Bilang pagpupugay sa mga kongresistang piniling manindigan, isinulat ni Virgilio S. Almario, o mas kilala sa kanyang sagisag-panulat bilang Rio Alma, ang isang tula noong ika-12 ng Hulyo noong nakaraang taon at ibinahagi ito sa kanyang Facebook account.
Matatandaang bago tuluyang nawala at ibinasura ang panukalang pagpapanibago ng prangkisa ng ABS-CBN, ang isa sa mga pinakamalaking media network sa Pilipinas, nagsagawa ng botohan ang Kongreso ukol dito. 70 kongresista ang bumoto upang tutulan ang pagpapanibago ng prangkisa at 11 naman ang pumayag, habang ang natitira ay nag-abstain at nag-inhibit.
Bunsod nito, ang 11 lider na tumayo sa kanilang sariling mga paa at lumaban ay kinilala ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura sa kaniyang tulang pinamagatang “Labing-Isang Konsensiya.” Ito ay binubuo ng limang saknong na may apat na taludtod bawat isa at 12 pantig bawat linya.
Bakit ba kung ating titigan ang loob
Ng ating Batasan, mula nang matampok,
Walang nakikita kundi sapang bulok
Daan-daang baboy ang nagsisilubloB?
Una po ang bayan, ang sigaw na bibo,
Pag kakandidato’t hihingi ng boto;
Pero pag nahalal, ang una sa ulo
Pabor at probetso ng pamilya’t tribU.
Sa unang dalawang saknong pa lamang ng tula, inilarawan ni Rio Alma ang Batasan at ang mga kasapi nito. Tahasan niyang tinukoy ang kanilang pag-upo sa puwesto at pagprayoridad sa mga kadugo. Hindi man tuwirang nasambit, ngunit ito’y mistulang pagtawag sa tamang pagpili ng kandidato. Marapat lamang na ang mga ihahalal sa puwesto ay uunahin ang mamamayan at papakinggan ang mga hinaing nito.
Dangal ay nasaan? Hindi nararapat.
Mundo ng Batasan ay mundo ng bulag.
Salamat at ngayon, may ONSEng matatag
Magtanghal ng bago’t ulirang dignidaD.
Hindi sana sila bulagi’t sumamba
Sa tawag ng pera’t trapong politika;
Huwag sana silting matakot sa linya
Ng San Dinastiya’t Nazi MaharajaH.
Ilan lamang sila, ngunit natatangi,
Pag-asang sumagip sa bayan at lahi
Laban sa Batasang bahay ni Ka Tale:
Ang haligi’y balî’, loob ay pusalI.
Sa mga sumunod na saknong, kinikilala ang labing-isang hindi naging bulag sapagkat matapang silang nanindigan sa kung anong alam nilang tama. Sila ang “ONSEng matatag” na hindi nagpadala sa puwersa’t salapi, bagkus sa gitna ng pandemya kung saan ang lahat ay nahihirapan, inisip nila ang kapakanan ng mga mamamayan at sinubukan silang ipaglaban.
Ngunit hindi lingid sa kaalaman ng lahat, nilamon ng kawalang dangal ang bunga ng botohan. Hindi nagwagi ang labing-isa sa Batasan na inihalintulad sa “bahay ni Ka Tale,” kung saan ang haligi ay bali at ang loob ay pusali. Kilala ang mga salitang ito sa isang bugtong na naglalarawan sa isang alimango. Sa kahusayan ni Rio Alma, ito’y naipasok sa konteksto at nagdala pa ng marikit na kahulugan. Ang “bahay ni Ka Tale” ay naihalintulad sa “tahanan ng bansa,” sapagkat tulad ng isang alimango, pawang walang katiyakan ang bumubuo sa loob nito. Gayunpaman, sa kabila ng pagkatalo ng labing-isa, sila nama’y nagwagi sa puso ng taong bayan.
Pananaig ng mabuting budhi
Sa kabuuan ng tula, makikita na ang una at huling titik ng bawat saknong ay may nabubuong salitang “BUDHI.” Ayon kay Rio Alma, kung sana’y nanaig ang mabuting budhi, tulad ng labing-isang natatangi, hindi sana nawalan ng mapagkukunan ang marami sa mga mamamayan.
Sa kabila nito, sila nama’y nagpamalas ng mabuting ehemplo para sa mga boboto. Tulad nila, nawa’y mangibabaw sa mga tao ang kabutihan at malasakit sa bansa at hindi magpadala sa kahit anumang uri ng suhol. Nang sa gayon, ang labing-isa ay madagdagan at sa hinaharap ay masapawan ang kasakiman.