Maituturing ang Misa de Gallo na isang mahalaga at malaking bahagi ng kulturang Pilipino. Ipinagdiriwang ito bilang isang paggunita at pagninilay sa darating na kapanganakan ni Hesus. Mayroong iba't ibang tradisyon ang bawat simbahan at komunidad na mas nagpapaigting ng diwa nito. Sa mga simbahan sa Pangasinan, masasalamin ang malalim na pagmamahal at pananampalataya ng mga Pangasinense sa tuwing ipinagdiriwang nila ang Misa de Gallo.
Ang Misa de Gallo ay isang mahalagang tradisyon sa pananampalatayang Katoliko sa Pilipinas na nagmula sa Espanya upang gunitain ang pagsilang ni Hesukristo. Ayon sa isinulat na katekismo ni Arsobispo Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan sa Pangasinan noong Dis. 3, 2023, ang salitang “Misa de Gallo” ay nangangahulugang “Mass of the Rooster” o Misa ng Tandang, dahil sa kaugaliang isinasagawa ang misa tuwing madaling araw—pagtilaok ng tandang na nagsisilbing hudyat ng bagong araw. Inangkop ito ng mga Pilipino bilang bahagi ng ating kultura, isinama natin ang mga natatanging kaugalian tulad ng bayanihan at pagdiriwang.
Ang mga simbahan sa Pangasinan ay kilala hindi lamang bilang mga sentro ng pananampalataya kundi bilang mga tagapagtaguyod ng lokal na kultura at tradisyon.
Itinayo noong dekada 1590, ang St. John the Evangelist Cathedral ay kilala dahil sa arkitektura na maihahalintulad sa Baroque, pati na sa makukulay na bintana na nagsisilbing saksi sa maraming nagdaan at mahahalagang pangyayari sa pook. Pinagtitibay rin nito ang pagiging simbolo ng katatagan at pagkakaisa ng komunidad.
Sa kabilang banda, ang Saints Peter and Paul Church ay isa sa mga pinakamalalaking simbahan sa Pangasinan. Ito ay itinalaga ring bilang National Cultural Treasure dahil sa kahalagahan nito sa kasaysayan at kultura ng bansa. Pangalawa sa pinakaunang naitayong simbahan sa Pangasinan, itinayo ang Saints Peter and Paul Church noong Ika-17 at ika-19 na siglo. Matatagpuan rin dito ang mga orihinal na retablo o debosyonal na pinta.
Noong 1956, itinayo ang isang Filipino-Chinese church na St. Therese of the Child Jesus Parish–kasabay ang Divine World Academy of Dagupan na kilala noon bilang St. Therese Chinese Academy. Ang simbahang ito ay pinamumunuan ng mga pari ng Society of the Divine World (SVD) na may layuning paglingkuran ang mga Filipino-Chinese na Katoliko na naninirahan sa lungsod ng Dagupan.
Isa rin sa mga pinakadinarayong simbahan, ang Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag—o mas kilala bilang Manaoag Church. Itinayo noong 1600s, ang basilika ay tanyag dahil sa imahen ng Mahal na Ina ng Manaoag na pinaniniwalaang nagdudulot ng maraming milagro, kabilang ang pagpapagaling ng mga may sakit at pagtulong sa mga nasa kagipitan.
Ang pagtupad sa mga kahilingan ay naiaayon sa Birhen ng Manaoag o kilala rin bilang "The Lady who Calls." Ang simbahan ay napapaligiran ng mga gusaling tumutugon sa pangangailangan ng mga deboto, kabilang na ang isang museo, galeriya ng kandila, sentro para sa mga pilgrim, at isang hardin ng rosaryo.
Pagdiriwang ng Misa de Gallo sa Pangasinan
Ang bawat simbahan ay may kaniya-kaniyang pagkakakilanlan at paraan ng pagdiriwang ng Misa De Gallo, lalo na sa paparating na Pasko. Ito ay ang pagsasagawa ng nobena sa loob ng siyam na araw bago dumating si Hesus.
Maituturing itong pinakamasayang kaganapan ayon sa panayam ng The Benildean kay Benita Finuliar, isang tindera sa Manaoag Church mula pa noong 1983. Aniya, marami mga nagbabahagi o namimigay ng maagang pamasko kasabay ng pagdiriwang ng Misa de Gallo sa Manaoag Church.
