Inilatag Ni Keith Espina
Inilatag Ni Keith Espina.

Balikan, tuklasin, at isabuhay ang kabataan sa “Batang Rizal“


Sa pagbubukas ng buwan ng Oktubre, muling sisigla ang entablado ng Black Box Theater sa pagtatanghal ng Batang Rizal: Isang Musikal, handog ng Dulaang Filipino. Gaganapin ito mula Oktubre 1 hanggang 7 sa ika-6 na palapag, Design + Arts Campus ng Benilde.


By Rae Salonga | Tuesday, 30 September 2025

Kadalasan nating nakikita si Jose Rizal bilang imahe sa barya, estatwa sa plaza, o pahina ng aklat pangkasaysayan. Paano ba nahuhubog ang isang bayani? Bago maging pambansang simbolo si Jose Rizal sa mata ng Pilipino, siya’y minsan naging isang batang may katanungan, takot, at pangarap, hindi nalalayo sa atin.

 

Mula Oktubre 1 hanggang 7, sa Black Box Theater ng Design + Arts Campus ng De La Salle-College of Saint Benilde, haharapin ng manonood ang kakaibang paglalakbay kasama si Pepito, isang batang bida na susuong sa isang time-travel adventure pabalik sa kabataan ni Rizal. 

 

Sa pagdanas ng makukulay na alaala at pagsilip sa murang isipan ng bayani, dito sa entablado, muling isinasalaysay kung paano nahulma ang kanyang isip, damdamin, at paninindigan, at kung paano rin natin, bilang kabataan ngayon, maaaring tukuyin ang sarili nating anyo ng kabayanihan.


Pagbabalik at pagninilay sa kabataan ng bayani 

Hango sa akda ni Christine Bellen at binigyan ng sariwang musikal na anyo ng piling mga kompositor at alagad ng sining, ang dula ay isang pagsasanib ng kasaysayan at kontemporaryong sensibilidad. Sa pagsasanib ng musika, sayaw, at malikhaing direksyon, muling isasabuhay ang kwento ng isang batang Rizal na puno ng pangarap at katanungan, kasabay ng pagbubukas ng diskusyon hinggil sa kasaysayan, identidad, at nasyon. 

 

Higit pa rito, tinutuhog ng pagtatanghal ang kasalukuyan at mga tanong na nananatiling sigaw ng kabataan hanggang sa ngayon. Ang entablado ay muling magiging salamin ng mga pangarap at pangamba ng kabataan noon, at ng mga laban at posibilidad ng kabataan ngayon.

Dito ay mabibigyang-diin ng produksyon ang papel ng kabataan bilang tinig at pwersa ng pagbabago.

Magsisimula ang palabas sa Oktubre 1, 6:30 p.m., kasunod ang mga pagtatanghal sa Oktubre 2 hangang 3 at 6 na parehong gaganapin ng 2 p.m. at 6:30 p.m.. Para naman sa mga gala shows, ito’y matatanaw sa Oktubre 4, 1:30 p.m. at sa huling gabi ng pagtatanghal sa Oktubre 7, 6:30 p.m..


Para sa karagdagang detalye, maaaring bisitahin ang  Facebook at Instagram page ng Dulaang Filipino.