Patok na patok ngayon ang bagong makasaysayang teleserye ng GMA Entertainment Group na Pulang Araw. Ito'y unang ipinalabas noong Hulyo 29 at kasalukuyang mayroong higit apatnapung episodes na. Habang patuloy na ineere ang palabas, mas inaabangan ito lalo pa't nagsisimula na ang delubyong pinangangambahan ng lahat ng mga manonood ng Pulang Araw.
Sa ilalim ng direksyon ni Dominic Zapata, binigyang buhay ang apat na magkababata, sina Adelina Dela Cruz (Barbie Forteza), Hiroshi Tanaka (David Licauco), Eduardo Dela Cruz (Alden Richards), at Teresita Borromeo (Sanya Lopez), na may iba't ibang katangian at kwentong pinagdadaanan noong panahon ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas. Habang sila'y tumatanda, umuusbong din ang kanilang tunay na damdamin at hangarin para sa kanilang sarili, kapwa, at lalong lalo na sa bayan.
Kababaihang piniringan ng kasuklaman
Kung mayroon mang tumatak na usaping tinatalakay sa teleseryéng ito, hindi maaaring lagpasan ang isa sa mga marahas na pangyayaring pinagdaanan ng mga kababaihan sa panahon ng pananakop ng Hapon—ang pagiging mga comfort women.
Maging ang babae man ay mayaman, may asawa’t anak, lingkod ng simbahan, matanda, o bata, hindi nakatakas ang nakararami sa sekswal na karahasan sa mga Hapon noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang pagsasalarawang ito ay pinalabas sa pamamagitan ng karakter nina Amalia (Rochelle Pangilinan) at Manuela (Ashley Ortega), na siyang nagbibigay kalamangan sa ibang makasaysayang palabas ngayon.
Maging isang bastardo o traydor
Isa rin sa mga natalakay na isyu ay ang estado’t pagkakakilanlan ng mga tao. Ipinakita sa teleserye ang kahalagahan ng posisyon o name title sa bawat karakter. Ito’y isa sa mga pangunahing batayan ng kapangyarihan ng isang indibidwal noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Kung wala kang mataas na posisyon noon, mas madali ka lang tapak-tapakan at matawag na isang bastardo o ‘di naman kaya’y traydor.
Talamak ang paggamit ng salitang “bastardo” o “bastarda” sa palabas na ito, lalo na kila Adelina at Eduardo dahil sa sila’y mga anak sa labas o ng hindi legal na asawa. Sobra ang panghuhusga at pagmamaltrato sa kanila kahit hindi naman nila kasalanan na ganoon ang naging kapalaran ng kanilang kapanganakan.
Sa kabilang dako, hindi rin katanggap-tanggap noon ang tumaliwas at hindi sumang-ayon sa mga gusto o paniniwala ng “bayan.” Ikaw ay paparatangan o kikilalanin agad bilang isang traydor o kumakampi sa kalaban. Ito ang naging akusasyon kay Hiroshi nang siya’y nagpakita ng hindi pagsuporta sa kahit kaninong panig, maging sa mga Pilipino man o sa hangarin ng emperador ng Hapon.
Katotohanan sa likod ng makulay na teatro
Sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan, musika, skit, at props, nabubuhay ang kultura ng isang bodabil o tanghalan ng mga artista, musikero, at komedyante. Ang bodabil ay bukás at pinapatakbo kahit nagaganap na ang digmaan noong panahon ng pananakop ng Hapon. Kabilang ito sa mga naging libangan ng mga Hapon noong nananatili sila sa Pilipinas.
Marami pang bahagi ng teleserye na hango ang impormasyon batay sa totoong pangyayari o kasaysayan ng Pilipinas–kasama na rito ang mga araw kung saan at kailan naganap ang pag-atake ng Hapon sa Pearl Harbor.
Malaki ang maaaring maging papel ng Pulang Araw sa pagpapalawak ng kaalaman sa mga pangyayari noong napasailalim ang mga Pilipino sa pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Natatalakay ang mga isyung pampolitika, pang-simbahan, at panlipunan, na tila hanggang ngayon ay kinakaharap pa rin dito sa bansa.
Bagama’t kabilang ito sa mga piksyunal o gawa-gawang kwento, makikita pa rin ang pagsisikap ng produksyon na ipahayag ang totoong kalagayan ng mga Pilipino sa panahon ng kolonyalismo ng Hapon. Ito'y patuloy na nagbibigay-aral sa kasalukuyan panahon, lalong lalo na para sa mga Pilipino.
Natapos man ang marahas na pagmamalupit ng pananakop ng ibang mga bansa, hindi pa rin nagwawakas ang digmaan sa loob ng lipunan–maging kakampi man o kalaban ng bayan.
Ang Pulang Araw ay maaaring mapanood sa Netflix at GMA Network.