Nagsimula sa isang wang-wang at pagwawalis ng dugo sa lansangan, nagwagi sa International Documentary Film Festival Amsterdam (IDFA) 2019 ang pelikula ni Alyx Ayn Arumpac na nagpapakita sa bunga ng dalawang taong laban ng administrasyong Duterte kontra ilegal na droga. Mula sa mga patagong operasyon, pagbibintang hanggang sa pagpatay sa mga inosente, ipinamalas nito ang imahe ng Maynila tuwing gabi na tila isang siyudad na pinalilibutan ng mga “Aswang.”
Isinagawa ni Arumpac ang dokumentaryong “Aswang” kasama nina Ciriaco Santiago III, CSsr, Orly Fernandez, Vincent Go, Ezra Acayan, J.S., C.P., C.S. at dalawa pang kabilang sa paggawa ng pelikula na piniling itago bilang anonymous ang kanilang mga pangalan. Kasama ng produsyer na si Armi Rae Cacanindin sina Kristine Ann Skaret at Henrik Underbjerg bilang co-producers, at Quentin Laurent bilang creative producer.
Hango ang obra na ito sa sinematograpiya nina Arumpac at Tanya Haurylchyk, editing nina Anne Fabini at Fatima Bianchi, musika ni Teresa Barrozo (Birdshot, Ma’Rosa, Diary ng Panget) at sound design nina Mikko Quizon at John Michael Perez.
Kamakailan lamang, ipinalabas sa Vimeo ang pelikula ng libre noong ika-11 at ika-12 ng Hulyo, na aniya ng pangkat ng pelikulang “Aswang,” upang mabigyang kamalayan ang lipunan sa mga napapanahong isyu sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya, War on Drugs, at malayang pamamahayag.
Nag-uwi ito ng unang gantimpala mula sa “International Federation of Film Critics (FIPRESCI) Award” ng IDFA at “Amnesty International Award” ng Thessaloniki Documentary Festival ayon sa opisyal na pooksapot nito.
Matapang at makata
“Gabi-gabi, naglalantad sa dilim ang mga katawan. Bulagtad nakataob sa lansangan. Palutang-lutang ang kamatayan sa ilog at dagat.”
Ang mga unang pahayag ng pelikula ay makata, kasabay ng mabibigat na biswal ng mga bangkay sa kalsada, mga pulis at ang karagatan.
Sa simula pa lang, nakabalot na ito sa simbolismo at metapora. Naiiba ito sa kwentong katatakutan na ating nakalakihan ukol sa mga aswang—sila’y mas mapagpanggap, nagmamasid ng mahihina at walang awang sumusunod sa amo na hari ng kadiliman. Tila ang War on Drugs ang nagsilbing pintuan sa impyerno na nagpapasok sa mga aswang.
Matapang na binuo ng dokumentaryo ang tagpi-tagping katotohanan sa likod ng laban kontra ilegal na droga. Isa-isa nitong pinakinggan ang pakiusap at pinakita ang pighati ng mga kamag-anak ng mga biktima ng mga aswang.
“Kay Duterte ako, pero mali ang ginawa niya sa kapatid ko.”
“Anak, ipaglalaban ka ni Nanay maski ikabaril ko na ang paglaban ko sa’yo.”
“Sinasabi nilang libo-libo ang namatay, ngunit ang total from real numbers ay 31,232,” ani ng isang representatib mula sa isang sikretong serbisyo ng punerarya, na tumutulong sa paglilibing ng mga namamatay.
Karamihan sa mga ipinalabas sa dokumentaryo ay hindi pinangalanan. Gaya na lamang ang embalsamador na karaniwan na sa kanya ang tumanggap ng tatlong bangkay sa isang araw. Aniya, “Minsan, kung hindi mai-identify ang katawan, tapos ‘pag sa tatlong buwan ‘di na kinuha, ipapamisa ko na lang, tsaka ko ililibing.”
Hindi maliit na bagay
Sa pelikula, minsa’y ang mga “pangkaraniwan” na bagay pa ang mas nakakakuha ng atensiyon, tulad ng kuha ng taong namamahinga sa ilalim ng tulay. Tinahak ng pelikula ang mga madidilim na sulok ng Maynila kung saan ipinakita nito ang realidad ng siyudad—mula sa siksikang mga kulungan, mga barong-barong katabi ng ilog, hanggang sa mga plastik na sinusunog sa sementeryo pagkatapos ng isang libing. Mayroon ding mga bata sa pelikula, na naglalaro ng habulan at dula-dulaan, isang gawaing pangkaraniwan, ngunit ang kanilang sigaw ay, “Magtago na kayo—may pulis! Pulis na kalbo!”
Kabilang sa mga batang ito si Jomari, siyam na taong gulang, na ibig maging pulis upang matulungan niya ang nabilanggo niyang ina, na aniya gumagamit ng droga. Ayon sa dokumentaryo, kaibigan siya ni Kian delos Santos, isang menor de edad na biktima ng naturang War on Drugs. Naninirahan si Jomari sa maliit na barangay kung saan natokhang ang kanyang ama. Nakatayo man sa gitna ng kamatayan at kaguluhan, ngumingiti lamang siya sa kamera.
Kasama sa dokumentasyon ang natagpuang kulungan sa likod ng kabinet sa presinto ng Tondo, Manila noong Abril 2017. Pinagkasya rito ang 12 na bilanggo na itinatago para sa kidnap-for-ransom kung saan sila’y kinukuryente o pinapalo ng kahoy ng mga pulis. Kamakailan lamang, nanghingi ng tawad ang Commission of Human Rights (CHR) sa kanilang pagkukulang sa pagbibigay tulong sa mga biktima ng abuso.
Isa ito sa mga huling eksena sa pelikula na ipinagpapatuloy ang pagbunyag sa baho ng sistema sa isang siyudad na nasasangkot sa ilegal na droga. Unti-unting pumapasok ang nakakatakot at nakakakabang musika sa eksena, at ang makatang namamahayag—pinapaalalahanan na ang mga aswang ay hindi kuwento-kuwento lamang.
Sa kabilang dako, may mga tao pa rin hindi natatakot sa aswang. Habang napapanood natin ang balita mula sa ating mga telepono o telebisyon, malayo sa siyudad ng kahirapan at kamatayan, tandaan na ang boses ng pamamahayag ay isang liwanag na hindi kayang pawiin ng kadiliman.
Sa kasikatan ng araw, may pag-asang makikilala at mapapatalsik ang mga aswang na siyang nagtatago sa madilim at madugo na lungsod ng Maynila.
Tinatawag ng mga gumawa ng pelikula ang mga nais tumulong sa mga biktima, isa nang paraan ang pagbibigay ng donasyon. Mababasa ang iba pang detalye sa kanilang Facebook page.