Inihandog ng ng Artistang Artlets, ang opisyal na theater guild ng Faculty of Arts and Letters ng University of Santo Tomas (UST), ng kanilang ika-45 na major production na pinamagatang “Hanggang Humupa,” na itinanghal noong Mayo 14 hanggang 16 sa Girl Scouts of the Philippines National Headquarters.
Sa panulat ni Kyte V. Villanueva, direksyon ni Chloei Angeline C. Fornea, at pamamahala ng produksyon ni Erah Laurice P. Alcaraz, dinala ang mga manonood sa Barangay Hanggan—isang komunidad na tila ordinaryo sa unang tingin, ngunit unti-unting nabubunyag ang bigat ng realidad sa bawat pagtaas ng tubig-baha.
Sa gitna ng temang Pasko, ibinida ang mga palamuting kumikislap, mga parol, mga magkakapitbahay na nagkukuwentuhan, at ang tindahang nagsisilbing tambayan.
Mga pangarap na tuluyang inanod
Sa gitna ng baha, ipinakilala ang iba’t ibang karakter na pilit na nakikipagsapalaran hirap ng buhay at kawalan ng katiyakan para sa kanilang kinabukasan. Sa bawat karakter, unti-unting lumitaw ang iba’t ibang mukha ng pagsasakripisyo; mga pangarap na ipinagpaliban, responsibilidad na kailangang akuin, at mga relasyong pilit inuunawa kahit unti-unti nang nilalamon ng pagod at matinding kalungkutan.
Si Mylene, isang panganay na napilitang akuin ang mabigat na responsibilidad ng pamilya matapos siyang iwan ng ama ng kaniyang anak. Habang pilit niyang inaahon ang sarili mula sa kahirapan, ginagawa niya ang lahat para maipagpatuloy ang pag-aaral ng kaniyang nakababatang kapatid na si Myra.
Samantala, si Myra ay kumakatawan sa pagnanais ng mga mamamayan ng Barangay Hanggan na makaalis sa pagkalubog sa baha. Nakapasa man sa isang unibersidad sa Maynila, nananatiling tanong kung kakayanin ba ng kanilang kalagayan sa buhay ang gastos sa pag-aaral. Sa bawat hakbang niyang palayo, tila mas lalo siyang hinihila pabalik ng baha—isang malinaw na larawan kung paanong ang kahirapan ay hindi lamang kakulangan sa salapi, kundi isang siklong mahirap takasan.
Mga pangakong hindi umaahon
Sa pagdating ni Kapitan Lito, naging malinaw ang isa sa pinakamabigat na suliranin ng dula—ang malawak na pagitan ng mamamayan at kapangyarihan. Sa halip na kongkretong aksyon, ang inihandog sa komunidad ay mga pa-raffle, zumba, at bingo. Sa gitna ng lumalalang sitwasyon, dumaraming lamok, at mabahong tubig-baha, nanatiling hungkag ang mga pangako ng dredging at rehabilitasyon.
Ang linya ni Arturo na, “Hindi ibig sabihin ng nagtitiis, okay na ang nangyayari,” ay tumimo bilang sentrong kritika ng dula. Ipinakita rito na ang kultura ng pagtitiis o resiliency ay nagiging dahilan upang manatiling hindi managot ang mga may kapangyarihan.
Sa ilalim ng tubig
Habang hinaharap ng Barangay Hanggan ang malakas na bagyo, mas naging mabigat ang daloy ng naratibo. Mas naging malinaw ang distansya sa pagitan ng mamamayan at kapangyarihan. Sa kabila ng paulit-ulit na paghingi ng tulong, nanatiling mabagal at hungkag ang tugon ng pamahalaan. Ipinakita rito na sa panahon ng sakuna, higit na lumulutang ang agwat ng may kapangyarihan at ng mga ordinaryong mamamayan na walang ibang magawa kundi maghintay bago sila tuluyang lumubog. Hindi na lamang ito kuwento ng kahirapan, kundi ng pagkawala—mga buhay na inanod, mga katawang hindi na natagpuan, at mga relasyong unti-unting nasisira sa gitna ng matinding kalungkutan.
Sa kabila ng ilang sandaling may halong komedya, tulad ng mga eksenang nagbibigay-ginhawa, hindi nito natabunan ang mas malalim na kalungkutan na bumabalot sa buong produksyon.
Sa huli, bilang isang pagtatanghal, matagumpay na naipamalas ng “Hanggang Humupa” ang pagsasanib ng komedya, drama, at matalas na panlipunang komentaryo. Sa likod ng maayos na music production at masiglang ensemble, nananatiling malinaw ang mensahe na nais iparating ng dula—ang sakuna ay hindi lamang dulot ng kalikasan, kundi minsan ay bunga rin ng kapabayaan.
Hindi lamang baha ang kailangang humupa sa Barangay Hanggan, kundi pati na rin ang galit, ang sistemang matagal nang nagpapalubog sa mga mamamayan nito, at ang patuloy na katahimikan na tila sumasang-ayon sa kahirapan.
