Ang buwan ng Mayo sa Pilipinas ay kilala bilang panahon ng mga pagdiriwang at tradisyon. Itinuturing ito bilang isa sa mga pinaka-maligaya at makulay na buwan sa bansa habang ipinagdiriwang ng mga komunidad ang samu’t saring mga kapistahan na nag-ugat sa debosyon ng mga Katoliko sa Birheng Maria, ang pagtatapos ng panahon ng pag-aani, at gayundin ang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Pamana.
Karamihan sa mga piyesta sa buwan ng Mayo ay sumusunod sa kalendaryong pang-agrikultura at karaniwang isinasagawa matapos ang masaganang ani. Nagdaraos ang iba’t ibang komunidad ng kanilang mga pagdiriwang ng pasasalamat at mga gawaing panrelihiyon upang ipahayag ang kanilang pananampalataya, pasasalamat, at pagkakaisa.
Higit pa sa pagdiriwang ng tanyag na selebrasyon ng Flores de Mayo sa buong bansa, maraming probinsya ang nagpapakita ng kanilang mga lokal na pagdiriwang na lalong nagpapatingkad sa bukod-tanging kultura, tradisyon, at pagkakakilanlan ng kanilang mga komunidad.
Obando Fertility Rites (Obando, Bulacan)

Napupuno ng musika at sayawan ang mga kalsada ng Obando, Bulacan sa ikalawang linggo ng Mayo habang ang mga deboto ay umaawit ng kantang Santa Clara Pinung-Pino at nakikiisa sa sikat na Sayaw sa Obando. Maraming deboto ang dumadayo upang sumayaw sa pag-asang magkaroon ng anak, makahanap ng asawa, o makatanggap ng magandang kapalaran. Ang tatlong araw na pagdiriwang ay nagpaparangal sa tatlong pinipintakasing mga santo na sina San Pascual Baylon tuwing Mayo 17, si Santa Clara naman sa Mayo 18, at ang Mahal na Birhen ng Salambaw sa pagsapit ng Mayo 19. Ayon sa mga alamat, natagpuan ng mga mangingisda ang isang estatwa ng Birheng Maria sa isang salambaw o lambat, at kalaunan ay naging patrona ng bayan ng Obando sa pangingisda at magandang ani. Sa ngayon, ang pagdiriwang ay nananatiling isa sa mga pinakakilalang relihiyosong tradisyon sa bansa na pinagsasama ang mga diwa ng pananampalataya, kuwentong-bayan, at pagdiriwang ng komunidad.
Turumba Festival (Pakil, Laguna)

Naisasabuhay ang debosyon sa pamamagitan ng musika at sayaw tuwing ipinagdiriwang ng bayan ng Pakil ang Turumba Festival, na nagpaparangal sa Pitong Kapighatian ng Mahal na Birheng Maria. Itinuturing ito bilang pinakamahabang relihiyosong selebrasyon sa Pilipinas dahil ipinagdiriwang ito ng pitong beses sa pagitan ng mga buwan ng Abril at Mayo. Nagsimula ang tradisyon ng Turumba noong 1640 nang matuklasan ng isang mangingisda ang imahe ng Birhen sa Lawa ng Laguna. Habang dinadala ng mga tao ang imahen sa simbahan, nagsimula silang kumanta at sumayaw bilang pagdiriwang—at nangyari ang unang prusisyon ng Turumba. Sinasabing nagmula sa pariralang "natumba sa laki ng tuwa” ang pangalan ng pista mula sa pangyayaring iyon. Ngayon, ang pagdiriwang ay nagtatampok ng mga prusisyon, mga tambol, street dancing, at makukulay na pagtatanghal mula sa iba't ibang karatig-bayan, habang ang Fiesta Pakileña tuwing Mayo 12 ay minarkahan naman ang pagkatatag ng Pakil noong 1676.
Boa-boahan Festival (Nabua, Camarines Sur)

Ipinagdiriwang ng Boa-boahan Festival sa Camarines Sur ang mga lumang paniniwala at tradisyon ng pasasalamat bawat taon tuwing Mayo 2. Isinasadula muli ng pista ang isang ritwal noong ika-13 siglo kung saan ang mga naunang nanirahan sa Nabua ay nag-alok ng mga bunga ng niyog na tinatawag na “boa” sa mga paganong diyos, sa pag-asang magkaroon ng masaganang taon. Bukod sa paglarawan nito sa pamumuhay ng mga sinaunang tao, ipinagdiriwang din ng Boa-boahan ang pagyabong, mga ani, at kaligtasan ng kanilang pamayanan sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan, pagtatanghal sa kalye, at pagtatanghal ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang barangay sa panahon ng pista ng bayan.
Pahoy Pahoy Festival (Calbiga, Samar)

