Ang Dulaang Filipino, bilang organisasyon ng teatro ng De La Salle-College of Saint Benilde, ay muling nagpamalas ng masigabong produksyon na ipapalabas mula Oktubre 1 hanggang 7 sa ika-6 na palapag ng Black Box Theater ng Design + Arts Campus.
Batay sa akda ni Christine Bellen, muling isinilang sa entablado ang kwento nina Pepito at Pepe sa isang paglalakbay na nagsimula sa pagkabasag ng ulo ng bantayog ng Batang Rizal sa loob ng masikip na silid-aralan.
Mula sa aksidenteng ito, nagbukas ang masalimuot na usapan hinggil sa alaala, identidad, at paulit-ulit na pagharap ng kabataan sa bigat ng kasaysayan.
Ang mga alaala ay nagsisilbing mitsa sa musikal na ito na naglalahad ng kwentong nakakatawa at nakakaantig, ngunit nagsusuri rin nang malalim sa kalagayan ng lipunang ating ginagalawan.
Bantayog
Isang mayor ang naging pamilyar sa mamamayang Pilipino sa kwentong ito: imbis na para sa aklat o silid-aralan na hinahangad ng mga estudyante ay naglaan siya ng ₱500,000 para sa isang bantayog. Naging puhunan ang estatwa para sa pagbili ng boto, at nang hindi maibalik ang donasyong ito, nagbanta siyang ipasara ang Rizal Elementary School.
Sa kabanata 24 ng Noli Me Tangere na isinulat ni Jose Rizal, si Ibarra ay determinadong magtatag ng paaralan, na naging isang proyektong ugat sa paniniwala na ang edukasyon ang susi sa paglaya. Ngunit, sinabotahe ang adhikaing iyon ng mga prayle at lokal na pamahalaan, na nangangambang mabuwag sa kanilang pwesto at mawalan sila ng kapangyarihan.
Samantala, sa Batang Rizal, kabaligtaran ang ipinakita: walang pagtutol sa pagtatayo ng estatwa, kahit wala itong saysay sa kabataan. Kung hadlang ang mga makapangyarihan noong panahon ni Rizal sa paaralan, ngayon madalas nagiging kasangkapan ng pulitika ang alaala ng mga bayani. Nakatindig ngunit hungkag, imbes na magsilbing gabay tungo sa tunay na kaunlaran.
Banta
Mula sa basag na ulo ng estatwa, nagsimula ang kakaibang biyahe ni Pepito na bumalik sa panahon ni Rizal. Sa pagtatagpo nila ni Pepe, ipinakisuyo sa kaniya ang pag-aayos ng nabaling bahagi ng bantayog. Sa pagtatagpong ito ay nagsimula ang kanilang kakaibang paglalakbay sa magkabilang kapanahunan.
Hindi rin ikinukubli ng dula ang iba pang suliranin ng Pilipinas. Sa pagitan ng pagkanta at pagbibiro, bigla itong lumihis tungo sa mas malalim na usapin. Noong panahon ni Rizal, ipinagbabawal ang pagsasalita ng sariling wika; sa kasalukuyan, bagamat hindi na ipinagbabawal ang Tagalog, hindi pa rin ito sapat upang makapasok sa trabaho kung walang kasanayan o hindi marunong mag-ingles. Kung sa paaralan ay maaaring makakuha ng perpektong marka, sa isang job interview, madalas ay isang magalang na “thank you” lamang ang naiuuwing kapalit.
Batang Rizal
Bilang isang pagtatanghal, ang Batang Rizal ay matagumpay na naitawid ang ugnayan ng aliw at panlipunang pagsusuri. Sa pagtahak ng dalawang bata sa magkaibang panahon, bumungad ang mas mabigat na tanong: kung paulit-ulit lamang na nalulugmok ang bayan sa parehong pagkakamali, ano pa ang saysay ng pag-aalay ng buhay? Ang krisis ni Rizal ay umalingawngaw sa banggaan ng dalawang panahon na parehong binabagabag ng maling prayoridad ng lipunan.
Sa ganitong paraan, naging tagpuan ang Batang Rizal ng dalawang panahon. Ang kahapon ni Pepe at ang kasalukuyan ni Pepito ay nagpakita na hindi pa tuluyang naghihilom ang mga sugat ng lipunan. Gayundin, pinapaalala sa masa ng dulang ito na hindi pa tuluyang naghihilom ang mga sugat ng lipunan.
At marahil ito ang pinakamalaking aral ng dula. Ang kabataan, gaya nina Pepito at Pepe, ang nagpapaalala na nagiging hungkag ang anumang bantayog kung hindi ito sinasabayan ng paghubog ng isip at kaisipan.