Inilatag Ni Maia Martin
Inilatag Ni Maia Martin.

Paraisong Parisukat: No return, no exchange sa selyo ng pagkapiit


Sa muling pagsasabuhay ng Benilde Theater Company sa klasikong dula, hihimayin kung ang medalya ba ay isang parangal o palamuti sa isang buhay na nakapaloob sa tila dekahong reyalidad. #ParaisongParisukat


By Rae Salonga, and Kate Solinap | Friday, 27 March 2026

Sa isang entabladong nagsisilbing sisidlan ng mga damdaming kinikimkim at mga hinanakit na nanatiling hinanakit lamang, muling binuhay ng Benilde Theater Company ang “Paraisong Parisukat,” isang dulang isinulat ng mandudula na si Orlando Nadres na itinanghal mula Marso 18 hanggang 21, sa ika-6 na palapag ng Black Box Theater ng Design + Arts Campus.

 

Sa lugar na tila maginhawa at pamilyar, ipinakita sa dula sa direksyon ng propesor na sii Anthony Peñaranda kung paano ito maaaring maging isang mapanlinlang na ilusyon. Ito ay itinakda sa loob ng isang tindahan ng sapatos—Mirashoesna nagsisilbing “parisukat na kahon,” kung saan ang rutina at mga munting aliw ay bumubuo ng huwad na paraiso.

 

Sa simula pa lamang ng dula, agad na itinatag ang mundong ginagalawan ng mga tauhan sa isang sistemang umiikot sa utos at sapilitang pagsunod. Ang maliit at siksik na bodega ay binalot ng tila dilaw na mga ilaw upang magmukhang komportable, isang paraan upang ipakita kung paano nagiging ilusyon sa mga manggagawa sa kanilang sariling pagkakakulong.

 

Ang mga manggagawa ng Mirashoes ay kumikilos na tila makinang bahagi mismo ng estruktura ng tindahan. Sa talumpati ng may-ari, binibigyang-diin and ‘pagpapakasakit’ at ang konsepto ng tindahan bilang isang ‘pamilya.’ Tila ito ay nagiging isang mapanirang mekanismo kung saan ginagawang katanggap-tanggap ang mababang pasahod at kawalan ng pag-unlad. Ang pagsunod sa mga ito ay nagiging isang obligasyon imbes na porma ng pagsasamantala. 

 

Kapansin-pansin din ang biswal na tunggalian sa kasuotan. Ang mga manggagawang nakasuot ng mapupudpod at tagpi-tagping uniporme laban sa may-ari na nakadamit ng magarbo at maliwanag na pula at itim, na nagpapakita ng malaking agwat ng kapangyarihan sa pagitan ng nag-uutos at sumusunod.

 

Si Isya, ang bida ng dula, ay isang huwarang manggagawa na ginantimpalaan ng medalya, ngunit ipinakita na may kaakibat itong lubid sa kanyang kamatayan, na nagpapahiwatig na ang tinatawag na gantimpala ay maaari ring maging anyo ng pagkakakulong sa isang ilusyon ng “paraiso.” Bilang pitong taong manggagawa ng Mirashoes, natutunan ni Isya na mahalin at makuntento sa kanyang trabaho.

 

Ang paghahanap ng balidasyon sa isang medalya ay nagiging anyo ng pagkakakulong kung saan ang kanyang pinakamataas na pangarap ay nakakahon lamang sa apat na sulok ng Mirashoes. Para sa ilang mga minimum wage workers, ang konsepto ng "thinking outside the box" ay isang luhong hindi nila laging kayang bayaran. Ang pagiging neglected ng sistema ay nagbubunga ng pagpapabaya nila sa sarili nilang mga pangarap.

 

Ang “paraiso” na ito ay tumutukoy sa espasyong bodega, kung saan umiikot ang buhay ng mga manggagawa sa paulit-ulit na siklo ng trabaho, kwentuhan, at panandaliang aliw sa pamamagitan ng pakikinig sa radio drama, na sadyang inilagay upang lunurin ang katahimikan ng kanilang mga pangarap na matagal nang pumanaw.

 

Ang kulay ng ilaw na ginamit sa entablado ay malaking tulong sa pagpapakita ng pangunahing tema ng dula–ang ginhawa bilang isang ilusyon. Sa kabila ng init at hindi mabilang na mga kahon sa kanilang paligid, ipinakita nilang komportable at masaya ang mga tauhan sa kanilang kinalalagyan kahit na sila ay nakapaloob sa isang sistemang ‘nakakahon.’

