Ang kahalagahan ng ating wika, lalo na ang pagpapatuloy ng buhay nito, ay dapat maisulong sa mga tao, lalo na sa kabataan ngayon. Upang maitatag ang plataporma ng paghakbang, paggawa ng mga patakaran, plano, at mga gawain patungkol sa buhay ng ating wika, kinakailangan natin ng isang katawan o komisyon kung saan may mamumuno sa pagpapatuloy ng buhay ng ating mayamang wika at mga dayalekto.
Noong Agosto 14, 1991, alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104, pinirmahan ni noong Pangulong Cory Aquino ang Konstitusyon ng Pilipinas. Sa paglagda nito, naisakatuparan din ang isa sa mga mahalagang bahagi nito–ang repormadong Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Layunin ng komisyong ito na pagtuunan ng pansin ang pagpapalaganap at pagpapabuti ng Wikang Filipino at iba pang wika sa bansa, upang ito'y maging sentro ng identidad at maging bahagi ng kulturang Pilipino.
Kahalagaan ng KWF
Sa unang taon nito, nagsagawa at nagtakda ang KWF ng iba't ibang mga programa at proyekto upang itaguyod at mapalawak ang paggamit ng Wikang Filipino sa iba't ibang larangan. Isa na sa mga layunin nito ay ang pagpapalaganap at paggamit ng Wikang Filipino sa edukasyon, media at maging sa pamahalaan.
Ang mandato ng KWF ay ang sumusunod: “Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nilikha upang magsagawa, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Pilipinas. Ang Batas Republika Blg. 7104 ay ang batas na lumikha sa Komisyon sa Wikang Filipino na nagtatakda ng mga kapangyarihan nito, mga tungkulin at mga gawain, naglalaan ng gugulin ukol dito at para sa iba pang mga layunin.”
Sa kabilang banda, maaaring masuri ang kanilang pook-sapot para sa mga serbisyong maaari nilang ipagbigay lingkod tulad ng Diksyonaryo ng Wikang Filipino, at ang Aklatang Balmaseda. Mayroon ding mga programa at proyekto ang nasabing komisyon; Sangay ng Salin (SS), Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN), Sangay ng Salita at Gramatika (SSG), Sangay ng Literatura at Araling Kultural (SLAK), Sangay ng Pananalapi at Pangasiwaan (SPP), at “Ang Filipino” kung saan ay bukas sa publiko upang mabasa at maikalat sa karamihan.
Selebrasyon ngayong 2023
Mahalaga ang ginagampanang papel ng KWF sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng Wikang Filipino. Ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Ngayong Agosto, ang tema ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” Linggo-linggo ring may mga tema na susundin: Pagkilala at Pagtaguyod sa Filipino Sign Language (FSL) bilang Pambansang Wikang Senyas ng Pilipinas (Agosto 1-5); Mga Wikang Katutubo: Midyum ng Pagtuturo, Pananaliksik, at Pagkakaisa (Agosto 7-12); Mga Wikang Katutubo: Kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa Maunlad na Bansang Pilipinas (Agosto 14-19); Mga Wikang Katutubo: Pambansang Pag-uswag at Pakikipagkapuwa sa Pagpapaunlad ng Katarungang Panlipunan (Agosto 21-26); at Wikang Filipino: Wikang Mapagbangon (Agosto 28-31). Hindi lamang ang wikang binibigkas ang ating kailangang palaguin at protektahan, nandiyan din ang FSL para sa ating mga kababayang Bingi o Deaf. Ipinapakita rin ang kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino at katutubong dayalekto sa mga sulating agham at teknolohiya at ang tulong nito sa mga pag aaral sa hinaharap, pati na rin sa pananaliksik at pagtuturo.
Bilang pagpapahalaga rin sa mga dayalekto, ang layunin ng Buwan ng Wika sa taong ito ay iangat ang kakayahan at kamalayan ng mga tao patungkol sa kasaysayan ng mga wika na ating sinusubukang pahalagahan at protektahan. Sa temang nabanggit, inaasahan nating maipapaalala sa tao ang kahalagahan ng patuloy na paggamit ng wikang kinagisnan or pinagmulan. Marahil, hindi lang kabataan ang mahihikayat ng programa; kasama na rin dito ang mga pribadong sektor sa Pilipinas. Malaking tulong ang kanilang pakikiisa sa kamalayang pangwika at sibiko sa ating bayan.
Malinaw na sa atin na ang layunin nitong programang ito ay maipakilalang muli sa mga tao ang wikang hindi nila napapansin sa araw-araw, ngunit isa ring mahalagang parte ng programa ay ang maipaalam sa mga tao na mayroong KWF na nariyan para sa pagpapatuloy at pagpapatagal ng buhay ng ating wika na itinuturing na yaman ng ating bansa.