Sa panahon ng COVID-19, kailangan ng Pilipinas ang isang pinuno na may maayos na plano, na magbibigay sa atin ng kumpyansa at magpapakalma sa atin, at may tunay na malasakit sa bayan. Hindi ito si Rodrigo Roa Duterte. Malimit na niyang ipinapakita ang kanyang inkompetensiya at pagkukulang bilang pinuno ng Pilipinas, na mas lalong pinapalaki ngayon ng kanyang mabagal at magulong pagtugon sa krisis.
Mula sa kanyang bulgar na pananalita hanggang sa mga banta niya na pumaslang ng mga Pilipino maging noon hanggang ngayon, matibay ang paniniwala ng Benildean Press Corps (BPC) na dahil ang taumbayan ang nagluklok sa kanya sa posisyon, tayo rin ang may kakayahang tanggalin siya dito.
Ngayong pandemya ng COVID-19, pinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon para mapigilan ang patuloy na paglaganap ng naturang virus sa loob ng Pilipinas; pero kung Pangulo na mismo ang nagpayo sa kanyang militar na barilin ang mga “nanggugulo” o mga “hindi sumusunod sa gobyerno”—mga pahayag na parehong sinabi ni Duterte sa national address niya—isang malaking kontradiksyon ang batas na dapat maprotektahan ang mamamayan dahil mas nagagamit ito sa pagkitil ng buhay.
Sa kasalukuyan, lagpas 3,000 na ang kaso ng mayroong COVID-19 sa Pilipinas. Ang mga frontliners ay patuloy na nahihirapan dahil sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE), maging ang sapat na transportasyon papunta’t pabalik sa kanilang trabaho ay kanilang iniisip pa. Samantala, ang mga maralita, na kulang o walang kakayahan para paglaanan ng pera ang kanilang kabuhayan ay hindi pa rin nabibigyan ng sapat na ayuda galing sa gobyerno. Kahit na may special powers na di umano ang Pangulo upang mas matugunan ang pagbabahagi ng pondo para sa krisis, ay mga ilan pa rin na napipilitang lumabas ng kanilang bahay para manawagan ng tulong, kabilang na rito ang mga 21 katao na nagprotesta sa Sitio San Roque, Quezon City dahil sa kakulangan ng relief goods na ibinibigay.
Mas naging prayoridad pa rin ng Pangulo ang pagpondo sa militar na aksyon imbes na sa medikal at relief operations. Hindi masama kung dadagdagan ang pondo ng militar at kapulisan kung pantay o mas mahigit pa ang ibibigay sa para sa sektor ng kalusugan. Lalo na’t mas kinakailangan ngayon pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng sapat na mga PPE, sapat na imprastrukturang pangkalusugan, pagkakaroon ng malilinaw at mabisang proseso ukol sa mass testing, at makaambag sa pagsasaliksik o paghahanap ng bakuna laban sa COVID-19.
Maliban sa mga ito, ay hindi pa rin nakakapagbigay ng katiyakan at kumpyansa sa mga tao ang lingguhang ulat ng Pangulo ukol sa plano ng pamahalaan laban sa COVID-19. Hindi rin nabibigyang pansin ang pangangailangan para sa komprehensibong breakdown ng pondo, at ang mga konkretong aksyon na ginagawa at higit pang gagawin ng gobyerno. Puro pagtiyak lang na “‘huwag matakot dahil nandito ang gobyerno,” na masasalungatan ng mga pananakot at pagbabanta na “‘huwag niyong subukan ang gobyernong ito” sa susunod na pagpupulong. Laging nakabuntot ang administrasyon niya na “hindi literal” ang mga sinasabi ng Pangulo; pero kung isa kang pampublikong opisyal, lahat ng sasabihin mo sa harap at para sa mga tao ay opisyal. Walang lugar para bawiin nang paulit-ulit ang mga ito dahil dapat pinaghahandaan na ito bago pa man ihayag.
Hindi disiplina ng mga Pilipino ang pinakamalaking problema
Ngayong panahon ng COVID-19, hindi lang sa virus namamatay ang tao, kundi pati rin sa gutom kung hindi ito pagtutuunan ng pansin ng pamahalaan. Ang una at pinakamalubhang biktima ng krisis ngayon ay ang mga maralita. Sila na nga ang mga pinapaslang sa War on Drugs, sila pa rin ang pinakamatinding biktima ngayong panahon ng pandemya. Sila rin ang sektor ng lipunan na pinaka nangangailangan ng tulong natin at pag-unawa.
Kitang kita ngayon na hindi disiplina ang problema, kundi ang sistema. Bagama’t sinisikap ng lahat ng tao—mayaman man o mahirap—na sumunod sa utos ng pamahalaan, marami pa rin ang napipilitang manawagan at mag-ingay. Makakasunod lamang ang lahat kung may kumpyansa at tiwala silang makakain at mabubuhay. Hindi magrereklamo ang mga tao kung walang mali at kung may malinaw na plano at solusyon. Walang magulo kung tama at natutupad nang mabilis at maayos ang mga pangako ng gobyerno.
Walang sapat na dahilan para ipagtanggol ang mga nagtataliwasan at bulgar na pananalita ng Pangulo, lalo’t panahon ng krisis. Kung gagawing batayan ang mga salita at aksyon ni Pangulong Duterte, isang ito malaking senyales sa atin na wala siyang maayos, agaran, at tiyak na plano para tugunan ang mga pangangailangan ng mga taong naghalal sa kanya sa pwesto.
Kung sino pa ang pinakanangangailangan ng tulong, sila ang napapabayaan. Sila ang tinuturingang magulo at hindi marunong sumunod sa batas. Sila ang naiipit at nagigipit, ang biktima ng solusyong militar na ngayo’y pinapalawig. Pero kahit kailanman ay hindi bala, hindi pagpatay, at hindi karahasan ang sagot sa kahit anong problemang panlipunan. Lalo na’t sa panahong ito na ang tunay na kalaban ay hindi tao, kundi sakit.
Karapatan nating mabuhay nang ligtas, maayos, at marangal; at karapatan natin na magkaroon ng pinuno na may tunay malasakit sa sambayanang Pilipino.
Kung walang puso para serbisyo ang mga pinuno natin, kung mas ang tapat ang mga opisyal ng pamahalaan sa Pangulo kaysa sa atin, hindi siya—hindi sila—nararapat na bigyan ng pribilehiyo at awtoridad na mangunkulan.
Nasa atin pa rin ang kapangyarihan na pumili ng mga pinuno na may pakialam at malasakit sa atin.
Nasa atin rin ang kapangyarihan na magpatalsik ng diktador.