Dibuho Ni Ivy Berces
Dibuho Ni Ivy Berces.

Flores de Mayo: Bulaklak at panalangin kay Birheng Maria


Ano nga ba ang kasaysayan at kahulugan sa likod ng mga naggagandahang mga dilag, inaabangang prusisyon, at mahahalimuyak na bulaklak tuwing Flores de Mayo?


By Benildean Press Corps | Friday, 15 May 2020

Ang bawat binibining kasama sa prusisyon tuwing Santacruzan, mga bulaklak na tampok sa pagdiriwang at panalangin na inialay kay Birheng Maria ay mayroong katumbas na makabuluhang bahagi sa kasaysayan ng Kristyanismo at pagbibigay-pugay sa ina ni Hesus. Tuwing buwan ng Mayo, ang pasasalamat sa mga tao na kumatawan sa pagpapatibay ng Kristyanismo ay binibigyang buhay ng ilang Pilipino.

Kasaysayan at mga impluwensya

Bago sumabak si Emperador Constantino sa digmaan, nakakita raw siya ng krus sa kalangitan at sinabing “in hoc signo vinces” na nagbigay hudyat sa kanyang mga hukbo na ilagay ang simbolong ito sa kanilang mga kalasag. Matapos mapagwagian ang digmaan, sa parehong taon na 312 AD, naging Kristyanong estado ang Imperyong Romano. Ang kanyang ina na si Reyna Elena naman ay natagpuan ang Krus na pinagpakuan ni Hesus bago ang 337 AD, na siyang ginugunita tuwing Santacruzan.

Dala ng impluwensya ng mga Kastila ang Flores de Mayo. Sa katunayan, ang mga prayle ay ang ilan sa mga nagpalaganap sa Pilipinas ng kulturang nahuhumaling sa mga novena, aklat dasalan, relihiyosong kapistahan, at prusisyon.

Noong 1854, iprinoklama ang dogma ni Pope Pius IX na ang Ina ni Hesus na si Maria ay ipinaglihi nang walang minanang kasalanan—ang Imakulada Concepcion. Kasunod nito, noong 1865, ang pagsulat ni Padre Mariano Sevilla ng “Dalit kay Maria,” isang vernakular para sa Flores de Mayo. Sa kanyang malalim na debosyon para kay Inang Maria, nilayon niyang ipalaganap ang pagbibigay ng mag magaganda at inatatanging mga bulaklak sa Ina para sa buong buwan ng Mayo. Una itong ginunita sa Simbahan ng Nuestra Señora De La Asuncion sa Bulacan, ang kanyang kinalakihang bayan.

Pagdating ng 1867, ang kanyang librong “Mariquit na Bulaclac na sa Pagninilay sa Buong Buan nang Mayo ay Inihahandog nang Manga Devoto cay Maria Santisima” ay lalong nagpalaganap ng pagdiriwang ng Flores de Mayo sa iba’t ibang dako ng bansa.

Isang buwan ng pagbibigay-pugay kay Birheng Maria

Buong buwan ng Mayo ipinagdiriwang ang Flores de Mayo. Dito’y tradisyunal na araw-araw nag-aalay ng mga bulaklak ang mga deboto para kay Birheng Maria. Sa kasalukuyan, kadalasang mga relihiyosong organisasyon na lamang tulad ng Daughter of Isabela, Knights of Columbus at iba pa, ang nag-aalay ng mga bulaklak.

Mayroong iba’t ibang sinisimbolo ang mga bulaklak batay sa kanilang kulay: puti para sa Misteryo ng Luwalhati; pula sa Misteryo ng Hapis; dilaw sa Misteryo ng Liwanag; at rosas sa Misteryo ng Tuwa. Bukod sa isa itong paraan ng pagpapaalala at paghihikayat ng taumbayan na magdasal ng rosaryo, iniaalay din ang mga bulaklak na ito sa Birheng Maria bilang pasasalamat sa isang masaganang taon.

