Art By Sofia Go
Art By Sofia Go.

Sariwang katotohanan ng karagatan na hatid ng “Food Delivery”


Na-“deliver” nga ba ng Food Delivery ang mensaheng dapat marinig ng bawat Pilipino tungkol sa karagatang atin?


By Sofia Agudo | Wednesday, 20 August 2025

Sa kauna-unahang pagkakataon, pinalabas sa publiko ang dokumentaryong Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea ni Baby Ruth Villarama sa isang espesyal na screening noong Hulyo 27 sa Rockwell Cinema. Orihinal na nakatakdang ipalabas ang Food Delivery noong Marso 2025 bilang bahagi ng CinePanalo Film Festival ng Puregold ngunit naantala ang screening nito dahil sa mga pagbabanta ng Tsina na i-censor ang dokumentaryo sapagkat nilalantad dito ang kanilang mga agresibong gawain sa pag-aangkin ng West Philippine Sea (WPS). 

 

Sa kabila ng mga hamon, itinanghal ang Food Delivery sa pandaigdigang entablado noong 2025 Doc Edge Festival sa New Zealand at nanalo ng Best Festival Category Tides of Change Award.

 

Noong 2016, pinaboran ng Permanenteng Hukuman ng Arbitrasyon ang Pilipinas laban sa inaangking mga karapatang pangkasaysayan ng Tsina sa WPS, at idineklarang wala itong legal na basehan. Subalit tumanggi ang Tsina na kilalanin ang desisyon kahit na nilagdaan nito ang United Nations Convention on the Law of the Sea. Patuloy ang mga tensyon na namamagitan sa dalawang bansa dahil sa nagaganap na agawan ng teritoryo at kapangyarihan sa karagatan na halos inaangkin ng Tsina alinsunod sa kanilang pambansang interes at layuning imperyalista. Patuloy ang paggamit ng Tsina ng agresibong aksyon gaya ng mga water cannon at pagbunggo sa mga barko ng Pilipinas upang hadlangan ang mga Rotation and Resupply (RORE) Missions ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang hanapbuhay ng mga mangingisda.

 

Kasabay ng paggunita sa ika-siyam na anibersaryo ng 2016 Arbitral Award, nananatiling napapanahon ang pagpapalabas ng Food Delivery bilang pagpupugay sa mga coast guard, navy, at mangingisdang Pilipino na nasa unahan ng laban para sa WPS.

 

Bakit “Food Delivery”?

Sa isang panayam kasama ng The Benildean, pinili ni Villarama ang pamagat na “Food Delivery” dahil pamilyar ang konsepto nito sa karamihan. Aniya, “We tap an app, and food arrives. But the truth is, the real food delivery system starts way before that… with our fishermen risking their lives out at sea.”  Ayon sa kanya, ang pamagat ay paalala na ang bawat pagkain ay may kwentong pinagmulan—at minsan ay may kasamang panganib, tapang, at tahimik na pagtutol sa iba’t ibang pwersa.

 

“It began with a simple, disturbing thought: ‘What if one day, there’s no more seafood on our tables because we lost our seas?’” ibinahagi ni Villarama nang tanungin kung saan nagsimula ang ideya para sa Food Delivery. Lagi siyang nakakakita ng mga ulat ukol sa pagpapaalis ng mga barko ng Tsina sa mga mangingisda, sundalo, at mamamahayag hanggang sa hindi na niya ito kayang balewalain. 

 

Nagkaroon ng mga karagdagang block screening ang Food Delivery noong Agosto 1 hanggang 8 sa Rockwell Cinemas. Gayunpaman, kasalukuyang tinutukoy ng mga prodyuser ang pagkakaroon ng screening sa mga campus, kabilang ang isa sa De La Salle–College of Saint Benilde. Ang layunin ay maabot ang hindi bababa sa 200 screening sa buong bansa simula Setyembre at magpapatuloy hanggang sa susunod na taon.

 

Kaugnay ng layuning maabot ng Food Delivery ang mga kabataang Pilipino sa mga paaralan, nag-iwan si Villarama ng isang mensahe para sa mga Benildyano: “You are not too young to make a dent in history. This sea belongs to your future. Don’t let anyone take it away without you even knowing. Stay curious. Stay kind. And keep telling stories, especially the ones that scare you, because they’re probably the ones that matter.”