Tuwing Mayo, nabubuhay ang bayan ng Calbiga sa mga dambuhalang panakot-uwak na sumasayaw sa kalsada tuwing kapistahan ng Pahoy Pahoy. Ito ay isang pagdiriwang ng pasasalamat para sa masaganang ani at isang parangal sa mga lokal na “pahoy pahoy” o panakot-uwak na ginagamit ng mga magsasaka upang bigyang proteksyon ang kanilang mga palayan mula sa mga ibong maya at peste sa halaman. Isinasalaysay ng mga lokal na kuwento na tumutulong ang mga pahoy pahoy sa pagligtas sa mga taganayon mula sa taggutom. Ipinapakita ng pagdiriwang ito ang pagsayaw sa kalsada, makukulay na parada, at iba’t ibang uri ng pagtatanghal na may mga kalahok na nakabihis bilang panakot-uwak. Pinupuno ng tradisyonal na musikang gawa sa kawayan, lata, at bato ang mga lansangan ng Calbiga habang ipinagdiriwang ng mga lokal ang mga tradisyon ng pagsasaka at buhay ng kanilang komunidad.

Ipinagdiriwang ng Lungsod ng Butuan ang mayamang kasaysayang pandagat nito tuwing Mayo 19 sa pamamagitan ng Balangay Festival. Ginugunita nito ang mga sinaunang balangay na ginamit ng mga tao at mangangalakal na naglakbay mula Borneo at Celebes tungo sa Agusan. Minamarkahan din ng pagdiriwang ang deklarasyon ng mga nahukay na balangay bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan noong 1987. Dahil kilala ang Butuan bilang “tahanan ng mga balangay”, itinatampok ng lungsod ang malakas na koneksyon nito sa mayamang kultura ng paglalayag sa dagat sa pamamagitan ng mga kultural na pagtatanghal at parada. Ang mga aktibidad na ito ay nagpaparangal sa papel ng Butuan sa kasaysayan ng Pilipinas at ng mga karatig-bansa nito sa Timog-Silangang Asya—na may makabuluhang kaugnayan sa pamumuno ng Pilipinas sa Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya (ASEAN) nitong 2026.
P’gsalabuk Festival (Dipolog, Zamboanga del Norte)

Ipinagdiriwang ng P’gsalabuk Festival ng Dipolog ang pagkakaisa ng mga magkakaibang komunidad nito. Ang salitang “p’gsalabuk” na nagmula sa wikang Subanen ay literal na nangangahulugang “kaisahan.” Pinagsasama-sama ng pista ang mga Muslim, Kristiyano, at Katutubo sa pamamagitan ng samu’t saring aktibidad tulad ng mga prusisyon sa ilog, patimpalak ng kagandahan, eksibisyon ng kultura, at konsiyerto. Gayunpaman, idinadaos kasabay ng pagdiriwang ang kapistahan ni San Vincente Ferrer—ang pangalawang patron ng Lungsod ng Dipolog. Samakatuwid, ang P’gsalabuk ay higit pa sa isang selebrasyon sapagkat sinasalamin nito ang pinagsasaluhang pamumuhay, pakikisama, at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Dipolog anuman ang kultura o relihiyon.
Ang buwan ng Mayo ay hindi lamang palatandaan sa simula ng panahon ng tag-araw sa Pilipinas. Dala rin ng panahong ito ang mga pagdiriwang na nagpapakita ng iba’t ibang kultura ng bansa, pinagsaluhang pananampalataya, at malalim na koneksyon sa tradisyon at agrikultura. Higit pa sa mga kilalang kapistahan, maraming lokal na pagdiriwang sa iba't ibang rehiyon ang nagsasalaysay ng sarili nilang kuwento ng komunidad, kasaysayan, at kakanyahan.
Sa huli, ipinapakita ng mga pagdiriwang na ito na marami pang matutuklasan sa kulturang Pilipino. Habang patuloy na pinagsasama-sama ng mga kapistahan ang mga tao, inaanyayahan din nito ang mga Pilipino na tuklasin ang mga bagong kultura at lugar, matuto mula sa iba't ibang komunidad, at pahalagahan ang maraming kultura na bumubuo sa pagkakakilanlan ng bansa.