 

Pangarap sa kahon

Katahimikan at pagtuon sa trabaho ang sistemang nakasanayan ni Isya, ngunit bahagyang umuuga ito sa pagdating ni Al—ang bagong katulong na may salungat na pananaw sa kanya. Si Al ay gutom sa pag-unlad at may matinding galit sa sistemang kanyang kinabibilangan.

 

Para kay Al, pansamantala lamang ang trabaho sa Mirashoes dahil may mga ambisyon siyang nais niyang makamit sa buhay. Sa kaniyang presensya, unti-unting nagbago ang ihip ng hangin sa loob ng bodega. 

 

Ang pag-usbong ng ugnayan nina Al at Isya ay nagsilbing sentro ng pagbabagong ito—isang paalala na may mga damdaming hindi kayang ikulong ng sistema, ang pag-ibig. Kasabay nito, mas lumalim ang pakikipag-ugnayan ni Isya sa kaniyang mga kapwa manggagawa. Dahil dito, mas nabahagi nila ang kanilang mga hinanakit at reklamo sa kalagayang matagal na nilang tinatanggap.

 

Dahil dito ay nagkaalitan sila ni Emy, isang prankang manggagawa at ng kanilang supervisor na si Ate Pastora, na nauwi sa pagtanggal kay Emy sa trabaho. Hindi nagtagal, umalis na rin si Belen, isa rin sa mga manggagawa, dahil sa kaniyang pagbubuntis, na sinabayan ng kawalan ng trabaho ng kaniyang asawa. Sa parehong panahon, ipinakita ni Al ang kanyang galit sa sistemang kinabibilangan niya–nagalit siya sa mga taong may ambisyon tulad niya na hindi umuusad, at sa mga taong tila walang direksyon sa buhay. Ang presensya ni Al ay isang paalala na ang buhay ay mas malaki kaysa sa isang bodega ng sapatos. Gayunpaman, ang galit ni Al sa mga taong walang direksyon sa buhay ay nagpapakita rin ng trahedya ng mga nagnanais umalpas ngunit hinahila pabalik ng kahirapan. Dahil sa pagkasawa sa sistemang kanyang ginagalawan, tuluyang iniwan ang bodega, pati na rin si Isya. 

 

Maging sa biswal na aspeto, malinaw ang pagkakahati—ang mapupudpod na kasuotan ng mga manggagawa laban sa marangyang pananamit ng may-ari—isang tahimik ngunit matalim na komentaryo sa agwat ng kapangyarihan.

 

Ang pait ng isang gantimpala

Sa pagtatapos ng kuwento, masisilayan ang trahedya sa muling pagsusuot ng medalya bilang pagtanggap na ang Mirashoes na ang magiging hangganan niya.

Ang Paraisong Parisukat ay naging isang matalim na komentaryo sa karanasan ng mga manggagawang Pilipino. Ipinapakita nito na kapag ang isang tao ay nasanay na sa dilim at siksik na espasyo, ang kalayaan ay nagmumukhang nakakatakot na banta sa halip na isang pagkakataon. Ang apat na sulok ng tindahan na dati ay nagsilbing proteksyon ay naging rehas na kumulong sa kaniyang pagkatao, at patuloy na nararanasan ng mga manggagawang Pilipinong tulad niya.   

Ang dula ay nag-iiwan ng malalim na pagninilay tungkol sa siklo ng pagpapabaya at ang epekto nito sa indibidwal. Kapag ang isang tao ay paulit-ulit na nakararanas ng pagkakalimot o pagpapabaya mula sa lipunan o sa kanyang pinagtatrabahuhan, darating ang punto na maging ang sarili nilang mga pangarap ay kanilang mapapabayaan na rin. Sa kasalukuyan, madalas na karanasan pa rin ito ng mga blue-collar minimum wage workers. Ipinapakita nito kung paano nalilimitahan ng mababang sahod at paulit-ulit na gawain ang pananaw ng isang tao sa kanyang hinaharap.

Sa huli, ang Paraisong Parisukat ay hindi tulad ng pamagat, na isang paraiso, ngunit isang paalala na ang seguridad na walang paglago ay isa ring uri ng bilangguan.