Sa Saints Peter and Paul Parish Church, bago pa man dumating ang alas kwatro ng madaling araw, maririnig na ang pagtunog ng kampana kasabay ng masiglang tunog ng tambol na nag-aanyaya sa mga taong pumunta na ng simbahan.
Ipinahayag ni Arnold Tontawe, isang sakristan mayor sa Saints Peter and Paul Parish Church, na ang paghahanda sa Misa de Gallo ay hindi lamang limitado sa simbahan kundi lumalaganap din ang diwa nito sa buong komunidad. Kitang kita ang pagkakaisa ng komunidad sa pamamagitan ng kusang-loob na pagbibigay ng donasyon para sa simbahan.
“Kasi patakaran ni Bishop Soc (Arsobispo Villegas) din na kahit walang kita ang simbahan, (kahit) konti lang ganyan, dapat pasayahin niyo ang mga nagsisimba,” wika ni Tontawe.
Maliban sa arroz caldo, sopas, lugaw, minsa’y ibinabahagi rin nila sa mga nagsisimba ang kanilang produkto—ang Puto Calasiao. “Pagdating ng ganyan na okasyon, may umiikot na ministry, iba’t ibang coordinator at sinasabi sa mga may kaya na “ikaw 16 na ganto sa’yo, (kung) sponsor ka, sa’yo (nakatoka) ang arroz caldo.” Nagkakaisa talaga,” dagdag pa niya.
Isa ring natatanging tradisyon, ayon kay Rev. Fr. Conradus Haribaik, SVD ng St. Therese of the Child Jesus Parish, ang paglalaan ng 50% ng koleksyon mula sa mga sponsor tuwing unang araw ng Misa de Gallo. Ito ay itinuturing nilang araw para sa mga kabataan kaya naman itinatabi nila ang nalikom dito na ibinibigay sa mga piling kabataan sa Maynila.
Dagdag pa rito, kabilang sa gawain ng mga simbahang Saints Peter and Paul Parish Church at St. Therese of the Child Jesus Parish ay ang pagsasalo-salo pagkatapos ng misa at ang pagkakaroon ng mga handog na pagkain mula sa mga miyembro ng komunidad.
Kahalagahan ng Misa de Gallo
Hindi lamang isang relihiyosong obligasyon ang pagdalo sa Misa de Gallo, kundi ito’y isang mas malalim na paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa mga pamilya.
Pahayag ni Josefina Verania, isang sakristan ng St. Therese of the Child Jesus Parish sa panayam niya sa The Benildean, ang Misa de Gallo ay hindi lamang isang relihiyosong aktibidad kundi isang paalala sa mga tao na muling mapalapit kay Hesus at itaguyod ang kanilang pananampalataya. Ang muling pagdating ni Hesus ay nagsisilbi rin isang paalala para sa mga nawawalan na ng pananampalataya o kaya'y naiiba na ang landas.
Ayon naman kay Loreto Galvan, isang Mother Butler sa St. John, ang Misa de Gallo ay pagbibigay respeto sa kapanganakan ni Hesus. “He came to save us. That is the calling because He will not be born again. We have to recall going back and giving respect for His birth,” wika niya.
Marami sa mga Pangasinense ang may malalim na ugnayan sa kanilang mga tradisyon. At isa sa kanilang pinakahinihiling ay nakatuon para sa pagbabago at kapayapaan ng komunidad, lalo na sa panahon ngayon kung saan maraming pagsubok ang kinakaharap ng ating bansa.
Sa kabila ng mga pagkakahalintulad ng mga tradisyon ng Misa de Gallo sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas, ang tradisyong ito ay natatangi dahil sa malinaw nitong mensahe ng pag-asa, pananampalataya, at bayanihan. Isinasabuhay ang kaugalian at tradisyon ng mga Pilipino na nagpapakita ng pagkakaisa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng oras, pati na rin ng kanilang yaman—maliit man o malaki—upang makatulong sa mga mas nangangailangan.
Habang nalalapit na ang Pasko, magsilbing paalala nawa sa atin na ang simpleng kabutihan, pagbabahagi, at pagkakaisa ay siyang diwa ng kapanganakan ni Hesukristo.
Sa kabila ng mga pagsubok sa kasalukuyang panahon, tulad na lamang ng mga Pangasinense, magsilbi sanang paalala ang mga parol at mga bituin na mayroong liwanag na darating—isang liwanag na nagbibigay-buhay sa ating pananampalataya at pag-asa.