Anong mararamdaman mo kung ang sariling pagkakakilanlan at buhay na kinagisnan ay isang malaking kasinungalingan lamang para sa karamihan?
Sa isang dokyumentaryong pinangunahan ng mamamahayag na si Kara David, kanyang inilahad at tinuklas ang kultura at pamumuhay noon at ngayon ng mga sinaunang tao sa kagubatan ng South Cotabato, Mindanao. Ipinalabas sa telebisyon noong ika-22 ng Hunyo 2009 at ngayo'y mapapanood na sa YouTube, muling ibinahagi nito ang mayamang kultura, kakaibang wika at kinagisnang buhay ng mga sinaunang tao at isiniwalat kung paano nabulabog ang kanilang buhay dahil sa isang pangyayari.
“Tasaday” ang ngalan ng dokyumentaryong nagpalinaw sa totoong katayuan at pagkakakilanlan ng ating mga ninuno noong 1971. Sa pamamagitan ng mangangasong si Dafal at ang negosyanteng si Manda Elizalde, sila’y nakilala at tuluyang tinawag bilang mga “Tasaday.” Sila’y nakabahag at tahimik na naninirahan sa isang kweba malayo sa karamihan.
Noong 1986, isang dayuhang mamamahayag na si Oswald Iten ang kinuwestiyon ang katotohanan sa likod ng mga Tasaday, lalo na kung bakit sila’y may saplot na, kaya’t ipinahayag niyang ‘di totoo ang kanilang pagkakakilanlan. Dahil sa pangyayaring ito, tinawag ang mga Tasaday na sinungaling at nais lamang tumawag ng atensyon sa harap ng lente. Sila’y kinutsa, pinagtawan, at inapi ng iba.
Pagsamantala ng “malaki” sa “maliit”
Ani David sa dokumentaryo, “Sila’y mga magsasaka lamang [daw] na pinagbihis bahag lamang ni Elizalde para umarte sa harap ng kamera. Kinutsa, pinagtawanan, at tinawag na sinungaling sa larangan ng Antropolohiya.”
Binigyang-diin ng dokumentaryo kung paano namulat ang karamihan sa hinihinalang kasinungalingan ng mga Tasaday na siyang inilantad sa larangan ng Antropolohiya. Tila’y natapos ang lahat para sa mga Tasaday na walang nakuhang tulong matapos silang pag-aralan at pag-eksperimentuhan.
Ang simbolismong binigay ng dokyumentaryong ito ay naglalahad ng pagkakaiba ng may kapangyarihan sa walang kapangyarihan.
Halimbawa na lamang ang nangyari sa mga Tasaday na tuluyang nabaon sa limot, pinagtawanan, at kinasuklaman dahil sila’y napagbintangang peke at sinungaling. Matapos gamitin, pag-aralan, kuhanan ng pagkakakilanlan ng walang sapat na pahintulot, ito ang kanilang kinahantungan.
Sa isang pahayag ni Lobo, anak ng lider ng Tasaday na si Bilangan, kanyang binigyang-diin na mahirap ang walang taong pinag-aralan dahil patuloy kang pagsasamantalahan ng “mas malaki” na alam nilang sila’y makakakuha ng sapat na benepisyo sa’yo. Sa dokyumentaryong ito, napagtanto ko kung gaano kahalaga ang may pinag-aralan na kahit ika’y mahirap kaya mong makipagsabayan sa mundo ng oportunidad at modernisasyon.
Dagdag pa rito, marapat bigyang-pansin ang ating mga katutubo at mas paigtingin ang pagbibigay sa kanila ng mas maraming kaalaman na hindi nasisira o labag sa kanilang kultura.
Katotohanan sa likod ng panghuhusga
“Kung gusto nila sabihin na sinungaling kami, patunayan nila,” ani Lobo Silangan.
Sa dokyumentaryo ay sinabi rin ang kanilang kasaysayan na may sakit na sumalanta sa tribo ng Manobo kaya’t napilitan silang manirahan sa kweba upang makaligtas. Kanilang natakasan ang pagsubok na iyon ngunit, sa huli, sila ay napag-iwanan na ng panahon.
Hiling nila ay sana’y hindi na sila nakilala ni Elizalde.
Ipinakita rin sa lente ng camera ang iba’t ibang emosyong naramdaman ng mga Tasaday sa tuwing binubuklat ang mga akusasyong sila’y sinungaling dahil peke raw ang kanilang ipinakitang kultura. Kaya’t hiling nila ay mas mabuti pang walang ibang tao o mamamahayag ang pumunta at matuklasan sila upang maging mapayapa ang kanilang buhay dahil sila’y kinuhanan ng litrato, pinangakuan, ginamit hangga’t sa tuluyang kinalimutan at hindi tinulungan.
Dagdag ni David, “Tulong ang pangako ng lahat ng mga bumisita sa kanila pero lalo lang gumulo ang kanilang buhay dahil sa kanilang pagbisita.”
Kaya’t ang mga nabubuhay pang Tasaday na sina Lobo Bilangan, Etot Bilangan, at marami pang iba, ay mas pipiliing kumayod, kumita ng pera, at yumakap ng bagong kultura sa ngalan ng kanilang tribo.
“Ang mga tao sa lumang litrato ay pareho pa rin sa nakilala ko ngayon, parehong kwento at Manobong Tasaday na kweba ang kinilalang mundo,” ani David.
Walang kasagutan kung sila nga ba ay tunay na mga Tasaday ngunit karamihan sa kanila ay kabisado pa ang kwebang kanilang pinagtirhan at sanay na makibaka sa iba’t ibang tarik papunta sa kanilang tahanan—ang kweba. Ang mga nakausap ni David ay hindi masasabing sinungaling dahil nakatanim sa kanilang mga mata ang kanilang kasiyahan sa tuwing kanilang kinukwento ang kinagisnang kultura.
Nakakahanga isipin na sa dalawampu’t anim na minuto ng dokyumentaryo naipakita kaagad ang iba’t ibang emosyon. Hindi lamang ipinakita sa dokyumentaryo ang kanilang buhay, pati na rin ang pagmamahal sa sariling kultura, wika, at buhay na kinagisnan.
Sa huli, ang dokyumentaryo ay pasok sa isa sa pinakamakabuluhang paksa na marapat bigyang pansin ng may kapangyarihan: Ang ating mga katutubo ang siyang dahilan kung bakit ang ating kultura’y nananatiling makinang at dumadaloy ang dugo nila sa sa sagisag ng sariling bansa.