Photo By Anne Valmeo
Photo By Anne Valmeo.

Ika-47 ng anibersaryo ng Martial Law, inalala sa pamamagitan ng protesta


Nagtipon-tipon ang libo-libong nagprotesta, sa pangunguna ng mga kabataang mula sa iba’t ibang unibersidad, upang muling alalahanin ang bakas na iniwan ng diktaduryang Marcos noong kasagsagan ng Batas Militar.


By Benildean Press Corps | Sunday, 22 September 2019

Martial Law, never again! Duterte at Marcos walang pinagkaiba, parehong tuta, diktador, at pasista. Katarungan, hustisya pang lipunan!”

Ito ang sigaw ng mga nagprotesta noong ika-20 ng Setyembre sa Luneta. Sa kabila ng pabago-bagong klima at paghagupit ng malakas na hangin, hindi nagpatinag ang iba’t ibang samahan upang ituloy ang protesta bilang pag-alala sa ika-47 na anibersaryo ng proklamasyon ng batas militar.

Nagsimula ang programa sa Luneta sa pagpapakita ng mga larawan at bidyo patungkol sa naganap na Martial Law simula noong September 21, 1972 at sinundan ng pagbibigay mensahe para sa kabataan ng mga nakakita’t nakaranas ng Martial Law.

 

“Hindi lamang diktadurya ang ating tanging kalaban”

Sa talumpati ni Sister Mary John Mananzalan, isa sa mga nakaranas at lumaban noong EDSA People Power Revolution noong 1986, kanyang binigyang diin kung paano wakasan ang walang pakundangang diktadurya sa gobyerno at kawalang hustisya na hindi naayon sa pangangailangan ng lipunan.  

Photo By Enrique BejarLitrato ni Enrique Bejar

“Kamalian ng henerasyon, dokumentasyon nang mas maigi, isang text book para sa lahat ng eskwelahan, Historical revisionism. Hindi lamang dictatorahip ang nananawagan sa mga kabataan maging mapagmatyag, lumaban at tumutol sa lahat ng ginagawa ng gobyerno na lumalabag sa mga karapatang pantao,” ani Mananzalan.

Sa panayam ng The Benildean kay Mananzalan, ipinaliwanag niya ang EDSA People Power bilang “Intervention of the Holy Spirit” na sa kabila ng kawalan ng pag-asa noong EDSA People Power, hindi niya inaasahan na ang buong sambayanan ay magtitipon.

Kanya ring binanggit sa panayam na ang puso at kaluluwa ng protesta ay “pag-asa” dahil kanyang nakita kung paano lumaban ang kabataan na hindi naka-ayon sa hinaharap bagkus sa kasalukuyan.

Dagdag pa niya na ang Martial Law ay tunay na ramdam sa kasalukuyan dahil sa talamak na pagpatay, pag-aresto, at pagbintang sa mga inosente.

Sa huli, ang kanyang mensahe sa kabataan ay patuloy na ipaglaban at maging mapagmatyag sa mga nangyayari sa lipunan. Ang kanyang hamon sa kabataan ay marapat na lumaban kung may nakikitang mali at huwag hayaang pangunahan ng takot.

“Tayo ay nasa iisang bangka lamang”

Inilahad ni dating Bayan Muna Representative Teodoro Casiño na ang puso at kaluluwa ng kilos protesta ay ang pagmamahal sa demokrasya at hustisya.

“It is a struggle na tumatawid sa mga henerasyon, henerasyon ng mga kabataan noong Martial Law. Tinutuloy ang laban sa ngayon lalo na sa ilalim ng administrasyong Duterte na mukhang nauulit ang mga mapapait na karanasan ng Martial Law. Kailangang ipagpatuloy ang ganitong klase ng apoy ng paglaban,” aniya.

Photo By Ricardo Yan(1)
Litrato ni Ricardo Yan

Kanyang binigyang diin na ang lahat ng kabataan ay marapat na makiisa sa kung ano ang nangyayari sa lipunan dahil lahat ay apektado sa kaganapan sa kasalukuyan. Dagdag pa niya na ang lipunan ay nasa iisang bangka lamang at importanteng maging bahagi ng pagbabago at hindi lamang ang kabataan.

Kasama sa malawakang protesta ang One La Salle for Human Rights and Democrary, One Taft Against Fascist and Tyranny, Anakbayan Vito Cruz, KPL Vito Cruz, Diwa ng Kabataan Lasalyano, Panday Sining ng DLS-CSB, KPL ng St. Scholastica, University of the Philippines-Manila, National Union for People’s Lawyers, Isang Tugon sa Tawag ng Panahon, Alyansang Tapat na Lasalyano, Malate Literary Folio, marami pang iba.

Nakiisa rin ang iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang ang mga magsasaka, manggagawa, guro, aktibista, kababaihan, mamamahayag, komunidad ng LGBTQIA+, mga Lumad, at iba pa.

Litrato nila Enrique Bejar, Anne Valmeo, at Ricardo Yan II

 

 

 

Last updated: Friday, 4 June 2021