Kuha Ni John Cadungog
Kuha Ni John Cadungog.

Sa indak ng mga kultura: Chinese New Year sa Pilipinas


Mula sa mahabang kasaysayan ng ugnayan ng Tsino at Filipino, ang Chinese New Year ay naging makulay na pagdiriwang ng kultura at pagkakaisa na naging tulay sa pagkakaroon ng inklusibong komunidad.


By Rae Salonga, and Kate Solinap | Thursday, 19 February 2026

Ang Chinese New Year sa Pilipinas ay puno ng kasaysayan at pagkakaisang hinubog ng iba’t ibang tradisyon.

 

Upang salubungin ang Chinese New Year, ang mga kalsada ng ating bansa ay napupuno ng mga makukulay na dekorasyon at ang mga tao ay nagsasalu-salo para sa lion dance at masasarap na pagkain. Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang nakasentro sa mga ritwal at simbolo ng swerte—umuugat pa ito mula noong ika-9 na siglo sa pamamagitan ng kalakalan at palitan ng kultura ng mga Tsino at Pilipino.

 

Selebrasyon ng mga Filipino-Chinese vs. mga Pilipino

Iisa man ang diwa ng selebrasyon ng Fiestang Tsinoy, may kaniya-kaniya pa ring paraan ang mga Filipino-Chinese at iba pang Pilipino para ipagdiwang ito.

 

Ayon sa panayam kay Niqi Liu Santos, isang Filipino-Chinese, unang-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng kursong Multimedia Arts sa De La Salle-College of Saint Benilde, sinisimulan nila ang selebrasyon sa isang family reunion. 

“We reunite with our family, have a New Year’s Eve dinner, make dumplings, and watch the Spring Festival Gala together.” Isa sa mga pinakainaabangan nila ay ang paggawa ng dumplings, kung saan minsan ay naglalagay sila ng barya sa loob ng isa, at kung sino ang makakakuha noon ay magkakaroon ng swerte sa bagong taon.

 

Batay sa isang panayam kay Justin Timothy Choi, isang estudyanteng kumukuha ng kursong Management Engineering sa Ateneo De Manila University, ang pagdiriwang ng Chinese New Year ay umiikot sa pagpapahalaga sa pamilya. Wika niya, “We often talk about Chinese New Year as the start of good luck for our family, that new opportunities will come.”

 

Bagaman napapansin niyang sa modernong panahon, “Some families do not celebrate it anymore despite doing so previously,” nananatili ang kaniyang paninindigan sa pagpapatuloy ng kultura sa pamamagitan ng “Celebrating it with other people, especially other Fil-Chi families.”

 

Nitong Pebrero 17, 2026, sa gitna ng makulay na pagdiriwang ng Chinese New Year, nakapanayam ng The Benildean ay si Tin-Tin, isang Pilipinong tindera na kasalukuyang naglalako sa gitna ng dagsa ng tao sa Ongpin. Para kay Tin-Tin, ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa okasyong ito ay bunga ng malalalim na kasaysayan, “Actually, malalim ang dahilan sa ganiyang situation kasi colonized tayo ng China, before pa. I think minana ng [mga] Pilipino ‘yung mga ganoong tradisyon nila kasi naging part sila ng history natin.” 

 

Sa paningin naman ni Amelia Lim, isang Filipino-Chinese na aktibong nakikilahok sa mga ritwal at tradisyon ng Chinese New Year, “Kapag sa Chinese New Year kasi, kailangan dumadalo ka sa mga celebration ng mga Chinese, lalo na ‘yung mga Dragon Dance, pagsisindi ng insenso, then magdadasal ka, at manghihingi ka ng blessings.” 

 

Naniniwala naman si Egay Aguilar, isang photographer na kumukuha ng mga litrato habang nagdiriwang na “Part na ito ng kultura natin. Kasi ang Binondo actually is the oldest Chinatown in the world—at least ‘yan ang claim natin.” Ang katibayan nito ay makikita sa dami ng mga taong dumadayo sa lugar, “Maski hindi Chinese, basta New Year, nandito sila to celebrate. Parang naa-adopt na rin natin ‘yung traits ng Chinese. [Tulad] niyan, sumusuot tayo ng pula para maswerte.”

 

Ayon din kay Jimmiah Borja, isang Pilipinong naki-bahagi sa selebrasyon ng Chinese New Year, ang bawat selebrasyon ng Chinese New Year ay isang pagdiriwang ng pagkakaisa sa pagitan ng dalawang lahi. “Siguro para sa akin, ‘yung Chinese New Year parang friendship ng mga Chinese at Filipino.” Ayon sa kaniya, “Naging culture na rin natin ‘tong Pilipino kasi parang nakasanayan na natin ma-celebrate din ‘yong Chinese New Year kahit hindi naman tayo Chinese.” 

 

Para naman kay Kenneth Rosario, isang tindero ng tikoy sa gitna ng mga pagdiriwang, “‘Yung tradisyon ng Chinese, nagkaroon na sila ng community dito, so part na tayo ng tradisyon nila,” wika niya. Dagdag pa niya, “Bawat grupo or bawat kultura [ay] may kaniya-kaniyang tradisyon... So tayo, bilang Pilipino–isang komunidad–nakikiisa, nakikisama tayo doon sa tradisyon ng mga Chinese.”

 

Fiesta Tsinoy bilang tulay ng dalawang kultura

Isa sa mga tradisyon na itinuturing nilang pinaka-mahalaga sa selebrasyon ay ang pagbibigay ng pulang sobre, at panonood ng dragon at lion dances sa mga selebrasyon sa komunidad. Para sa mga Filipino-Chinese tulad niya, ang Chinese New Year ay paalala ng kanilang pinagmulan at paraan upang manatiling konektado sa kanilang Chinese heritage. Sa paglipas ng panahon, mas naging moderno man ang paraan ng pagdiriwang, nananatili pa rin ang diwa ng pamilya at tradisyon.

 

Sa bawat kanto at eskinita ng bansa, mapapansin ang mabilis na paglaganap ng kulay pula at tunog ng mga tambol tuwing sasapit ang Chinese New Year. Ang mga Pilipinong walang direktang dugong Tsino ay sadyang masigasig sa pagkakaisa, dala na rin ng likas na hilig ng bansa sa mga pagtitipon at selebrasyon. Makikita ang mahabang pila sa mga tindahan ng mga lucky charm sa Quiapo o Binondo, kung saan ang bawat isa ay abala sa pagpili ng mga pampaswerteng pulseras o pigurin. 

 

Hindi rin kumpleto ang pagdiriwang kung walang tikoy sa gitna ng hapag-kainan. Ang malagkit na kakaning ito, na hiram mula sa tradisyong Tsino, ay naging simbolo na rin ng pagkakaisa ng pamilyang Pilipino. Sa gitna ng siksikan at init, nananatiling nakatingala ang mga tao sa mga lion at dragon dance, humahanga sa sining at lakas ng mga pagtatanghal.


Ang ipinagdiriwang sa Chinese New Year ay hindi lamang paniniwala at mga ritwal, kundi ang patuloy na pagbuo ng isang inklusibong lipunang Pilipino. Sinusuportahan ng mga Pilipino ang selebrasyong ito dahil ito ay nagtataguyod ng kultural na pag-unawa at nagpapalakas ng mga relasyon sa komunidad. Ang Chinese New Year ay sumasagisag sa bagong simula, pagkakaisa ng pamilya, at pag-asa sa suwerte at masaganang taon–isang diwang hindi lamang para sa Filipino-Chinese kundi para sa lahat.