Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan dahil sa pandemnyang COVID-19 na kinakaharap ng mundo ngayon. Mula sa mga magigiting na frontliners hanggang sa maliliit na aksyon ng mga lahat, ang komunal na pagtatrabaho at kooperasyon ay hinding-hindi mawawala sa puso ng bawat isa. Lalong pinalawig at pinadali ng social media sites ang bayanihan, kung kaya’t mas naging madali upang tulong-tulong na mapuksa ang krisis na dulot ng COVID-19.
Kabilang ang Pilipinas sa humigit 200 na bansang at teritoryong apektado sa pag-usbong ng pandaigdigang pandemya na Coronavirus Disease (COVID-19) ngayong taong 2020. Sumiklab ang bilang ng mga kaso noong Marso, kung saan mula lima naging lagpas 11,000 na sa kasalukuyan. Sa kasamaang palad, hindi lamang ang mga taong nakakaramdam ng sintomas tulad ng pag-ubo, lagnat, at hirap sa paghinga, ang maaring makahawa—pati rin ang mga walang sintomas ay maaring dala-dala na ang sakit at makahawa ng iba.
Kaliwa’t kanang pagsubok
Ika-9 ng Marso nang pumalo sa 20 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Isang linggo matapos nito ay nagdeklara si Pang. Rodrigo Duterte ng enhanced community quarantine sa buong Luzon upang labanan ang pagkalat ng naturang virus. Sa ilalim nito, pinagbabawalan ang mga tao na lumabas ng kani-kanilang mga bahay, maliban na lamang kung mamimili ng mga pangunahing pangangailangan, may trabaho, o isa sa mga tinaguriang frontliners, kagaya ng mga nagtatrabaho sa mga ospital, taga-hatid ng mga pagkain, at iba pang tumutulong upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan at malabanan ang virus.
Dahil sa pagsasara at pagtigil ng pag-opera ng mga establisiymento, ang mga taong umaasa sa araw-araw na paghahanap-buhay ay tila naputulan ng pagkakakitaan na siyang pambili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng mga pagkain.
Para naman sa mga mamamayan na nakatira sa mga liblib na baranggay sa patong-patong ang kanilang suliranin. Bukod sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay o pagkakakitian, hindi sila mabigyan ng tulong at wala rin silang mabilhan ng mga pangunahing pangangailangan. Tulad na lang ng kwento ng isang pamilyang nakatira sa Albay.
Nakuhanan ng panayam ng The Benildean ang isang kasambahay na residente ng Baranggay Purok 6, Kamagong, Bicol. Ang baranggay ay nasa may bulubunduking parte ng Albay kaya’t pasakit talaga ang paghahanap ng karaniwang mga pangangailangan lalo na ngayong may nagkakaubusan. Ang iba sa kanila naglalakad ng isang oras papuntang sentro ng Kamagong at mahigit tatlong oras pa papuntang sentro ng bayan. Ani Colina nang siya’y tanungin kung ano ang kalagayan ng kanyang pamilya, kanyang sinabi, “Sa ngayon, kanya kanyang biyak ng buko para lamang may makain.”
Isa lamang sina Colina at ang mga residente ng Baranggay Purok 6 sa libo-libong mga Pilipinong apektado ng pandemya. Dahil dito, iba’t-ibang uri ng fundraisers at tulong ang isinagawa ng taumbayan upang mabawasan ang dinadala ng mga nasa laylayan.
Artistang Benildyano para sa bayan
Nakiisa sa pagtulong ang ilan sa mga kilalang tao sa larangan ng sining at social media. Ang Coro San Benildo ng Kolehiyo ay nakiisa sa bayanihang ito. Ang kanilang “Coro Sessions Live: An Online Fundraising Concert” ay nakalikom ng higit ₱21,000 na siyang mapupunta sa Kapitbahayan Frontliners Partner Barangays at CSB-PGH Project Safe Shelter. Ani Christian Vargas, Marketing Officer ng organisasyon at isang Multimedia Arts major, “We are not on the same boat but we are facing the same storm.” Dagdag pa niya, “hindi tayo pare-parehas ng pinag-daanang hirap ngayon subalit humaharap tayo sa iisang kalaban.”
Kagaya ng mga mananawit ng Coro San Benildo, ang Animation almuna na si Marvinne de Guzman naman ay ginamit ang kaniyang talento sa sining at nakiisa sa donation drive ng Save San Roque. Ang “Commissions for a Cause” ay ang pagtutulungan ng mga ilustrador upang makalikom ng pera sa pamamagitan ng kanilang mga ilustrasyon. Aniya, “Napagtanto ko na ang paggawa ng ilustrasyon ay hindi lang dapat para sa trabaho o para mang-aliw, ngunit para rin makapagbigay ng tulong sa ating kapwa.”
Nakilala rin ang dating Benildyanong fashion designer na si Santi Obcena nang siya’y gumawa ng mga alternatibong face masks upang makatulong sa mga frontliner. Ang mga face mask na kaniyang ibinahagi sa Facebook kung paano gawin ay gawa lamang sa mga materyales na matatagpuan sa sariling mga bahay. Aniya nang nakapanayam ng The Benildean, bilang isang Benildyano, “It is part of our vision-mission to propagate knowledge on human development.”
Samantalang ang Benilde alumnus at internet personality na si Mimiyuuuh ay nagsagawa ng online zumba class upang makalikom ng pondong ipapamahagi sa Caritas Manila at Save San Roque, mga organisasyong tumutulong masugpo ang pandemya.
Lalong pinatunayan ng mga Pilipino ang kahalagahan ng paggamit ng talento sa paggawa ng mga mabubuting bagay. Ang kapit-bisig na pagtugon sa tawag ng bayanihan, kahit gaano kalaki o kaliit na bagay, ay patuloy na sinasagot ng mga taong nakikiisa sa paglaban kontra sa virus.
Mula sa karaniwang mamamayan hanggang sa mga tanyag na personalidad, lahat ay dapat ginagawa ang kani-kanilang tungkulin upang maramdaman ng mga sumusugpo sa pandemya na hindi sila nag-iisa.
Ang artikulong ito ay inilathala rin sa kauna-unahang fully-online isyu ng The Benildean: Update Vol. 6 No. 2.