinatibay din ito nang magkasakit at nang ma-ospital ang isa sa mga anak. Matapos idulog sa Poon ang kanyang hiling na gumaling ang anak, ito raw ay agad namang natupad. Tulad ng nakararami, habang nasa harap ng Itim na Nazareno, “parang sinasapian ka ng espirito santo, nakaiiyak at nakakakilabot,” ani Lola Dumalag.

 

Sa kabila ng paniniwala na ang Traslacion ng Itim na Nazareno ay magulo’t delikado, kinakailangan pa rin tingnan ang puno’t dulo kung bakit mayroong mga debotong gagawin ang lahat para lamang makalapit sa imahe ng Poon. Marahil ang Kanyang mga deboto ay nakahanap ng makabuluhang dahilan para sa kanilang mga paghihirap, galing sa Itim na Nazareno, na mula sa pagbuhat ng kani-kanilang krus, may grasya pa ring nag-aabang sa kanila.

 

Mga litrato nina Fritz Reyes, Kel Santos, Anne Valmeo, Ricardo Yan II

Last updated: Tuesday, 8 June 2021