Cover Photo By Andrea Vicencio
Cover Photo By Andrea Vicencio.

Big Night!: Seryosong usapan sa gabi ng tawanan


Kung sa isang listahan nakasalalay ang iyong kapalaran, ano’ng gagawin mo para ito’y baguhin?


By Hezzarie Urbina, and RA de Lemos | Monday, 17 January 2022

Hango sa direksyon at panulat ni Jun Robles Lana, ipinamalas ng Big Night! ang kwento ng isang karaniwang mamamayan sa reyalidad ng kampanya laban sa iligal na droga. Ang pelikula ay pinagbidahan ni Christian Bables at ng marami pang tinitingalang mga aktor sa industriya. 

Sa kabila ng ibang naggagandahang pelikula, nangibabaw ang “Big Night!” bilang isa sa mga opisyal na kalahok ng 2021 Metro Manila Film Festival noong Disyembre. Nasungkit ng pelikula ang “Best Picture,” “Best Director” (Lana), “Best Screenplay” (Lana), “Best Actor” (Bables), “Best Supporting Actor” (John Arcilla), “Best Cinematography” (Carlo Canlas Mendoza), “Best Musical Score” (Teresa Barrozo), at “Gender Sensitivity Award” sa ginanap na Gabi ng Parangal noong Disyembre 27.

Tutulad ka ba kay Dharna?

Ang kuwento ay umiikot sa isang beautician na si Panfilo Macaspac Jr. o mas kilala bilang Dharna (Bables). Napasama siya sa watchlist o ang listahan ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, na kalauna’y maaaring makaranas ng masalimuot na kapalaran. Nang kaniyang malaman na ang watchlist ay ibibigay na sa Philippine National Police sa susunod na araw, agarang naglibot si Dharna sa iba’t ibang pinuno ng kanilang lugar. Hindi niya pinalampas ang natitirang araw at gabing iyon upang malinis ang kaniyang pangalan.

Ipinakita ng pelikula ang lipunan kung saan ang mga mamamayan ay tila sanay na sa patayan at pamamaslang, sapagkat ito’y isang karaniwang pangyayari na kung pagtutuunan pa ng galit ay maituturing na pagsasayang ng oras. Mapapansin na ang Big Night! ay naiiba sa mga pelikulang nagtatalakay ng parehong napapanahong paksa sapagkat inilahad nito ang anggulo kung saan nailabas ang desentisasyon ng ibang mga Pilipino. Bagama’t maituturing na hindi kaayaaya ang desisyong isawalang bahala na lamang ang mga pangyayari sa kapaligiran, naiparamdam ng mga eksena ang emosyon ng kawalan ng kakayahan; kaya sa halip na makipaglaban, tatanggapin na lamang.

Ngunit ano ang iyong gagawin kung sariling pangalan mo na ang nadawit?

Sa tema ng pelikula na lumilibot sa relasyon ng kahirapan at kawalan ng hustisyang kalakip ng kampanya laban sa iligal na droga, naging makabuluhan at makatotohanan ang mga pagsubok na humarap kay Dharna. Madalas ulit-ulitin ng mga tauhan ang ideya na kung wala talagang kasalanang nagawa ang isang tao, hindi dapat mag-alala sa pagkadamay sa mga sinususpetsahang gumagamit ng droga.

Sa isang eksena na kabilang ang Presidente ng Area 2, ang kaniyang kasalukuyang tinitirahan, pinakausapan ni Dharna si Mr. Roja na prinsipal ng isang eskwelahan at isa ring homophobe na tinatago ang kaniyang pagkakapanatiko sa pagiging isang debotong Kristiyano–na naging balakid sa layunin ni Dharna. Sa eksenang ito, ipinaikot siya ni Mr. Roja sa gitna ng paaralan nang isandaang beses. Nagsilbi itong metapora ng mga hinahanapan ni Dharna ng tulong na tila walang nararating at ginagamit lamang siya sa sarili nilang kapakanan o aliwan.

Komedya sa trahedya

Isa rin sa mga prominenteng eksena ang kakayahan ng mga tauhan sa pelikula na magpatawa. Pagdating ni Dharna sa kaniyang kinalakihang tahanan, binati niya ang kaniyang tatay na si Lando (Ricky Davao) at ang kaniyang dalawang baklang kapatid na sina Ghalema (Awra Briguela) at Vholta (VJ Mendoza). Sa mabilisang interaksyon nilang pamilya ay lumitaw ang tamang timpla na nakakaaliw at nakakatawang salitan ng mga usapan nang hindi nabibitawan ang bigat ng sitwasyon na hinaharap ni Dharna.

Sa huling desperadong pagtangka na linisin ni Dharna ang kaniyang pangalan, napadpad siya at ang kaniyang kasintahan na si Zeus (Nico Antonio) sa bahay ni Donato Rapido (Arcilla). Dito, katulad ng ibang hinanapan ni Dharna ng tulong, tila hindi siya sineseryoso at pinili munang makiharot sa karakter ni Zeus na isang malaking tagahanga ng kaniyang mga pelikula. Isa lamang ito sa mga eksenang nagpapakita ng kakayahan ng pelikulang mag-iba ng tono habang sinusubaybayan at hindi binabalewala ang mensahe ukol sa kahirapan, kawalang-hustisya, at ang talamak na pang-aabuso sa kapangyarihan.

Sa kabila ng pag-aalinlangan, sila’y napadpad sa loob ng tahanan ni Donato kung saan ipinakita ang dropbox na puno ng mga pangalang nagdulot ng problema ni Dharna. Kalaunan, inalok siya ng isang gawain kapalit ng pagtanggal ng kaniyang pangalan. Hanggang saan nga ba ang kayang gawin ni Dharna para lamang masulusyonan ang kanyang problema? Siya kaya ay maninindigan o patototohanan na lamang ang paratang? Hindi man tahasang binanggit ang kaniyang naging desisyon, nagtapos ang pelikula nang nakatitig si Dharna sa kamera, na tila nagsisisi.

Puno ng mga eksenang nakapagpapagaan ng loob ang Big Night!—mula sa pagpapaganda ni Dharna sa mga bangkay sa morge tungo sa isang dulaan na nangyari sa gitna ng isang seryosong usapan. 

Gayunman, hindi pa rin isinawalang bahala ng pelikula ang realidad na pinagdaraanan ng mga biktima ng madugong labanan sa droga; sapagkat sa gitna ng mga halakhak, nararapat lamang seryosohin ang pagkasangkot sa maling paratang at patayan.