Nanatiling hikahos ang bawat alpabetong bumubuo sa salitang baybayin—hikahos sa pagkakakilanlan, hikahos sa panandaliang puri ng kasaysayan, hikahos sa kolonyal na imahe ng kasalukuyan, at hikahos sa mala-banyagang dila ng sariling bayan. Mananatili na lamang bang alaala ang minsang lenggwahe ng ating bansa?
Kasaysayan ng baybayin
Ang baybayin ay isang salitang hango sa baybay-dagat o alpabeto na binubuo ng iba’t ibang teorya ukol sa pinagmulan nito. Ayon kay Paul Morrow, isang manunulat ng lenggwaheng Filipino ng Hiyás Magazine sa Canada, ang baybayin ay isang eskriptong Brahmi o unang ginamit ng mga Indyano. Subalit sa huli, tila’y palaisipan pa rin itong teorya na ito kung doon talaga nagsimula ang lumang sistema ng pagsusulat. Dagdag pa ni Morrow, ang baybayin ay unang sinimulan ng Cham, mga katutubong taong partikular sa bansang Vietnam at Cambodia, iskriptong Malay, at makalumang Assamese sa Bengal.
Ayon naman kay Edwin Wolf, isa sa mga nag-aaral ng bibliyograpiya ng kasaysayan, sinasabing ang pinaka-unang ebidensyang nakalap patungkol sa baybayin ay nagmula sa mga Kastila na sa kalauna’y tinawag na “Doctrina Christiana.” Bukod dito, sinasabi niya na ang mga Kastila ang nagbigay ng panibagong paraan at paggamit sa baybayin: una ay ang paghahango ng baybayin sa bibiliya at sumunod ang pagsasama ng kudlit na krus o “sabat” upang patahimikin ang patinig ng isang titik.
Bakas ang rikit at natural na kagandahan ng ating sinaunang pagsulat, ngunit sa kabila nito, nananatili pa ring nakakulong ang tunay na kaalaman ukol dito sa mga silid-aklatan at kakaunti na lamang ang siyang may kamalayan sa tunay na ganda ng baybayin.
Pagpapanibagong-buhay sa sistema
Noong Abril 2018, naaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang House Bill 1022, o ang “National Writing System Act” ni Rep. Leopoldo Bataoil, na siyang naglalayong ideklara ang baybayin bilang isang opisyal na paraan ng pagsulat sa bansa. Nakasaad dito na dapat gamitin ang baybayin sa mga simbolo sa kalsada, pampublikong pasilidad, ospital, gusali, istasyon ng mga pulis, at mga pasilidad ng mga komunidad, gayundin sa mga dyaryo o pahayagan na marapat gamitin ang baybayin sa pagsulat ng iba’t ibang salita at obra.
Sabihin mang ang panukalang batas ay hudyat sa pagbuhay ng baybayin, ito ba’y mapapanatling prayoridad ng henerasyong nakasanayan ang banyagang alpabeto? Kung tutuusin, hindi sana mahirap intindihin at isabuhay ang baybayin kung sa una pa lamang ay kinagisnan na ito ng mga Pilipino. Dahil ang tanging paraan upang muling mabuhay ang rikit ng lumang alpabeto ay ang pagsasanay at ihubog sa sarili ang kakayahan na sumulat sa paraang pabaybay.
Ang sinaunang iskripto’y nananatiling sundalo sa digmaang sa una’y hindi nito dapat ipaglaban pa. Sa giyera ng globalisasyon, tila’y naging krus sa balikat ang identidad ng baybayin.
Kung tayo’y pikit na nabubuhay sa rehas ng ibang bansa at mangmang sa sariling kultura, sa huli ay makukulong na lamang sa mga pahina na librong pangkasaysayan ang minsang sistema ng pagsusulat. Kung tayo’y mananatiling sarado at ignorante sa inukit ng kasaysayan, hindi magiging matiwasay ang babaybayin ng baybayin.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 5 No. 1: Emergence.