Sa bawat kumpas ng pintang dumadampi sa canvas, sa bawat himig na bumabalot sa hangin, at sa bawat galaw na nagpapahayag ng kwento, naroon ang diwa at damdamin ng isang bansang mayaman sa sining. Noong Pebrero 2025, ating ipinagdiwang ang Pambansang Buwan ng Sining na may temang “Ani ng Sining: Diwa at Damdamin” —isang paalala na ang sining ay buhay ng ekspresyon ng ating pagkatao, kultura, at kasaysayan.
Ang sining ay salamin ng ating pagkatao bilang mga Pilipino. Sa ating pagninilay kung paano lumalago ang sining sa Pilipinas, hindi maaaring ihiwalay ang sining sa mga taong lumikha nito. Mula sa tradisyunal na habi ng ating mga ninuno hanggang sa makabagong sining na sumasalamin sa ating kasalukuyang lipunan, ang bawat likha ay may kwentong nais iparating.
Nagsagawa ng mga panayam ang The Benildean upang higit na maunawaan ang mga kwento ng ilan sa mga Benildyanong alagad ng sining—ang kanilang proseso ng paglikha, inspirasyon, at pananaw sa kahalagahan ng sining sa lipunan. Sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, masisilayan natin ang lalim ng sining bilang isang daan ng pagpapahayag at pagkakakilanlan.
Printmaking, mga hinulmang kwento ng kultura
Si Benjamin Torrado Cabrera ay isang propesor sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), printmaker, at engraver. Para sa kanya, ang sining ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan at hinaharap ng bansa. Naniniwala siya na, “walang limitasyon habang may imahinasyon ka.”
Higit pa sa personal na paglikha, itinuturing ni Cabrera na mahalagang maipasa ang kaalaman sa mas nakararami. Aktibo siyang nagtuturo ng printmaking sa pamamagitan ng edukasyon at mga workshop. Isang hakbang ito upang patunayang ang sining ay hindi lamang para sa iilan kundi isang yamang dapat tangkilikin ng lahat.
Isa pang tagapagtaguyod ng sining si Carlito Camahalan Amalla na katutubong iskultor, pintor, musikero, mananaliksik, at guro sa DLS-CSB.
Malalim ang kanyang koneksyon sa kulturang katutubo, na makikita sa kanyang adbokasiya sa sining, panitikan, at kalikasan. “Ako ay isang katutubo, inabot din ang advocacy ko dito, ‘yung Agusan Manobo traditional dress kung saan makikita natin ang mga ekspresyon, estetik, at the same time, mga accessories mula ulo hanggang talampakan ng mga Katutubong Manobo sa Mindanao.”
Para kay Amalla, ang tradisyunal na kasuotan ay higit pa sa isang bihis—ito ay isang tagapag-ingat ng kasaysayan, paniniwala, at identidad ng kanyang mga ninuno.
Naniniwala rin siyang may malalim na ugnayan ang sining sa kultura at nasyon. “Ang diwa ng isang bansa ay dapat ipakita—music is dance seen, while dance is music heard. Ang art, hindi lang to entertain, kundi nagpapa-educate at for awareness para makatulong ito in a small way sa contribution ng ating nationbuilding.”
Teatro, ang buhay sa entablado
Sa mundo ng teatro, ibinahagi ng aktres at estudyante ng Multimedia Arts na si Julia Joan Chua ang kanyang pananaw sa sining ng pag-arte. Para sa kanya, ang isang aktor ay may responsibilidad na hindi lamang ipahayag ang sarili kundi bigyang-buhay ang karakter na kanilang ginagampanan. “Sa pag-arte, mayroong parameters. [Ang] pag self-express, nababahagi namin ‘yun sa pagbibigay ng nuances sa character.”
Sa bawat entablado, sa bawat pelikula o palabas sa telebisyon, ang isang aktor ay nagsisilbing tagapagdala ng kwento. Ika niya, “Sa pag-arte rin, ang dami mong matututuhan na ‘di mo ma-eexperience bilang ikaw, pero sa pagganap mo sa karakter na iyon, doon mo lang maiisip.” Ang kanilang pagganap ay hindi lamang isang sining kundi isang tulay na nag-uugnay sa manonood at sa mas malalim na katotohanang nais ipahatid ng isang dula o pelikula.
Pagpipinta, pagtuklas sa sarili at sa lipunan
Si Jadon Kilayko, isang mag-aaral ng Industrial Design at pintor na nagsimula noong pandemya, ay lumilikha ng mga obra na nagpapakita ng ugnayan sa kanyang mga gawa na umiikot sa dalawang ideya: “What I see” at “what I feel.” Ang kanyang mga likha ay naglalaro sa pagitan ng pop-surrealism at abstraction, isang pagsasalamin ng kanyang natatanging pananaw.
Ngunit higit sa kanyang personal na ekspresyon, naniniwala siya sa kahalagahan ng komunidad sa sining. “I think important kasi ‘yung aspect ng community sa art. That’s what really pushed me to continue to do art, ‘yung sense of community, ‘yung culture, and the places where we’re from.” Para kay Kilayko, ang sining ay hindi lamang isang indibidwal na gawain kundi isang ugnayan.
Musika, tunog ng tradisyon at panahon
Samantala, para kay Gabrielle Galapia, na mag-aaral din ng Multimedia Arts, ang National Arts Month ay isang mahalagang selebrasyon dahil sa pagbibigay nito ng pansin sa sining at sa mga hamong hinaharap ng mga artista.
“Throughout the entire year, na-appreciate naman ang arts…it’s also to highlight whatever struggles artists went through in order to get to where we are today,” aniya.
Ipinunto rin niya na, “art is a reflection of what we’re going through as a nation, as a society, as a collective.” Isa sa kanyang napansin ay ang pagbabago ng mga awitin sa paglipas ng mga dekada—kung paano mas laganap noon ang mga kantang tungkol sa panliligaw kumpara ngayon. Isang patunay ito na ang sining, kabilang ang musika, ay hindi hiwalay sa realidad ng lipunan kundi isang repleksyon ng ating kasalukuyang kalagayan.
Pagpapahalaga sa sining
Para sa mga manlilikhang nakapanayam, ang sining ay higit pa sa personal na ekspresyon—ito ay isang kolektibong pagkilos. Isang daan upang mapalawak ang kamalayan, maitaguyod ang kultura, at makapag-ambag sa pag-unlad ng bansa.
Sa bawat obra, himig, galaw, at anyo, isinasalin natin ang diwa at damdamin ng sariling atin—patunay na habang may lumilikha, patuloy na titibok ang puso ng sining para sa bayan.