Bago pa man naging kabisera ng Pilipinas ang Maynila, ang lalawigan ng Cebu ang unang naitatag na sentro ng kalakalan at kultura dahil sa pagtayo ng nabigador na si Miguel Lopez de Legazpi ng Spanish settlements. Sa pagbago ng kalakaran ng mundo, lumipat ang kabisera sa Maynila. Subalit, sa kasalukuyan, sinusubukan na muli ng Cebu na maibalik ang dati nitong bansag, habang unti-unting lumilisan sa anino ng Maynila.
Makalipas ang mahigit kumulang apat na raang taon mula sa pananakop ng mga dayuhan, patuloy pa ring nanunumbalik ang mga dayuhan sa Cebu, ngunit iba na ang pakay ng mga ito—upang magbakasyon. Tulad ng ibang mga lalawigan na madalas puntahan ng mga lokal at dayuhang turista, kapansin-pansin na likas na sa kaalaman ng mga lokal na residente ng Cebu ang mga natatanging lugar sa lalawigan na dapat bisitahin ng mga turista.
Mga dalampasigan at karagatang babalik-balikan
Ang natatanging munisipalidad ng Moalboal ay kilala sa mapuputing buhangin sa mga dalampasigan nito, dagdag pa ang samu’t saring mga naninirahang mga nilalang sa kalapit na dagat. Kaya naman kahit halos mahigit na apat na oras ang layo nito mula sa paliparan ng Mactan, binabalik-balikan pa rin ito.
Para sa mga bumibisita ng Moalboal, maaring hatiin ang pagdayo sa dalawang parte: ang Moalboal na nakaharap sa Tañon Strait, ang malalim na daluyang naghahati sa mga isla ng Cebu at Negros Oriental, para sa mga mahilig sumisid at snorkeling. Ang timog ng Moalboal naman ay para sa mga gusto lamang tumambay sa maputing buhangin ng dalampasigan at isawsaw ang mga paanan sa malinaw nitong dagat.
Sa kabilang dako naman ng lalawigan ay matatagpuan ang bantog na munisipalidad ng Oslob. Karamahin sa dumadayo rito ay iisa lang ang pakay: ang masilayan at makalangoy katabi ng mga butanding o whale shark.
Kahit na parami nang parami ang mga agos ng turista, nagagawa pa ring panatilihin ng munisipalidad ang maaliwalas at presko nitong dating.
Mga Larawan ni Agatha Ramos
Pagbuklod ng urbanismo at kultura
Sa kabila ng magandang estado ng turismo at mahusay na pangangalaga ng mga lupain at mga dalampasigan nito, hinaharap pa rin ng lalawigan ang suliranin ng masukal na populasyon. Katulad ng Maynila, halos nagkukumpulan ang mga tao sa lungsod ng Cebu, kung saan ang masaganang urbanismo at kultura nito ay nagkabuklod.
Kasalungat ng mga makaluma at makasaysayang lugar ng lalawigan ang mga katabing makabagong pook-pasyalan sa lungsod ng Cebu, kasama na rito ang kaliwa’t kanang mga sentro ng komersyo tulad ng Ayala Malls at SM, kung saan ginagamit ang turismo sa pag-angat ng kani-kanilang mga negosyo. Bagaman komersyal ang mga sinabing pamilihan, nakikita pa rin dito ang mga souvenir na gawa mismo ng mga lokal na Cebuano.
Mga Larawan ni Agatha Ramos
Saksi sa pagbabago
Sa ilang dekadang pamamasada at paglibot sa bawat sulok ng lalawigan, lubos na nasaksihan ng dalawang drayber—sina Danilo Cillo (o Mang Dani) at Bernard Tadiwan (o Kuya Bernard)—ang pagbabago ng Cebu sa paglipas ng panahon.
Mahigit kumulang sampung taon nang namamasada ng taxi ang makwento at masayahing si Mang Dani. Siya’y tubong Bato, Leyte pero lumipat sa Cebu noong dekada nobenta upang makapagtrabaho.
Ayon kay Mang Dani, malaki na ang pinagbago ng Cebu.
“Oo naman may pagbabago, ang laki. Kasi dati bago ko lang sa Cebu, wala pang mga building, eh ngayon kita mo naman nagsulputan na lahat,” ani Mang Dani sa isang panayam sa The Benildean.
Sa kabila ng lahat, pabor siya sa daang tinatahak ng Cebu patungo sa modernisasyong katulad ng Maynila.
Para naman sa tubong San Remegio, Cebu na si Kuya Bernard, na labindalawang taon nang namamasada ng isang inaarkela na pribadong van, mayroon pa rin siyang pag-aalinlangan sa naturang pagbabago.
“Kung sa’kin lang ayoko ng ganito…Sobrang dami na ngayong sasakyan, [tapos ‘yung mga] tao, parang crowded na talaga,” ani Kuya Bernard.
Dagdag ni Kuya Bernard, wala na masyadong pagkakaiba ang Maynila at Cebu. Bukod pa rito, kanyang napansin na dala ng mga pagbabago sa lalawigan ay ang kaunlaran nito. Ngunit aniya, piling mga tao lamang ang nakararanas ng kaunlaran na ito, habang ang karamihan ay naiipit pa rin sa laylayan ng lipunan.
Kaya’t nang siya’y tanungin kung ano ang puso’t diwa ng isang Cebuano, aniya’y, “Siguro masaya ako na naging Cebuano ako, dahil kung ano ang iuunlad ng Cebu kasama rin ako doon. Kaya lang, nahihirapan…Kumpara dati, siguro mas mahirap [ang] hanapbuhay dito ngayon.”
Sa muling pagsikat ng araw sa minsang naging anino ng iba, nawa’y ang Cebu ay makalikha ng panibagong pamantayan para sa mga iba pang mga lalawigan, kung saan mapagtatanto ng iba na hindi kinakailangan maging parisan ang Maynila para makamit ang sariling kaunlaran at pagkakakilanlan.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 5 No. 1: Emergence.