Subalit, ang pinaka-inaabanggan at ang sumasagi sa isip kapag naririnig ang pagdiriwang ng Flores de Mayo ay ang pagdaraos ng Santacruzan. Kung saan, engrandeng pista’t prosesyon sa huling araw ng buwan ang gaganapin.

Ang tradisyunal na pagdiriwang ng Santacruzan—na nagmula sa Espanyol sa terminolohiyang Santa Cruz o Holy Cross—ay sumasagisag sa pagpuri’t paggalang kay Birheng Maria. Alinsunod na rito ang pag-enakto ng paghahanap ni Reyna Elena sa Krus ni Hesus. Kaya naman sa prosesyon, ang mga tinaguriang reyna, ang mga sagala o dalagang naka maala-reynang pananamit ay sumisimbolo sa mga banal na babae sa Bibliya, katangian ng Birheng Maria, at sina Reyna Elena at Emperador Constatino. Karaniwang ipinagdiriwang ang Santacruzan sa halos lahat ng sulok ng bansa ngunit mas nagiging kilala sa pagdiriwang ang mga nayon ng Bulacan, Laguna, Batangas at Pampanga.

Sa kasalukuyang pagdiriwang, tila’y isang magarbong parada’t siningit na lamang ang pagpuri sa mahal na Birhen. Minsan pa nga’y binibiyayaan ng mga kilalang mga tao ang Santacruzan tulad na lang ni Miss Universe Catriona Gray noong 2018.

Karaniwan, ito ang mga kaganapan sa Santacruzan.

Bago magsimula ang prosesyon ng mga reyna’t kanilang mga konsorte, magkakaroon muna ng misa. Nasa harapan ng prosesyon ang pari kasama ang mga sakristan. Susunod naman ang mga bata, kadalasan mga babae, na nakasuot ng pang-anghel na pananamit. Kasunod naman ang karwahe ng iba’t ibang estatwa ng imahe ng Birhen Maria. Saka lamang susunod ang parada ng mga reynang suot ang magagarbo’t detalyadong mga gown o Filipiniana, kasama o minsan pa nga’y kaakbay ang kanilang konsorteng nakabarong.

Habang sila’y naglalakad, sila’y nasa ilalim ng arko ng mga bulaklak kung saan may nakakaratulang iba’t ibang pangalan ni Birheng Maria hango sa mga Litanya ng Loreto. Minsan nama’y pinaparada ang reyna’t konsorte sa isang walang bubong na tricycle o sasakyan. Sa huli, magtatapos ang Santacruzan sa isang pa-beauty pageant ng kani-kaniyang mga nayon.

Pagbabalik-tanaw sa tunay na kahulugan

Minsa’y lumalayo sa tradisyunal na pagdiriwang ang kasalukuyang nagaganap tuwing Flores de Mayo, partikular na sa Santacruzan, kung saan nakakaligtaan na ang konsorte ng gumaganap kay Reyna Elena ay dapat batang maliit at hindi ka-edad ng babae sapagkat batay sa tunay na kahulugan sa likod ng prusisyon, kumakatawan sila sa mag-inang Reyna Elena at Emperador Constantino.

Nakakalungkot din isipin tila tanging ang mga magagarbong kasuotan ng mga sagala ang naging simbolo ng pagdiriwang. Naisantambi na ang mga titulo ni Birheng Maria o kaya naman ang mga babae sa Bibliya na dapat isinasangalang-ala tuwing Santacruzan.

Halimbawa, ang gaganap kay Veronica ay dapat may dalang bandana na may tatlong bakas ng muka ni Hesus; si Reyna Fe ay may dalang krus; at si Reyna Justicia ay may bitbit na weighing scale at espada.

Ngayong taon na walang magarbong pista’t mga pananamit, nawa’y manumbalik tayo sa tunay na kahulugan ng pagdiriwang ng Flores de Mayo kung saan sentro ng pagdaraos ang panalangin at pagmamahal sa minamahal na Ina.



Last updated: Friday, 18 June 2021