Cover Photo Ni Hannah Lacaden
Cover Photo Ni Hannah Lacaden.

My Amanda: Pagkakaibigan o pag-iibigan?


Higit pa sa kilig at tamis ng pagsasama, iba pa rin ang ligayang hatid ng isang malalim at dalisay na pag-ibig mula sa kaibigan.


By Hezzarie Urbina | Thursday, 26 August 2021

Hango sa direksyon at panulat ng kilalang aktres na si Alessandra de Rossi, ipinalabas ang pelikulang My Amanda sa Netflix noong Hulyo. Kasama si Piolo Pascual, pinakita at pinaramdam ng pares ang isang uri ng pagmamahal na pinili mang hindi ipagsigawan, umabot naman nang walang hanggan.

 

Ayon kay de Rossi, ang istorya ay bunga ng kanyang sariling karanasan sa pagkakaibigan. Talamak na sa industriya ang mga istoryang nakatatawa at nauuwi sa romantikong relasyon, ngunit ninais niyang magpahayag ng pag-ibig na hindi rin naman nalalayo sa mga karaniwang nararamdaman natin—pagkakaibigan.

 

Ano nga ba ang mga dahilan sa likod ng pag-aalinlangan upang mahigitan ang leybel ng isang kaibigan at gawing ka-ibigan? Nararapat bang isisi ito sa panahon o sa taong gumagawa ng desisyon?

Ang istorya ay umiikot sa pagkakaibigan nina TJ o Fuffy (Piolo) at Amanda o Fream (Alessandra). Sa kasiyahan at kalungkutan, hindi nila iniiwan ang bawat isa, at sa halip, hinaharap nila ang mga pagsubok ng buhay nang magkasama. Sa tuwing may kasintahan ang isa sa kanila, hindi sila nagkukulang sa pagbibigay ng suporta—ngunit hindi sa pamamagitan ng payo. Ito ay sa paraang paglalaan ng oras para tabihan at makinig sa hinaing at hagulgol ng kaibigan. 

 

Sa tunay na buhay, ito ay isang katotohanan sapagkat minsan ay walang salitang makapagpapagaan sa nararamdaman; ngunit kapag alam nating may taingang makikinig, ito’y nagiging sapat na para maibsan ang bigat sa kalooban.

 

Kaya naman pinabulaanan ng pelikula ang mga paniniwalang hindi pwedeng maging magkaibigan lamang ang magkasalungat na kasarian. Bagama’t makikita sa mga mata ng mga karakter sa pelikula ang espesyal na malasakit sa komplikadong buhay ng bawat isa, ito pa rin ay nabigyang-limitasyon na siyang pupukaw ng atensyon ng mga manonood.

 

Bagama’t Ingles at Filipino ang mga wikang ginamit sa pelikula, nabigyang-diin naman ang mistulang tula na sinasambit ni Fuffy sa Filipino. Ito ay isinasalaysay sa mga eksenang magdudulot ng emosyon, maging pananaw na sana naririnig ni Fream ang lahat mga ito. Sa huli, nabigyang-kalinawan ang dahilan kung bakit hindi ito sinambit nang harapan sapagkat malalaman ang tunay na dapat makarinig ng mga sulat na ito.

 

Hindi rin naman pahuhuli ang sinematograpiya na siyang nagtanghal ng iba’t ibang magagandang eksena sa pelikula. Tampok dito ang mga paglubog ng araw at mga gabing sila’y magkasama ngunit mas malinaw pa sa buwan kung ano ang papel ng bawat karakter sa buhay ng isa’t isa. Nabigyang-pansin din ang pagpapakita ng mga bituin na may karampatang kahulugan na siyang ginagamit sa simula, gitna, at pagtatapos ng kuwento.

 

Sa kabuuan, ang My Amanda ay isang pelikulang, kahit maituturing na payak, hatid naman nito’y makabuluhang mensahe sa madla. Naging mahusay ang pagbibigay-diin nito sa angkop na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari kasabay ng mga salaysay ni Fuffy na may malalim na kahulugan na nararapat abangan.

 

Samakatuwid, hindi nito sasayangin ang oras mo sapagkat malalaman mo kung bakit may mga “liwanag na kailangan pang itago sa mundo” sa halip na ipangalandakan.