 

Katotohanan mula sa dalampasigan

Gumagamit ang dokumentaryo ng totoong footage ng panliligalig ng mga sasakyang pandagat ng Tsina upang bigyang-diin na ang mga insidenteng ito ay totoong nangyayari. Itinatampok din nito ang pang-araw-araw na gawain ng ating mga kapwa Pilipino: mga eksenang hindi karaniwang nakikita ng publiko ngunit matagumpay na nakuha at ipinakita ng Food Delivery kung ano ang buhay para sa kanila.

 

Sa kabila ng pagtatangka ng Tsina sa pag-censor ng dokumentaryo, nakaharap din ng production team ang iba pang hamon sa paglikha nito tulad ng biglaang bagyo, sirang makina habang nasa gitna ng laot, at mga sandaling kinailangang patayin ang kamera para sa seguridad dahil may drone na nagbabantay sa kanila.

 

Gayunpaman, ang mga natural at nakaka-engganyong biswal at tunog ay higit na lumilikha ng pakiramdam na naroon ang manonood sa mga eksena. “Food Delivery was made to be experienced in a cinema. It’s the first Filipino documentary processed in Dolby Vision and mixed in Dolby Atmos, so when you watch it, you don’t just see the West Philippine Sea. You feel it,” paliwanag ni Villarama.

Kaibigan at kabayan

Ang usapin tungkol sa WPS ay kadalasang nakasentro sa mga diplomatikong negosasyon sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at mga dayuhang partido. Ngunit ang patuloy na pagsisikap ng Philippine Coast Guard (PCG), navy, at mga lokal na mangingisda sa pangangalaga sa pambansang teritoryo at soberanya ay hindi gaanong natatanggap ng pansin. 

 

Pinapakita sa Food Delivery kung paano binabaybay ng mga marino ang alon upang maghatid ng pagkain sa mga kapwa Pilipino sa pamamagitan ng RORE Missions, habang sinisilip din ang araw-araw na kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino at gawain ng coast guard sa pagprotekta ng mga karapatan ng Pilipinas. 

 

Nilalarawan sila higit pa sa kanilang mga trabaho bilang mga taong may sari-sariling kwento, damdamin, at personal na dahilan para sa kanilang ipinaglalaban. Isang nakaaantig na eksena sa dulo ang pagtutulungan ng coast guard at mangingisda sa paghahanap sa mga nawawalang mangingisda, kung saan binigyan sila ng coast guard ng pagkain bilang pamasko. Binibigyang-diin sa sandaling ito na ang mga Pilipino, anuman ang kabuhayan, ay nagkakaisa sa laban na ito. 

 

Hindi pa tapos ang laban

Bagama't masasabi na ang Food Delivery ay hindi isang materyal na magagamit upang pag-aralan nang mas malalim ang isyu ng WPS, nagbibigay pa rin ito ng mas malalim na pananaw sa buhay, pagsisikap, at pang-araw-araw na karanasan ng PCG at mga mangingisdang humaharap sa mga banta sa karagatan. Isa itong dokumentaryo na magpapaisip sa mga manonood na “May nangyayari palang ganito?” pagkatapos nito panoorin. 

 

Sa huling bahagi lamang pinakita ang mga karagdagang paliwanag tungkol sa isyu ng WPS, kaya maaaring mahirap maunawaan ang konteksto nito kung ang manonood ay walang paunang kaalaman sa usapin. Subalit nagawa nitong palawakin ang kamalayan ng manonood tungkol sa kung ano ang aktwal na nangyayari sa mga lugar na malapit sa dagat at ang mga pagsisikap ng mga Pilipino na kontrahin ang mga agresibong aktibidad ng Tsina. 

 

Sa kabila ng magkaibang katangian ng kanilang hanapbuhay, pareho silang nakikibahagi sa marangal na gawain. Sila’y patunay na ang mga Pilipino ay hindi magpapasisiil at patuloy na titindig para sa kalayaan sa paglalayag, soberanya, at integridad ng teritoryo ayon sa internasyonal na batas. “Wag tayo matakot,” paulit-ulit na wika ng mga mangingisda—isang linyang nagsisilbing paninindigan at panawagan para sa lahat ng Pilipino.

 

Tulad lamang ng winika sa huling bahagi ng dokumentaryo, “The threats still remain, but so does the Filipino will to resist.”

 

Kasalukuyang pinapalabas sa buong bansa ang Food Delivery sa Ayala Malls Cinemas simula Agosto 13. Maaaring makakuha ng ticket para sa mga screening ng Food Delivery sa SureSeats.