Pinandigan na ng Korte Suprema ang tuluyang pag-alis sa Panitikan at Filipino bilang mga kailangang kuning asignatura sa kolehiyo, sang-ayon sa desisyon na nilabas nila noong Oktubre 2018. Noong Marso 5, lumabas ang resolusyon patungkol sa pagbasura ng Korte Suprema sa pag-apela ng Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) sa naturang desisyon dahil ‘di umano’y wala silang napakitang “substantial argument.”
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, layunin nilang masigurado na ang kukuhaning asignatura ng mga estudyante sa kolehiyo ay mailalaan sa iba pang larangan na konektado sa kanilang kursong kinuha. Ito rin ay siyang magbibigay lunas upang hindi na maulit ang mga paksang naituro noong Grade 1 to 10 hanggang Senior High School.
Ngunit maraming umapela sa desisyon na inihain ng Korte Suprema. Sinasabi ng mga may adbokasiya sa wika na tanging pagkasira at pagkalimot sa pagkakakilanlan bilang Pilipino ang siyang kinahihinatnan ng nasabing desisyon.
Pag-apela ng Tanggol Wika
Umapela ang Tanggol Wika hinggil sa naging desiyon ng Korte Suprema at Commission on Higher Education (CHED) kaya’t sila ay nagsimulang kumilos ang nasabing grupo upang muling sumubok sa pangalawang pagkakataon para sa motion for reconsideration.
Sila rin ay umaasang makamit ang layunin na pigilan ang pagtanggal ng Wikang Filipino sa kurikulum sa kolehiyo kahit pa ito ay labag sa desisyon ng saligang batas.
“But the fight is not over yet. We will file a second motion for reconsideration, and we will stop the country’s Supreme Court-sponsored marriage to a foreign tongue, or shall we dare say, cultural genocide,” ani ng nasabing grupo.
Boses ng mga unibersidad
Kasabay ng pagsabog ng nasabing isyu patungkol sa wika, iba’t ibang unibersidad, partikular sa kanilang mga Departamentong Filipino, ang nakihalubilo at lubos na nabigo sa naging desisyon ng Korte Suprema dahil sa kanilang iniwang pahayag.
Sa isinagawang panayam ng Rappler sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Sentro ng Wikang Filipino director Rommel Rodriguez, binigyan diin niya na hindi magiging pareho ang asignaturang kinuha ng mga estudyante sa elementarya at hayskul bagkus ito’y mapapalalim at mabibigyang diin ang iba’t ibang konsepto pagdating sa kolehiyo.
“Ang malalang krisis pang-ekonomiya na kinakaharap ng bansa ay kinokomunika gamit ang ating wika. Ang panawagan ng mga drayber at manininda sa unibersidad ay naririnig natin sa ating wika. Ang wika ng mga ordinaryong mamamayan ang wikang dapat inaaral at dinadalubhasa,” ani UP Department of Filipino Chairman Vlademeir Gonzales.
Samantala, nagbigay din ng diskurso ang DLSU Filipino Department Coordinator David San Juan patungkol sa isyu, hinggil niya na siya’y tutol sa ipinataw na batas ng Korte Suprema dahil kung tuluyang maaalis ang sariling lenggwahe maaari itong maging resulta ng disintegrasyon ng ating Republika.
Dagdag pa ng isang propesor na ang pagtatanggal ng Filipino at panitikan sa kolehiyo ay patunay na ang pagkiling ng mga nasa posisyon ay wala sa ating sariling kasarilan. Nasa bansa tayong kailangang ipaglaban ang sariling atin, ang tama, at ang nararapat.
Sa pagtutol ng sambayanan patungkol sa isyung kinahaharap ng Panitikan at Wikang Filipino, namayagpag ang pagmamalasakit ng iba sa sariling pagkakakilanlan. Buhay ang sagisag na ipaglaban ang marapat na ipinaglaban ng batas, namulat ang bawat isa sa kahalagahan ng sariling atin at hindi lamang sa kung ano ang itinakda ng korte para sa lahat.