Ang ating mga paniniwala ay pinagmumulan ng pag-asa at kaisipang lahat ng pagsubok ay may halaga at kapupuntahan. Ito ang relihiyon—ang sandatang maaaring kapitan sa mundong walang kasiguraduhan. Hindi nakapagtatakang sa bawat pagpikit ng mga mata at paglapat ng mga palad, ito’y nagsisilbing ilaw sa daan upang matanaw ang buhay na walang kasing saya, kapalit ng mga sakit at pait na nadarama.
Gayunman, sa panahon ngayon, naglipana ang mga isyu tulad ng mga hamon sa pagpasa ng iba’t ibang panukalang batas, kaya ang relihiyon ay mistulang balakid sa pagsulong ng mga mamamayan. Bagama’t layon nitong pag-isahin ang sambayanan at iwaksi ang kasamaan, tila ito’y nagagamit sa kabaligtaran sa kamay ng mga makasariling iilan.
Bilang bansang merong iba’t ibang relihiyon at mga mamamayang kilala sa pagiging mapagpahalaga, hindi imposibleng mabitag ang mga Pilipino at sumunod sa landas na aakalaing wasto. Kaya sa halip na magsilbing instrumentong magbibigay linaw sa mga desisyon at magdudulot ng kaunlaran ng Pilipinas, nagagamit ang relihiyon ng may kapangyarihan upang punan ang pansariling interes. Hindi ipinagsasawalang bahala ang mga paniniwalang humubog sa bawat tahanan ng mga Pilipino, ngunit nararapat suriin kung sulit ang pagsasakripisyo ng katotohanan para masunod lamang ang kinaiingat-ingatang prinsipyo.
Pakikibahagi ng simbahan sa pangangampanya
Sa mga nagdaang eleksyon sa bansa, hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ang pagkatok ng mga kandidato sa mga relihiyosong sektor upang sila’y iendorso. Batay sa mga ulat noong eleksyon sa taong 2016, nakipag-ugnayan ang limang kandidato ng pagkapangulo sa iilang lider ng simbahan sa panahon ng kanilang pangangampanya.
Halimbawa nito ang Iglesia ni Cristo; kung saan nagkakaisa ang mga miyembro sa iba’t ibang gawain tulad ng pagboto, na kung tawagin ay bloc voting. Noong 2016, sinuportahan ng sektor ang noo’y punong bayan ng Davao na si Rodrigo Duterte sa pagkapangulo, sa kabila ng mga isyu nito ukol sa paglabag sa karapatang pantao. Dito nakikita ang pagkilala sa kapangyarihang hawak ng relihiyon sapagkat ang pagsambit ng nakatataas ng mga nararapat maluklok ay nagdudulot ng malawakang impluwensya sa milyon-milyong miyembro nito.
Sa kabilang banda, maaari naman itong magdulot ng kabutihan lalo na’t kung ang ieendorso ng simbahan ay tunay na mga lingkod-bayan. Ngunit sa pagkakataong namili lamang sila ng kandidatong kayang punan ang kanilang makasariling kagustuhan, isang malaking katanungan at pag-aalinlangan ang nagpaparamdam. Sino ang nararapat sundin: ang ineendorso ng simbahang kinabibilangan o ang sarili na maaaring taliwas sa karamihan?
Ngayong nalalapit na ang susunod na eleksyon, isa ito sa mga nararapat sumagi sa isipan ng mga mamamayan sapagkat ang mga maluluklok ay hindi lamang pagsisilbihan ang mga kapwa mananampalataya, kundi ang buong bansa.
Ang kalayaang pinagkait ng paniniwala
Isang malaking palaisipan pa rin sa nakararami ang pagpapatupad ng panukalang batas sa diborsyo sa Pilipinas. Sa kabila ng pagiging kaisa-isang bansa sa mundo kung saan itinuturing pa ring ilegal ang diborsyo maliban sa Vatican at pagsisikap ng mambabatas na si Risa Hontiveros sa pamamagitan ng paghahain ng panibagong divorce proposal matapos itong balewalain ng kamara noong nakaraang taon, nananatiling malakas ang impluwensya ng relihiyon sa bansa at tila hindi pa rin napapansin ang kakulangang ito. Hindi maitatangging laganap ang paniniwalang kamatayan lamang ang maaaring makapaghiwalay sa isang mag-asawa. Ikinikintal nito sa isipan at gawi na hindi tama ang sukuan ng mag-asawa ang bawat isa, kaya nararapat lamang na ayusin ang sigalot kahit na ito’y may halong hinagpis at pagtitiis.
Sa mga sitwasyong hindi na maaaring mapagtagpi ang relasyon dala ng samu’t saring dahilan tulad ng paulit-ulit na pang-aabuso at pagtataksil, hindi ba’t nararapat bigyan ang mga Pilipino ng pagkakataong legal na tapusin ang isang balidong kasal? Sa ngalan ng paniniwala, ‘di mabilang na kabiyak na ang nagpakasakit at nagtiis para lamang hindi mabawi ang isinumpa sa harap ng altar.
Sa katunayan, batay sa ulat na ililathata ng Philippine Statistics Authority taong 2018, isa sa apat na babaeng may asawa sa Pilipinas ang sinaktan ng kanilang kinakasama o asawa. Sa kabilang dako, ang insidente ng pang-aabuso sa asawang lalaki ay nakikitaan din ng pagtaas sapagkat 12 hanggang 15 sa bawat 100 mag-asawa sa bansa ang naaapektuhan.
Gayunman, isa lamang ang relihiyon sa napakaraming dahilan kung bakit pinipiling hindi makipaghiwalay ng isang misis o mister, at hindi maitatangging isang malaking salik ang pagkakakulong sa paniniwala, kaya’t hindi sila makalaya sa isang nakakasakal at mapangwasak na relasyon.
Katotohanang hindi dapat takpan
Tunay na malaking bahagi ng pagkatao ang relihiyon. Ito ay maituturing na sandatang may kapangyarihang taglay para impluwensiyahan ang buhay ng tao at ang lipunang ginagalawan nila. Sa halip, sa ibang pagkakataon, tila binubura nito ang realistikong naratibo, at pinaghahalo ang paniniwala sa katotohanan. Hanggang kailan kaya nito sasamantalahin ng mga nasa itaas, at hanggang saan ang sakop nito sa mga problema nating nangangailangan ng matalinong desisyon? Ang kasagutan ay nararapat tuklasin ng bawat isa, pero hindi dapat ipagsawalang bahala ang nakabubuti sa lahat.
Pagbali-baligtarin man ang mundo, nakasalalay pa rin sa nananalig ang kahihinatnan ng buhay. Nararapat lamang na paglapatin man natin ang ating mga palad at ipikit ang ating mga mata, nawa’y manatiling bukas ang ating isip, puso, at mga mata sa nararapat at katotohanan.
Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 1: Redacted.