Cover Photo By Andrea Vicencio
Cover Photo By Andrea Vicencio.

Pamilya Ordinaryo: Sa Lente ng Buhay


‘Hindi ba nila alam, mas mahirap pa tayo sa daga?’ Mumulatin ng pelikula ang iyong mga mata sa malupit na buhay ng mga mahihirap–hanggang sa kanilang mga kwentong pinagkaitan ng pag-asa at kinabukasan.


By Prym Cabral | Wednesday, 14 October 2020

Matapang, at mabigat panoorin, ang pelikulang Pamilya Ordinaryo (2016) ni Eduardo Roy Jr.–direktor at manunulat ng mga pelikulang Lola Igna (2019) at Fuccbois (2019)–ay nagwagi ng Cinemalaya 2016 ng Best Film, Best Director, at naihalhal sa mga nominasyong Best Film para sa Venice Film Fest Festival at Stockholm Film Festival. Itinampok ng pelikula ang mag-asawang sina Jane (Hasmine Killip) at Aries (Ronwaldo Martin) Ordinaryo, isang labing-anim at labing-pitong taong gulang na naninirahan sa lansangan na nais matagpuan ang kanilang nawawalang anak. 

Dating taga-sulat lamang para sa mga teleserye, sinundan ni Roy ang kaniyang pangarap na maging direktor sa kaniyang unang pelikulang Bahay Bata (2011). Maganda ring banggitin sa pelikulang ito ang mahusay na pagganap nina Ronwaldo Martin bilang Aries at si Hasmine Killip bilang Jane, na kahit na tiga-Amerika ay nagampanan ang role na parang sila mismo ang mga tauhan sa eksena. Ang sinematograpiya ay tapat, at ayon sa interbyu kay Roy, ay gusto nila maging direkta–wala nang establishing shots, upang makapag-pokus sa dalawang bida.

Sa Pamilya Ordinaryo, ang mundo ng pelikula ay ang kahirapan habang ang instrumentong ginagamit ito ay tungkol sa isang dalaga’t binatang magulang na hinahanap ang nawawala nilang anak sa lansangan. Makikita natin ang kanilang istorya nang bukas, at dadalhin ka sa sulok ng Maynila na hindi mo inaakala na nandoon pala. Tila isasampal sa ‘ting mga mukha ang istorya ng kanilang mga buhay–bilang snatcher, kung paano sila mamuhay sa kalsada, at maging kung paano nila tipirin ang isang duyan para sa kanilang anak.

Karamihan ng nangyari sa eksena ay tampok din sa tunay na buhay nina Jane at Aries. Ayon sa isang interbyu sa direktor, ito ang kaniyang bitbit na kwento, mula sa kaniyang nakikita na mga batang kalye at pakikinig sa mga balita tungkol sa baby-snatching na kasalukuyang laganap sa bansa. 

Sa pelikula, ipinapakita ang isang pulis (Menjie Corrubias) na ipinapahiya si Jane sa kaniyang maagang pag-aasawa at minolestiya pa ito sa huli. At noong nagpunta sila sa istasyon ng radyo upang ipahayag ang kanilang problema, mas inatupag pa ng mga announcer ang isang artista na dumating galing bakasyon. Kadalasan, ang ating mga tauhan ay naaabuso, napagsasamantalahan, at pinagtatawanan ng mga tao at mga institusyong dapat sila’y tinutulungan at pinoprotektahan.

Minsan, mapapaisip ka na lang–ano ang ginawa ng mga taong ito upang matanggap ang ganitong kapalaran? Hindi ba karapatan din ng isang mamamayan ay ang may maayos na tirahan?

Ang CCTV at ang “Mga Tao sa Paligid”

Sa ibang mga eksena sa pelikula, ipinapakita ang CCTV ng ilang segundo. Halimbawa, habang nag-wiwithdraw ang isang tao sa ATM at inaabangan natin na nakawan siya ng batang kaibigan ni Jane. Tayo’y nanginginig, inaantisipa kung ano ang susunod na mangyayari. O sa pinaka-unang eksena, na namatay ang isang bata mula sa isang hit-and-run sa Quiapo. Ipinapakita lamang ng mga ito ang karaniwang mga eksena sa Maynila: ang magnanakaw, ang nanakawan, ang mga nasasagasaan. Isang reyalidad na nangyayari araw-araw, ngunit madaling malampasan ng mga taong nasa paligid. 

Sapagkat tayo ang mga manonood, mga bystander. Maaari rin isipin na, tayo o sila ang mga “tao sa paligid”– na hindi man lang natin iniisip ang pinagkaiba kung nandiyan ba sila o wala. 

Sa kanilang paglalakbay sa paghahanap sa anak na si Arjan (John Kenji Montoro), si Jane ay binigyan ng tanong kung paano kung may mas magandang buhay na naghihintay sa kanilang sanggol. Hindi nakaimik si Jane sapagkat isa siyang ina–higit sa lahat, bata pa lamang siya at isa sa mga libo-libong pinasukan ang pagiging ina sa taong-gulang na dapat sarili pa lamang ang iniintindi nila. 

Ang pelikulang ito ay naguudyok upang pag-isipan ang iyong mga pananaw sa buhay. Sa salimsim, habang mayroon tayong malalaking problema, wala pa rin kukumpara ito sa mga taong gagawin ang lahat upang makaraos at makita ang liwanag sa susunod na araw. Ito ang pelikula na magtatatak sa iyong kaisipan ng mga bagay na mayroon ka, at ang iyong pribilehiyo na naghihiwalay sa‘yo sa halos limang milyong walang tahanan at mga batang hindi nakatatanggap ng nararapat na edukasyon. Masakit man isipin, minsa’y hindi natin pinipili ang ating mga pinanggagalingan; at ang pribilehiyo ay nasisisilang sa parehong oras ng pagdating natin sa mundo.

Sa huli, ito ay isang pelikulang kailangan mong panoorin sa iisang upuan at namnamin nang masinsinan, sapagkat hindi siya nakakaiyak–bagkus, isa itong reyalidad na nadadaanan natin araw-araw, at kadalasan, hindi natin kinikilala.

At mula sa mga salita ng direktor, “Marami sa Pilipinas--kagaya nila—mga bata sa kalye ng Manila. Napaka kakaunti lamang ng mga kwento ngayon tungkol sa kanila. Ito ang aking pakay, na maikwento ang kanilang buhay.” [Many in the Philippines—there's a lot like them—street children in Manila. There’s a little story about those kinds of people in the streets. This is my take on the kind of life they are living.